Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
"A spectre is haunting Europe"
- Communist Manifesto

Ang multong gumagala noon sa Europa ay hindi parin natatahimik. Hanggang ngayon ay patuloy itong gumagala at nanggagambala. Hindi n’ya pinatatahimik ang mga burgis at elitista. Kaya’t patuloy na nagsasabwatan ang ibat-ibang kapangyarihan sa lipunan upang labanan ang multong ito at hadlangan ang kanyang paggala. Ang mga lider ng relihiyon, ang mga kapitalista, ang mga namumuno sa gobyerno na panay oportunista, ang pasistang militar, ang pulisya pati na ang midya lahat sila ay nagsasamasama upang kalabanin ang multong gumagala.

Nasaan na ang tunay na partido ng mga manggagawa na kinakatawan ng multong gumagala? Nasaan na ang mga rebolusyunaryo at mga aktibista na kakalaban sa bulok na Sistema? Bakit hanggang ngayon ay namamayani parin ang naghaharing mapagsamantalang uri? Kinain na ba kayo ng maling sistema at ngayo’y naaagnas na rin?

Nang bumagsak ang Rusya at lumihis ang Tsina ay nagdiwang ang mga imperyalista. Akala nila ito na ang wakas nang paggala ng multo, subalit nabigo sila at nagmukhang mga asong hangal na kumakahol sa sariling suka. Pagkat nagpatuloy ang multo sa kanyang paggala at ibayong lagim ang kanyang dala-dala. Subalit bakit tanong nila?

Simple lang ang dahilan:

Hanggat laganap ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay hindi sila patatahimikin ng multong gumagala. Patuloy nitong uusigin ang budhi ng mga ganid at sakim sa kayamanan.

Hanggat ang biyaya ng lupa ay hindi nakakamtan ng lahat ng tao ay patuloy itong magmumulto.

Hanggat ang mga manggagawa ay hindi gumiginhawa hindi mananawa ang multo na magpaalala sa kanila na patuloy nilang igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan na s’yang nararapat.

Patuloy na gumagala ang multo ng Komunismo na nagmula pa sa Europa kailanman hindi nito patatahimikin ang mga sakim sa yaman at sukaban sa kapangyarihan.
cj Jul 2019
pula.
kulay ng galit.
kulay rin ng determinasyon.
kulay ng mga gigil sa hinanakit
ng kataasan-taasan
kulay ng mga may pasyon
sa pagbabago sa lupang tinubuan
kulay ng galit sa opresyon
sa mga mala-pasistang maylupa
kulay ng tunay na lumalaban
para sa bayan

ngunit isang hipokrasiya
para sa bansang ayaw sa pula
ay tintado ng pula
ang mga tigang na lupa at kalsada
tintado ng pula
ang dalawang watawat na sinasamba
tintado ng pula
ang ibinotong buwaya sa kongreo
tintado ng pula
ang pag-urong natin sa progreso
JOJO C PINCA Dec 2017
sinusunog na mga bahay,
sinasamsam ang mga ari-arian,
sinasaktan pati ang mga bata,
ginagahasa ang mga babae,
at pinapatay ang mga lalake.
ganito araw-araw ang kanilang sinasapit,
hindi sa kamay ng mga tulisan o rebelde,
hindi sila ang salarin sa pang-aapi,
kundi ang estado at militar ang pasimuno.
sila ang pasistang halimaw na naninibasib,
pagkat gusto nilang maubos ang mga Rohingya.
hindi daw sila taga Burma,
latak daw sila ng mga Arabong dayo,
kaya kailangan na sila'y malipol.
walang magawa si Aung San Suu Kyi,
pati s'ya hawak sa leeg ng militar.
walang ginagawa ang Amerika at UN,
palibhasa wala silang mapapala sa mahirap na bansa.
isa na naman ba itong Rwanda,
o katulad sa Gaza?
walang gustong tumulong sa kanilang walang pakinabang.
maramot ang saklolo sa mga madaling maloko,
hindi kinakalinga ng langit ang mga tunay na api at kapos palad,
sapagkat ang mata ng kasaysayan ay nakatuon lagi sa Europa
at sa mga bansang masagana.
Madelle Calayag Jan 2020
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers

— The End —