Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
Jeremiah Ramos May 2016
Huwag **** kalimutang huminga,
Bago magsalita,
Bago tumula,
Pagkagising mo sa umaga,
Huminga ka.
Huwag **** kalimutang may dugo sa'yong mga baga
Na patuloy pa rin dumadaloy katabi ng puso **** pagod na

Huminga ka,
Sa bawat halakhak,
Sa bawat pag-iyak,
Sa bawat paghabol mo ng hininga kapag napapagod.
Ito ang sagradong paraan para sabihin Niya sa'yo na kaya mo pa.

Huwag **** kalimutang pumikit minsan,
Intindihin mo sana na 'di lahat ng bagay ay kailangan **** makita,
Na may kapayapaan at katahimikan din sa dilim,
Ipa-hinga mo muna ang iyong mga namumugtong mata,
Ipa-hinga mo muna ang paghanap sa kanya kung umalis na siya
Magpahinga ka muna kasi
Kaya mo pang pumikit,
Kaya mo pang huminga

Huwag **** kalimutang makinig,
Sa hampas ng alon sa mga bato,
Sa pagtama ng patak ng ulan sa lupa,
Sa mga huni ng ibon,
Sa mga kuliglig sa katahimikan ng gabing madilim,
Sa tunog ng paborito niyong kanta,
Sa mga kwento niya,
Sa tibok ng puso mo,
Sa boses niyang nasa isip mo pa rin na para bang kanina lang kayo nag-usap
Pakinggan mo silang mabuti,
Kasi
Kaya mo pang makinig
Kaya mo pang pumikit,
Kaya mo pang huminga

Huwag mo sanang kalimutan kung paano umibig
Kasi nandito pa ako, nakikinig at umiibig pa din sa'yo
Kahit nakita na kitang pira-piraso sa pagkabasag mo.
Gusto kong guhitan ang buong katawan mo ng mga gusali't siyudad
na lumiliwanag sa gabi na para bang dinala ang mga tala sa lupa
at sana makita mo na isa kang dahilan kung bakit may liwanag
tuwing hindi sinisinagan ng araw ang mundo.
Huwag **** kalimutan ang ibig sabihin ng pag-ibig sa'yo

At sa huling pagkakataon,
Huwag mo sana akong kalimutan,
Huwag **** kalimutan na may naniniwala sa'yo
Na patuloy pa rin kitang papakinggan
at kokolektahin ang bawat luha mo sa garapon.
Kung kakayanin ko man, iguguhit ko ang bawat parte ng katawan mo sa bawat blankong papel
at kung ipagtatagpi-tagpi,
sana makita mo na isa kang pinaghirapan na obra.

Sana alalahanin mo na
May baga ka para huminga
May mga mata ka para pumikit at dumilat at makita na 'di ka nag-iisa
May mga tenga kang handang makinig
May mga paa ka para tumayo at maglakad
At may puso kang basag ngayon
Pero kaya pa ring umibig at maniwala
na kaya mo pa.
Kaya mo pa.
Ezekiel Navea Aug 2019
Sakaling ito na ang huli kong tula
Hahayaan na, mga luha'y tumila
Palalayain, namumugtong mata
Hanggang sa muli natin na pagkikita

Tuwing gabi'y nalulunod ang isipan
Mula sa karagatan ng kamalian
Kung mabubuting binhi ang tinamnan
Hindi na ganito, aking kapalaran

Mga lihim kong hindi pa nasasabi
Pansamantala munang isasantabi
Ang panahon na ang kusang maghahabi
Ako'y hindi na titiklop at tutupi

Kaytagal na ang puso'y mananahimik
Sa pag-usbong nalang ng araw papanhik
Bagamat patutunguhan ay matarik
Maghahanda na sa iyong pagbabalik

Sakali mang ito na ang huling tula
Huwag sanang lumungkot ang mata
Ulan ay hihintayin pa ring tumila
Para sa muli natin na pagkikita

— The End —