Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Anne Maureen B Apr 2018
Tulala, nag-iisip, , kinakabahan
Di malaman kung paano ka ulit pakikitunguhan
Napapangiti tuwing naaalala ang nakaraan
Ang nakaraan na tuwang tuwa sa aking katangahan

Saksi ang langit kung paano tayo naging masaya
Masaya sa piling ng isa't isa
Na kung paano mo ako turuan ng iyong mga aral
Ang mga aral na nagsasabi sakin na maging marangal

Napailing na lang ako kasabay ng pagpatak ng likido
Ang likido na nagpatunay na wala na ang ikaw at ako
Ang gumising sakin na hindi na mababalik ang tayo
Hindi dahil sa ikaw ay malayo kundi dahil ikay nalayo

— The End —