Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Namnamin ang pampagising na pait
Habang ang likas na tamis, nilalasang pilit
Sa ‘yong lalamunang sabik, ang init guguhit.
Tulad ng bawat pagtatanghal, sa isip di mawaglit
Todo-bigay ang birit, tila laging huling hirit.
Araw-araw mang nakikita ang Bundok Malarayat
Hindi nagsasawang sulyapan ang Silangan pagmulat
Bawat araw na tayo'y buhay, may dalang sigla’t galak.
Hwag nang ipitin ang kwadrong alas o otso
Di na magiging mahalaga kung sino nga ba’ng nanalo
Kapag ang mga kalaro sa pusoy ay wala na ni anino.
Hagkan si Habagat at yakapin si Amihan,
Daluyong ma’y ihatid, sa kabila’y walang ganyan
Di-pinansing hininga’y aapuhapin sa paglisan
Ang lupang hinamak, tinapak-tapakan
Ang lupa ring naghandog ng susing kabuhayan
Ang lupa ring hihimlayan sa huling hantungan.
Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Kapeng barako’y masarap habang mainit
Ngunit wala nang bisa sa huling pagpatak ng saglit
Lasaping mabuti bawat lagok, bango’y langhapin
Kapeng barako’y larawan ng pagbangon at paggising
Ng bawat araw, biyayang pasasalamata’t tatanggapin.
16th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. The current COVID-19 pandemic has made us realize which things are really essential, who really matter and how volatile human life is, and that every single day when we wake up still alive is a gift in itself.