Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tumambad sa akin ang rehas
Na may tuklap-tuklap na nakaraan,
Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw.
May mga banderitas ding panlayag
Siyang simbolo ng mainit na pagbati.

Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa
Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari.
Ang pagtatampisaw sa putikang
May sirit ng pagmamadali.
Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan
At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.

Sampung minuto raw
Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala
Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon
Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.

Nilalatag ko nang paulit-ulit
Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento
Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa
Buhat sa matatapang na mga matang
Hindi ko man lamang masuyo.

Nililingon ko sila sa aking paghihintay
Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan.
Malaya ko silang pagbubuksan,
Yayapusin ng buo kong pagkatao.

Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada
Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo.
Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag,
Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.
101915

Alam kong sayo ang sakay
Medyo nainip ako buhat sa pagkabigo
Nang minsang inabanga'y
Nakaligtaang arkelado pala.

Nag-abang ako,
Pumara ng iba
Pati ruta pala'y ibang ibayo ang salta.

Ibang kalsada,
Naglakad akong muli
Oo, mas napagod
May paltos at kalyo ang mga paa
Sana'y naghintay na lang ako sayo
Kahit walang kasiguraduhang
Magbabalik para paangkasin.

Bukas makalawa,
Sa panahong hindi mala-Cinderella,
Daraan kang muli
Hihinto kahit di parahin,
Aalukin akong sumakay
Pagkat naihatid mo na ang iba.

Ako marahil ang huling pasahero
Bagkus alam kong may bakanteng silya
Silyang inilaan at palaging pinapagpagan
Nang hindi maalikabuka't
Maihanda sa  oras na nakalaan.

Sasakay ako nang dahan-dahan,
Hindi gaya ng dating may pagmamadali,
Titingnan kong maigi ang hagdanan
Nang hindi ako matalisod
At may mahawakan.

Sasakay akong may panibagong pag-asa
Walang pag-aalinlangan sa pait ng nakaraan
Marahil hihintong muli ang sasakyan
Bagkus totoo nga't
Makabababa na sa tamang hantungan.
Karl Allen Apr 2017
May mga relasyon na masyadong masalimuot at halos ayaw mo nang pasukan.
At meron ding katulad ng sa atin.
Payapa.
Walang pagmamadali.
Hindi tahimik ngunit hindi ipinaalam sa mundo dahil alam natin pareho na ang sikreto ko ay sikreto mo.
At iniingatan ko ang mga sikreto mo na para bang sa akin din ito.
Hanggang hindi na sila sikreto ko o mo lamang kundi natin.
Hanggang ikaw at ako ay hindi na ikaw at ako lamang kundi tayo.
May mga sulat ako na para lamang sa mga mata mo.
May mga awit ako na para lamang sa mga tenga mo.
Ingatan mo silang lahat gaya ng pagiingat ko sa puso mo.
Mahal kita.
At patuloy na mamahalin pa.
w Dec 2019
94
Ubos na ang mga panahong hindi kailangan magmadali
Yung pagising sa umaga na hindi na kailangan ng nagwawalang awtomatikong orasan

Sa kakamadali ay nalilimutan nating magsoot ng pambahay na tsinelas pagbangon sa kama,
Maging ang pagharap sa salamin at pagbati ng "magandang umaga" ay lipas na

Ang mga pandesal at almusal na dati'y pinagsasaluhan sa lamesa, ngayo'y sa umaandar na sasakyan na inuubos okaya naman minsan ay dumadaan sa isang kainan para doon makakain

Kung noon ay sinusulit ang bawat hakbang ng mga lakad at napapansin ang mga bulaklak at dahon sa iyong paligid
Nalipasan na ng oras ang dati'y hindi ka tumatakbo at nagkukumahog, pinabilis ang pag-asam ng panahon

Kung babalik pa sa kahapon,
Lumipas na ang kapeng ilang beses **** hinalo't di na alam kung tunaw na ba ang bawat piraso ng oras kaya't di na napansing lumamig na sa paglipas ng oras

At sana, sa bawat pagmamadali at takbong gawin para makarating
Huwag mo sanang kalimutan
Na oras man ang kaaway,
Nakadikit ito sa ala-alang bumuo sa pagkatao natin

Muli, ipapa-alala ko na huwag mo sanang kalimutang pwede ka magdahan-dahan
Ipahinga mo ang iyong mga paa
Dahil ubos na ang panahong hindi tayo nagmamadali

Kaya  sana, hayaan mo munang mag-isa ang mundo at umupo ka muna sandali
Gumising kang hindi gula't sa nagwawalang orasan at isoot ang sapin sa paang sabik nang ihatid ka sa hapag-kainan
Timplahin mo ang kapeng mainit at hintaying matunaw ang bawat piraso
At doon, malalasahan mo, ang tunay ng sarap ng bawat segundong matagal mo nang hindi napapansing pinapalipas mo
oda Oct 2024
Kung sa pagmamadali **** lumayo ay ika’y nadapa; nadapa at nalumpo ka pa.
Kung sa paglingon mo sa iba ay napuwing ka, at kahit dumilat ka pa ay bulag ka na.
Kung sa pagyakap mo sa kaniya ay nangalay ka, at wala ka nang kayang hawakan pa.

Daglian kang TUMAKBO patungo sa’kin,
sa’kin mo ituon at ITITIG muli ang paningin,
at buksan ang palad –ILAHAD ang lahat.

Upang PUTULAN kita ng mga paa,
DUDUKUTIN ko ang iyong mga mata,
at TATAGPASIN kamay **** dalawa.

Mga PAA MO na naPAAMO niya, kahit itulak ka'y bumabalik-balik!
Mga MATA MO, kahit luha ang MATAMO ay siya pa rin kahit pikit.
mga KAMAY, nasasaktan KA MA'Y, manhid! mahigpit pa rin na nakakapit.

Heto ka na naman, SUGATAN
ISASAAYOS at bubuuhin muli kita...
sa susunod ha? kung muli ay lalayo ka,
wag nang magmadali at hayaang ihatid kita.

-cent
Mula sa Coronet (Study) ni Daniel “Dansoy” Coquilla, Early 2000s
“Eklips” (2022) sa UP Vargas Museum

Sapagkat ang Maynila ay isang malaking prusisyong hindi nagwawakas. Bawat singit ng kalsada’y may sangsang ng kasikipan, busina ng pagdadalamhati, alingawngaw ng pagmamadali, at balisungsong ng pagkaligaw. Nagsisiksikan ang mga mukha ng pagkauhaw habang ang langit ay saksi sa kanilang karera palabas ng lungsod. Sakay sa nangangabayong gulong at namamangkang dahon. Ang terminal ng buhay ay pugad ng mga pasaherong nauungusan ng mga higanteng parisukat na makina.

Hindi nagsisinungaling ang kabulgaran ng tinta ni Dansoy: mapanghusga ang kalawakan sa mga nagkukumpulang deboto. At sa pagyakap ng malaking anino sa nagluluksang syudad, magliliyab ang mata ng mga mananampalataya—kapit sa manibela, nakatingala, nagbabakasakali sa kapusukan ng buwan.

— The End —