Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nakasisilaw* sa Kapitolyo
Sa sentro ng siyudad
Tatak ng probinsyang pabo.

Sari't sari ang trayanggulong baligtad
Nasa ere silang kumukumpas
At tila ba may spotlight sa norte paroon
"City of the Living God,"
Inukit sa tabla ng di kilalang manlililok.

Minsan ding naging "City in the Forest,"
Sabi pa sa balita'y "Safest place in the Philippines"
Bagkus ang pagmimina'y tuloy pa rin
Lalo na sa Rio Tuba na ramdam ang Climate Change.

Dagdagan pa ng pamimihasa ng PALECO
Hihiramin nang saglit ang kakaunting ilaw at hangin
Nang di maglao'y mapa-"OO" ang lahat
Sa mungkahi nilang planta ng pagbabago.

Bulag sila't barado ang isip
Kikitilin ang hanapbuhay ng mga residente
Walang kamalay-malay ang iilan
Ito'y mitsa na pala ng pagdarahop.

Hahalayin ang tigang na lupa
Bubungkalin raw ang kinabukasan
Bagkus ang pawis ay sa atin
Tayo'y alila ng karatig-bansa
Dayuhan sa sariling bayan.

Titirik sila sa espasyo
Bisig ng tabing-dagat na buhangi'y sutla
Inosente nga sa Salvage Zone
Paano pa kaya pag naimplementa na?

Likido ang bawat anino sa semento
Tumatakbo't tumatagpo sa iba't ibang direksyon
Hindi makapuswit ang mga sasakyan
Maging ang simpleng harurot
Ng munting bisekleta ni Juan.

Doon ko nasilayan ang magigiting na pulis
Taas-noong suot ang uniporme
At iilang traffic enforcer
Na wala sa linyang puti.

Tila bawat uri ng katauha'y nasa parada
Kung hindi man,
Sa iilang personang lumalabas-pasok sa eksena
Kukuha ng larawan, akala mo eksperto
Hindi naman pala
Ayos, selfie pala ang gusto
Dekorasyon ang mga artistang Netibo.

Bawat munisipyo'y may nagsisilbing pambato
Makukulay ang mga sasakya't pudpod ng disenyo
Na sa kahit sa palamuti'y maitaas ang munisipyo
Buhat sa pagkabiktima ng gobyernong manloloko.

Highlight nga ang Street Dancing
Aba't ang layo ng kanilang lakarin
At sa bawat kanto'y sasabay
Sa saliw ng Remix na musikang inihain.

Nalugmok ang puso ko
Bagamat ito'y nararapat na saya ang dulot
Ito'y nagsisilbing maskara na lamang
Nakasanayan, naging tradisyon
Ang kulturang laging may bahid ng eleksyon.

Nakaririmarim ang iilang nasa trono
Pinalibutan ng berdeng hardin ang sentro
Bulong ng Supplier doble pala ang presyo
Aba't sige nga, saan nila ibubulsa?
Kung ang kanila'y umaapaw pa.

Bagamat ang lahat ay nasa bilog
Paikut-ikot tayo sa animong sitwasyon
Tanging takbuhan nati'y ang Maykapal
Na hanggang sa huli'y magwawasto ng bawat kamalian.

Sa probinsyang kinalalagyan
Ito'y nag-aalab na espada ng lipunan
Bawat isa'y responsable't may pananagutan
Tamang dedikasyon sa sandigang bayan.

Walang masama sa pagiging alarma
Maging aktibo ka, kabataan
Ikaw ang pag-asa ng Perlas ng Silanganan
Abutin mo yaong pangarap at manindigan
Hindi pansarili, bagkus pag sa tuktok na'y
Gawin ang tanging tama
Na naaayon sa batas ng higit na Nakatataas.

(6/29/14 @xirlleelang)
Jun Lit Sep 2017
Malakas ang bugso ng hangin
Bunsod ng pangangailangan
Bumubuhos ang ulan ng pananagutan
Daluyong, sunud-sunod ang hagupit

Mabuti pa ang kabuting mamunso
Magkakambal lamang karaniwan kung sumibol
Ngunit anong kalupitan mayroon ang kapalaran?
Di na nga makaahon sa dagat ng kahirapan
Ilulubog na naman ng alon ng kamalasan

Bibilangin bang muli ang galos ng panghihinayang
Tatapalan na lamang muli ang sugat ng puso
Ng dahon ng ikmo ng kapaitan
at binulungan ng orasyon ng sama ng loob
Bigo pa rin sa paghihintay ng kayamanang mailap

Litanya ng kabiguan:
     Pagkawala ng mga ari-arian..........
     Pagka-ilit ng lupa at tahanan..........
     Pagkaulila sa magulang..........
     Pagkasangla ng kinabukasan..........
     Sakuna..........
          Tila mga butil ng rosaryo
          Walang hanggang pagtitiis

Bukas darating ang maniningil – ng hinuhulugang 5-6
Nakasangla pa rin ang ATM sa ‘Lend Bank’ – di na matubos-tubos
Tinawag na lahat ng santo at santang maaaring utangan
Ng panustos na biyaya –
          GSIS Loan, ipanalangin mo po kami
          Provident Fund Loan, kaawaan mo po kami
          Kooperatibang Malapit, maawa ka sa amin
          Bumbay sa palengke, ipag-adya mo po kami
          Kubrador ng huweteng, patayain mo po kami
          Lotto, GrandLotto, MegaLotto, SuperLotto, UltraLotto,  
                  patamain mo po kami
          BIR, patawarin mo po kami
          Presyo ng langis, kahabagan mo po kami

Lahat ng ito’y isinasamo namin
Dahil lahat na yata ng kahirapa’y nasa AMEN.
fatima Apr 2018
magkaibang panig ng iisang daan
nagsalubong sa iisang punto
ang punto ng alanganin nating dalawa
lilisan pa ba o mananatili na lamang

sa bawat saglit ng sandali
pinili ang dalawang bagay
para sa iisang katauhan
tila ba ang sakit at saya ay iniinda

walang katapusang posibilidad
'oo' at 'hindi' ang dapat na makatapat
ngunit bakit napupunta sa iba't ibang panig
hindi na alam ang nararapat piliin

sa huli, tayo ang may pananagutan
sakit, tuwa, poot at galit
aanhin at dadamhin ng ating kaluluwa
pagod na pagod sa pag-ikot ng mundo

— The End —