Langhap.
Kumuha ako ng isa galing sa inalok **** kaha,
Hinawakan ko 'to na tila bang nakasanayan ko na,
Naka-ipit sa hintuturo at hinlalato,
Nilagay sa aking labi,
Hinihintay ang pagsindi mo nito,
Nilapit ko ang sigarilyo sa sumasayaw na apoy upang magsalubong,
Bago lumanghap,
Ramdam ko ang puso kong kumakarera sa kaba
Tila bang nagpupumiglas lumabas,
Langhap.
Ubo.
Buga.
Langhap.
Ubo.
Buga.
Hawak ko ang isang kahang inaalok ko sa'yo,
Nasa bulsa ko ang isa pa na uubusin pag-uwi,
Kumuha ka ng isa,
Sinindihan,
Ako ang lumapit habang nakasabit sa'yong labi
Na tila bang naghihintay kang sayawan ng apoy,
Langhap.
Buga.
Langhap.
Buga.
Hawak ko ang kamay mo na tila bang ang tagal na natin nagsama,
Nakakapit, ayaw bumitaw, parang dalawang bagay na ginawa para magsama
Hinintay ang tamang oras,
Nilapit ko ang sarili ko sa'yo,
Umaasa na marinig mo ang tibok ng puso kong kalmado,
Nagsalubong ang ating mga labi.
Sa wakas,
sa wakas.
Buga.
Lumipas ang ilang linggo,
Tinigilan kita.
Hindi dahil sa gusto ko pero dahil sa sinabi nila na hindi ka nila gusto
Sinabi nila na nahulog ako sa'yo ng husto
Hindi ko alam na kasalanan na palang mag mahal ng sobra
Isang buwan nakalipas,
Hinahanap ka na ng kamay kong wala ng kinakapitan,
Ng labi kong wala ng hinahalikan,
Ng mga baga kong naghahanap ng usok na naging tama para sa kalusugan,
Hinahanap kita.
Tatlong taong nakalipas,
Tumigil na akong maghanap.
Buntong hininga.
Tinanggihan ko ang isang sigarilyong nakalawit sa kahang inalok mo,
Inipit ang aking mga labi,
Pinigilan ang sarili,
Pinigilan ang pagpapapumiglas ng puso kong hinahanap ka pa rin.
Naglakad ako palayo,
huminga ng hangin na tila bang bago pa rin sa'kin
Sa wakas,
Hindi na kita hinahanap.
Sa wakas.
Poem about addiction (specifically to smoking) i guess