Paunawa sa babasa:
Hiniling ng isa kong kaibigan na relihiyoso na gawan ko daw s'ya ng tula tungkol sa ikalimang wika ni Kristo noong nagdaang Mahal na Araw kaya kahit Atheist ako ay ginawa ko ang Free Verse (Malayang Taludturan) na ito.
“Nauuhaw ako”
Malalim ang baon ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa. Mahigpit din ang pagkakatali ng lubid sa kanyang mga braso. Napapalibutan siya ng mga kaaway, nagsusugal at nag-iinuman ang mga sundalong Romano habang nililibak siya ng mga Pariseo. Tiyak na wala s’yang kawala. Naghahalo ang dugo at pawis magkasabay itong umaagos palabas mula sa kanyang katawan; hindi na rin n’ya maalala kung ilan ng sampal, suntok, sipa at palo ang kanyang natanggap. Sa gitna ng kanyang paghihirap binigkas ni Hesus ang kanyang ikalimang wika:
“Nauuhaw ako”
Kagabi lang bago s’ya dakpin ng mga tampalasan ay nagmakaawa s’ya sa hardin ng Getsemane at taimtim na hiniling sa kanyang Ama na kung maaari sana ay huwag na n’yang danasin ang paghihirap na ito. Subalit hindi s’ya dininig nito.
“Nauuhaw ako”
Siya ba ang kailangan na magdusa, obligado ba s’ya na bayaran ang kasalanan ng iba? Bakit s’ya ang inutusan ng kanyang Ama para akuin ang sala ng sangkatauhan? Masyadong mabigat ang pasanin na ito para sa isang hamak na karpintero na gaya n’ya.
“Nauuhaw ako”
Ito ba ang kapalit ng pagiging masunurin at mabuting anak ang masadlak sa laksang dusa at malagim na paghihirap? Nasasabik na s’yang umupo sa tabi ng kanyang ama; hinahanaphanap n’ya na ang papuring awit ng mga Anghel sa langit.
“Nauuhaw ako”
Nilikha ba ang sanlibutan at ang mga tao upang sa bandang huli ay maging mapaghimagsik sila at walang galang sa kanilang lumalang? Bakit punong-puno ng kalupitan at karahasan ang mundo?
“Nauuhaw ako”
Hindi sapat ang tubig o ano mang inumin para mawala ang kanyang uhaw na nagmumula sa puso; ang pag-ibig ng sangkatauhan ang kanyang inaasam.