Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tumambad sa akin ang rehas
Na may tuklap-tuklap na nakaraan,
Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw.
May mga banderitas ding panlayag
Siyang simbolo ng mainit na pagbati.

Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa
Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari.
Ang pagtatampisaw sa putikang
May sirit ng pagmamadali.
Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan
At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.

Sampung minuto raw
Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala
Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon
Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.

Nilalatag ko nang paulit-ulit
Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento
Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa
Buhat sa matatapang na mga matang
Hindi ko man lamang masuyo.

Nililingon ko sila sa aking paghihintay
Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan.
Malaya ko silang pagbubuksan,
Yayapusin ng buo kong pagkatao.

Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada
Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo.
Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag,
Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.
kingjay Dec 2018
Kunin ang litrato sa sulok na nag-iisa
Pakinggan ang himutok
sa kwadradong kahoy nakapatong
ng bangkay na  nangangapa pa

Buuin ang palaisipan
Kung may itsura ay hugutin
ang kasagutan sa bugtong
Tulungan mabatid ito, iwasan ang pagkalito
Nababalisa ang gabi at di makatulog

Munting daliri ay igalaw
Ngunit nanatiling tamad ang mga braso
Sa pagkabog ng dibdib
Ang halinghing ay maririnig
Sa kalaunan ay parang di na humihinga

Kinakalawang sa silid
Nakahandusay sa silyang rektanggulo
Tiisin ang katahimikan
Magdurusa sa kaawa-awang mga oras na di pa umaga
Malayo ang araw at mga bituin ay pinagkait pa

Tagpi-tagping tela ang lulan ay hinala
Magbuntong-hininga ito makipag-usap
Isinalaysay ang pagdaralita
Nakatikom ang bibig
Maghihilom din bagkus di makatawa

Magmumukmok sa loob
ang walang saysay na uwak
Idagit ang kabuluhan
Ang pakikipagsapalaran ay sakuna
101915

Alam kong sayo ang sakay
Medyo nainip ako buhat sa pagkabigo
Nang minsang inabanga'y
Nakaligtaang arkelado pala.

Nag-abang ako,
Pumara ng iba
Pati ruta pala'y ibang ibayo ang salta.

Ibang kalsada,
Naglakad akong muli
Oo, mas napagod
May paltos at kalyo ang mga paa
Sana'y naghintay na lang ako sayo
Kahit walang kasiguraduhang
Magbabalik para paangkasin.

Bukas makalawa,
Sa panahong hindi mala-Cinderella,
Daraan kang muli
Hihinto kahit di parahin,
Aalukin akong sumakay
Pagkat naihatid mo na ang iba.

Ako marahil ang huling pasahero
Bagkus alam kong may bakanteng silya
Silyang inilaan at palaging pinapagpagan
Nang hindi maalikabuka't
Maihanda sa  oras na nakalaan.

Sasakay ako nang dahan-dahan,
Hindi gaya ng dating may pagmamadali,
Titingnan kong maigi ang hagdanan
Nang hindi ako matalisod
At may mahawakan.

Sasakay akong may panibagong pag-asa
Walang pag-aalinlangan sa pait ng nakaraan
Marahil hihintong muli ang sasakyan
Bagkus totoo nga't
Makabababa na sa tamang hantungan.
Joyce Nov 2010
Dumaan ako sa Nagtahan
at doo'y nanahan
aking diwang gising
at minulat,
pilit binulag
ng isang dakot
na Asin.
Rumampa sa Laong Laan,
pilit inabangan
ang pagtila,
tila Luha
ang tanging pakinabang.
Tumawid sa Lacson,
nadapa --
bumangon.
Sumakay ng traysikel
sa Ocampo,
pumara sa Crisostomo;
nangapitbahay sa Maria Clara
nagpalamig sa Ibarra
hanggang Simoun,
Quintos, Dapitan.
Hindi ka matagpuan.
Tila silyang marupok
na walang pakinabang;
Tila laway na muntik
masayang
ang paglalakad ng pusong
minsan nasagasaan
noong binagtas ang kahabaan ng Dimasalang.

Umuwi sa Sampaloc,
kumuha ng gamit.
Palihim na naglakad
papuntang Blumentritt.
Pinagpawisan sa pagsakay
sa Recto.
Anong ginagawa ko rito
sa Quiapo?
Isang makipot na sangandaan
kailangang mairaos daanan.
Isang hakbang palayo
sa maputik na Ocampo;
minsan nang bumagyo dito.
Meron pa bang tayo?
081716

Inagaw ko ang silya kay Itay,
Nagdabog at nagkalansingan ang hain Niya;
Nilisan Siya kahit may habilin pa.
Nagmamadali ako, ayokong mahuli.
Pero ang oras, Siya pala ang Eksperto.

Nadapa, nasugatan --
Umiyak ako sa sobrang sakit.
Di bale nang pagalitan ako ni Itay,
Gusto ko lang talagang makauwi.

Kaya't bumalik ako,
Hindi ko napigilang mas umiyak pa
Nang yayain Niya ako sa Hapag-kainan.
"Kain na, anak."
Parang walang nagbago.

Alam ko, bawal ang "Tayo"
Kaya umupo ako sa silyang alok Niya.
Saka na ako tatayo,
Ayoko na kasing mauna.
Bahala na si Itay.

— The End —