Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mga ala-alang iginuhit
ng nakaraan,
mga bagay na nabura
ngunit bakas ang marka.

Mga oras na lumipas
na katulad ng bula,
usok at ulap
- agad pinapawi ng
matulin na sandali.

Sa maraming
minsan na nag-daan,
sa maraming tagpo
- kuwento ng mga kahapon,
minsan lamang dumating ang
pag-kakataon.

At kung ang hiling
ay inabot na sa piling,
huwag ng palampasin,
Pagkat minsan - mabait,
madamot o matampuhin
ang tadhana.

Alalahanin na kailan
ma'y di maaaring
mapaki-usapan ang panahon
na ulitin o madalaw
ang lumipas na kahapon.
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
spacewtchhh Feb 2021
nakilala mo na ang dilim
sa paglipad ng bawat segundo
at ng bawat minuto sa iyong puso

hindi naman dulot ng gabi ang lagim
sadyang nakakagambala lang ang kanyang ingay
sa mga tenga **** naghihintay ng walang humpay

narinig na niya lahat ng iyong lihim
sa mga paghikbi
at mga luha na bilisang pinapawi

sa bawat aliw, poot man, o panimdim,
ika'y humiga at magtimpi sapagkat ito'y hiram lang
manatili kang payapa, at ang iyong isipan.

manalangin ka na lamang ng taimtim
baka bukas aawit sayo ang mga puno't halaman
makakarating kana sa patutunguhan
It feels good writing in Filipino.
Ramdam mo kung gaano kabigat ang pasan na nais mo nang bitawan

— The End —