Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pusang Tahimik Feb 2019
Sa bawat sandaling  pumapatak
Isa lamang ang tiyak
Mundo ay aking hawak
Bulong ng isipang may pakpak

Heto nanaman, heto nanaman
Baliktad na yata ang aking orasan
Puso't isip ay nagugulumihan
Sa ilalim ng matirik na buwan

Mga pangungusap ay di maawat
Parang pangarap na pilit inaakyat
Tumigil kana at ako'y napupuyat
Isip ko na sa gabi laging nakamulat

Ang nais niya ako ay diktahan
Lasunin ang isip ng kasinungalingan
Iwanang hubad at sugatan
Patayin ng unti-unti at marahan

Siya'y pilit na nakikipag-talo
Ngunit hinding-hindi ako magpapatalo
Sumikat na ang umaga't walang nanalo
Ngunit tila mata ko yata ang talo

JGA
JGA
Christien Ramos May 2020
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ang naging pampakalma.
Bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa
ay seryoso.
Walang pagkukubli ang puso
Ang hindi mapirming mga yapak
ay katumbas ng pagkasabik sa’yong yakap.
Gabi, muli akong tumingala
Walang palya ang ihambing ka sa mga tala.
Kinukwento sa’kin ng mga kuliglig
kung paano tatahakin ang ‘yong pag-ibig.
Hindi ko kabisado;
‘Di alam kung pa’no babagtasin ang dagat na ito.
Wari nila’y diyan matatagpuan ang pagmamahal mo
ngunit, paano?
Sinasamahan akong maglakbay ng inggit at takot
Hindi madaling pamamangka ang sa aki’y bumabalot.
Ang bigat ng pag-aalala ang maaaring magpalubog
at malunod
sa luha at panaghoy.
Paano mapapanatili ang ningas ng apoy?
Ano’ng solusyon sa pagkabahala upang magpatuloy?
Hanggang sa itulak ako ng sapat na panahon.
Muling humakbang ang hindi mapirming mga paa
Humina panandalian ang ihip ng hangin
Marahan ang pagkulbit ng mga buhangin.
Matapang kong nilisan ang pampang
Lakas ng loob, isang bangka’t panagwan
Sabay naming idinawdaw ang aming mga sarili sa karagatan.
Hayagang ibinubulalas ng langit na ako’y maging handa
Malayo na ako sa pampang ngunit tanaw ko pa rin ang kaba.

Ang pagkulog ay nagsimula na.
Biglang pumatak ang ulan ng pagbabanta
Dinig ko ang bulungan ng mga isda.
Sambit nila’y masasayang ang pagbabakasakali
Hantungan ng pakikipagsapalara’y wala.
Galit na sumasayaw ang alon
Ang kidlat ng kawalan ng pag-asa’y sa aki’y humahabol
Pataas nang pataas ang sumasalubong na alon.
Ang ‘di mawalang pagdududa ay nakikipag-unahan
Umaakyat ang mga tanong sa’king isipan
Kailan ko ba matatagpuan?
Sabik na akong salubungin ang pag-ibig mo…
… ang pag-ibig **** nasaan?
Subalit, naghintay ako;
Walang humpay ang paghampas ng mga alon
Hindi natatapos ang pagtaas.
Bawat pulgadang nadadagdag ay ang mga sagot sa’king katanungan
At bigla ang pagtaob;
Tama ang bilin ng mga kuliglig
Ito nga ang natatangi **** pag-ibig
Mapanghamon;
ngunit presko sa pakiramdam.
Ang sarap palang makamit ang matagal mo nang inaasam
Pipiliin ko ritong manatili hanggang
ako ri’y iyong matagpuan
papagingdapatin **** ako rito’y manahan
‘pagkat kahit sa daluyong, kalmado akong magsasagwan.
Kabado;
Habang ginagala ng sarili ko ang dalampasigan.
Ang malumanay na ihip ng hangin ay naging pampakalma.
Seryoso ang bawat buhangin na kumukulbit sa’king mga paa.
Walang pagkukubli ang aking puso
‘pagkat dito pa lang sinta, mahal na kita.
w Nov 2020
101
Noon, ang tanging kinakatakutan ko lang ay ang hindi makatulog sa hapon
Ang mahuli ng magulang na tumatakas para makalabas at makipaglaro
Ang matakot sa mga kwentong multo na gumagala tuwing alas tres ng madaling araw
Ang manuod ng horror na pelikula at matulog na bukas ang bombilya pagkatapos
Ang dumilat at sumilip sa ilalim nang kama

Noon, natatakot lang akong makakita ng pulang marka sa aking papel
Ang hindi makasagot sa pagbigkas sa nakabusangot at nakakatakot kong titser
Ang mahuling nakikipag daldalan sa katabi kong kaklase
Ang hindi makauwi sa tamang oras na binigay ng magulang

Natatakot ako sa mga maraming bagay
Ngunit nagiba narin ang mga bagay na kinakatakutan ko sa mga taong lumipas
Mas lumaki na sila at mas naging matapang
Mas naging matulis ang mga pangil at humaba ang mga binyas, ang buhok, ang kuko
Mas bumilis, mas lumiksi
Mas mahirap nang labanan

Hindi na pwedeng basta idaan sa pagtulog at pagtakas
Hindi na basta basta napapatay ng liwanag na nanggagaling sa bukas na ilaw ang takot
Hindi na rin nawawala ang takot sa pag balot sa buong katawan ang malambot na kumot
Hindi na madadaan sa pagsiksik sa pader upang hindi mahila ang mga malamig na paa sa nagtatagong takot sa ilalim ng kama
Pusang Tahimik Aug 2021
Waring alabok na dinuyan ng hangin
Pagdakay naparam na balintataw sa paningin
Ang patak ng kabuluhan sa ganang akin
Tila sa sayaw ng mundo nakikipag piging

Hindi nga akma sa daigdig na mapaniil
Ang musmos na anyo na nasisiil
Ngunit kung mag mukmok di papipigil
Ang Sanlibutang nangangalit at nanggigigil

At sa sinomang bumigkas noo ay mangongonot
Waring tiwala'y lubusan nang pinagdadamot
Sa pag bihis ng panahong umiiksi ang kumot
Hangal namang patuloy na namamaluktot

Kung may mga susunod pang pagkakataon
Nais ay suwail naman ang ganap na yaon
Pagal na sa maginoong landas paroon
Paumanhin sa himutok ng batang gising sa ngayon.

-JGA
Ang batang bersyon na puno ng himutok.
reyftamayo Aug 2020
lamyos ng dampi ng ginaw
sa tuyong balat
ng nilikhang kanina pa ay
naghihingalong kumakampay
sa gilid ng dagat
sa gitna ng disyerto
sa loob nitong lunsod
na kayraming pangako
bigo
nilalasap ang pabagu-bagong
init-lamig ng malungkot
na ihip ng hangin-usok
may ibinubulong na mensahe
nagmula pa sa kung saang daigdig
pumapaimbulog sa kalawakan
parang naglalaro
tumatawag
nakikipag-away
nanunukso
naghahagilap ng kaunting pansin
na wari ba ay kasing kulay
ng bahaghari
kahit na walang inilimos na tubig-ulan
kahit na sadyang kaydilim
ng sanlibutan
K Jan 2020
Napakaraming salita ang sa isip ko’y tumatako.
Mga salitang nanggaling mula sayo.
Siguro nga’y ganito ang buhay katulad ng sabi mo.
Kailangang tanggapin at mag patuloy.


Napakaraming alaala ang sa isip ko’y nakikipag laro.
Mga alaala ng masasaya at nasasaktang kahapon.
Siguro nga’y ganito ang buhay katulad ng sabi mo.
Kailangang lumimot at gumawa ng panibago.


Napakaraming plano ang sa isip ko’y nakatago.
Mga planong hindi naisakatuparan dahil malabo.
Siguro nga’y ganito ang buhay katulad ng sabi mo.
Kailangang lumayo at iligaw ang pagmamahal na nararamdaman ko para sayo.

— The End —