Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong
Jowlough May 2013
Dala na din ng pagod ako ay humandusay ng walang kaabog abog
Sa bangketang madumi, ang katawan ko ay pinabayaan.
Basa ng ulan, ang pag ubo'y walang alangan,
Hanggang sa muli, hanggang sa makasakay
Dala na din ng pagod sa pagkayod at hanap buhay
At pakikipagtunggali sa mundong walang tigil, puro tagay.
Ang pag aasam maging karaniwan at humanay
ay 'di mawaglit. Hindi parin labis na masanay.
Bakit nananatiling lumalaban sa tamis at pait?
Dala na din ng pagod, ay hindi man lang mkapag ahit.
Ang pagod na wari sa sabog na balbas ay di alintanang lumago,
Buhok na primitibo ay minsan 'di na mailitrato.
Sapagkat napakaraming bagay ang naikot sa isip,
Upang sarili ay ihuli at sadyang balewalain;
Dahil minsa'y di mapigil ang sariling takbo ng ideya,
Sa pagkain ng isip sa puso, minsan ikaw ay madidismaya.
Sapagkat ako ay tumatanda ng paabante
Na walang iniisip kundi ang mabilis at walang kasiguruhang bukas ,
Na walang oras man ang pwedeng malibre at mabakante.
Dala na din ng pagod ako'y biglang natuturete
sa ingay ng maduming palengke, sa mahal ng kuryente,
Sa araw araw na madugong pagbyahe, pamamasahe;
Sa mala sinaunang Kastilang amo. Mga taong may ugaling dyahe.
Ang pakikisamang hinog na alam nating importante.
Dala na din ng pagod, alam nating hindi pasko parati.
Sa ambisyon at oras, ginagawa ang lahat at pilit naghahabol,
Kapag isipan ay nalason. Bilisan at ang oras ay nagagahol.
Dala nadin ng pagod, nagiiba ang pangangailangan
bakit ang dating madali ngayon sa hirap ay saksakan?
ang maliit at lumalaki, ang punong kahoy **** matikas,
ay sadyang binabato sa tuwing ito ay namumunga ng wagas.
Sa kabilang buhay, huwag **** kalilimutan.
lahat ng paghihirap ay sadyang mawawala.
Mga maling desisyon huwag kaagad itulak,
mga iniisip huwag sadyaing ibalak.
Dala lang yan ng iyong saloobin at pagod iho,
matatapos din ang pait sa sa paglaklak ng alak
090316

Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?

Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.

Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.

Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?

Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.

May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.

Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.

Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.

(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)
Jun Lit Sep 2017
Malakas ang bugso ng hangin
Bunsod ng pangangailangan
Bumubuhos ang ulan ng pananagutan
Daluyong, sunud-sunod ang hagupit

Mabuti pa ang kabuting mamunso
Magkakambal lamang karaniwan kung sumibol
Ngunit anong kalupitan mayroon ang kapalaran?
Di na nga makaahon sa dagat ng kahirapan
Ilulubog na naman ng alon ng kamalasan

Bibilangin bang muli ang galos ng panghihinayang
Tatapalan na lamang muli ang sugat ng puso
Ng dahon ng ikmo ng kapaitan
at binulungan ng orasyon ng sama ng loob
Bigo pa rin sa paghihintay ng kayamanang mailap

Litanya ng kabiguan:
     Pagkawala ng mga ari-arian..........
     Pagka-ilit ng lupa at tahanan..........
     Pagkaulila sa magulang..........
     Pagkasangla ng kinabukasan..........
     Sakuna..........
          Tila mga butil ng rosaryo
          Walang hanggang pagtitiis

Bukas darating ang maniningil – ng hinuhulugang 5-6
Nakasangla pa rin ang ATM sa ‘Lend Bank’ – di na matubos-tubos
Tinawag na lahat ng santo at santang maaaring utangan
Ng panustos na biyaya –
          GSIS Loan, ipanalangin mo po kami
          Provident Fund Loan, kaawaan mo po kami
          Kooperatibang Malapit, maawa ka sa amin
          Bumbay sa palengke, ipag-adya mo po kami
          Kubrador ng huweteng, patayain mo po kami
          Lotto, GrandLotto, MegaLotto, SuperLotto, UltraLotto,  
                  patamain mo po kami
          BIR, patawarin mo po kami
          Presyo ng langis, kahabagan mo po kami

Lahat ng ito’y isinasamo namin
Dahil lahat na yata ng kahirapa’y nasa AMEN.
George Andres Jul 2016
Nakita ko si Duterte
Nakita ko ang presidente
Nang bawian niya ng buhay ang isang residente
Siya ba ang nagbigay ng buhay na kahit walang laman
Pinipilit isalba ang hamak na katawan?
Pinipilit iukol lahat ng kagustuhan
Ang mamang iyon ay nais lamang ang kanyang tahanan
Nang bombahin ng trak ang barikada
Kinalabit ng pangulo
Makamandag na sandata’t lumabas ang punglo
Nasaksihan ng musmos ang pagsabog ng bungo

Nakita ko ang presidente
Sa pila PNR
Kung paanong tinusok niya ang bag na aking dala
At kung paanong ngumiti siya nang ako’y makaraan
At nang minsang ang tren, ako’y iwan
Sinamahan akong simpatyahan
Nang isang huli nalang ako na ay liban

Nakita ko ang presidente
Nang minsan akong pumunta sa palengke
Isang sanggol ang kanyang hinehele
Habang binibilang sukli ko sa bente
Nagkataong kulang pa ng siete
Itinulak niya ang isang bata
Binastos ang isang matanda
At isang babaeng di tinulungan sa dalahin
Binuska ang linya ng kanyang ipin

Nakita ko ang presidente
Nang bigyan niya ng tinapay ang isang pulubi
Nang hindi niya itinapon ang basura sa tabi-tabi
At sa kapwa matuwid siyang nagsilbi

Nakita ko ang presidente
Sa mata ng isang bata
Nagsisismulang isipin ang tama o mali
Kung sinong dapat idolohin
O kung dapat bang maging padalos-dalos at matulin

Tunay na siya ang salamin ng sambayanan
Ang piniling maging repleksyon ng paniniwala nati’t kakayahan
71216

— The End —