Aking inaninag
Itong bughaw na kalangitan
Hindi nga ba
Parang kailan lamang
Nang ako’y kanyang tinalikuran?
Napako ang pangako
Na ako’y pangangalagaan
Luha niya’y umabot
Di lamang sa’king talampakan
Nalasap ko ito
Mapait at ngayo’y nag-ibang anyo
Ngayong timplang kape
Mula sa mga mata nitong
Tila ba kaytayog.
Tinangay kami ng malakas na alon
Kami’y nagpatangay na lamang
Wala akong alam
Kundi and makipaglaro
Ng tagu-taguan
Nakadilat at mulat na mulat sa katotohanan
Sakay kami ng pridyeder,
Ako at aking ulirang mga kapatid
Puno ng pighati’t pangamba
Sa uulitin,
Ito na lamang ang magagawa ko.
Sabi nila, tutulungan nila kami
Sabi ng ilan, wala na raw pag-asa
Kanino nga ba kami magtitiwala?
Kung mismong kalam nga ng sikmura’y
Di na mainda?
Wala na akong mailuluha pa
Pagod na ako sa pagsagwan sa kawalan
Wala na ngang pag-asa
Wala man lang naiwan sa amin
Sana kasama nalang kami
Sa mga buhay na nalantang
Parang bula
Tulad nila Itay at Inay
Di sana’y masaya kami
Sa kalangitan.
Pumikit ako,
Habang mahimbing ang paghikbi
Ng aking mga kapatid
Sana nga may buhay pa.
Sinagip nyo kami,
Noong una, nagalit pa ako
Ayoko sana
Kaso wala na rin kaming magawa
Sasama na kami
Kasama kami sa pagbangon
Oo, ngayon ako na’y magtitiwala
At ipapasa-Diyos na ang lahat
Siya na ang bahala.
(11/17/13 @xirlleelang)