Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
kingjay Jan 2019
Ang matamis na lunggati
Debosyon sa dapithapon
Ang pagkurap ng liwanag na  kuyad-kuyad ay
sinapupo ang emosyon

Sa paglakad ng relo -
bilog na mayroong guhit ng oras
Gabing panaginip ay umimbulog
Sa malamayang tanawin
Naka sambalilo nang nanood

Nang natawid ang gabi't araw
Nasilayan ang bagong buhay
Regalo ng Panginoon
Sa bintana hinintay
ang muling pag-ahon ng ilaw

Sa pagtutungka na parang lango
Wari'y gumapang sa kalawakan
Pagawpaw ng pangarap
Di maabot kahit sa panaginip man lang
Nakasalubong si Dessa ngunit kagyat nang lumisan

Ang kanyang mabuhaghag na buhok
humahaba nang malubay, medyo pakulot
Naniniwala kahit sa kalagimlagim na sandali
Na ang mga nakaraan ay maalala muli
KRRW Aug 2017
Si Jamaeda:
Isa siyang matrona
na ang pangarap
ay ang wagas
na kagandahan.
Palagi siyang
nilalait ng kanyang
mga kaeskwela.
Maging mga kapatid niya
ay nilalayuan siya.
Samantala,
ang mga magulang niya
ay ikinahihiya
ang kanyang
kakatwang presensiya.

Isang araw,
kanyang natuklasan
isang natatanging pormula
upang makamtan
pinakamimithing kagandahan.

Mula sa laboratoryo
lumabas ang isang
mestisang diyosa
na siyang nagdulot
nang tiyak na pagkahulog
ng bawat panga
na nilalampasan niya.

Puri dito, puri doon.
Ang tainga niya
ay pumapalakpak.
Kaway rito, kaway doon,
hindi siya matigil
sa kahahalakhak.

“Sa wakas,”
ika niya,
kagandaha'y napasakanya.
Subalit,
ngunit,
datapwat,
langit biglang
kumulog,
kumidlat.

Habang ang diyosa'y pauwing
mahinhing naglalakad,
nakasalubong niya
ang isang matrona
na siyang nagpaalala
ng mapait na nakaraan niya.
Itsura ng matrona
sadyang kasuka-suka
mas masahol pa
sa dating muka ng diyosa,
wika ng marami
pinagsukluban ng langit at lupa
maging impyerno ay nakialam pa.

Hiling nito sa diyosa
ibahagi ang sikreto niya
sa pagbabago ng uling
at naging isang ginto,
ngunit ang kagandahan
ng diyosa'y panlabas lang
sapagkat kanyang budhi
lubos-lubos ang kaitiman.
Itinaas ang kilay
at saka pumanhik,
hindi niya namalayan
ang nagbabadyang panganib.

Plok! Plak!
Inay ko po'y kaysakit!
Ang diyosang marikit,
napasubsob sa putik.

Ngunit sa halip
na malambot ang lupang hahagip
'yon pala'y sa ilalim
may nakatagong talim.
Matigas niyang mukha
ginuhitan ng pait
ang maladiyosang matrona
nasiraan ng bait.

Lahat ng tao'y
naengganyong lumapit,
sa lakas ng kanyang sigaw
dahil sa sobrang sakit.
Imbis na tulunga'y
pinagtawanan, nilait.
“Hahaha! Buti nga sa 'yo,
mayabang ka kasi,”
ang kanilang sambit.
Luha niya'y nangingilid,
ngunit walang pasubali,
ang kutya nila'y sumasabay
sa ulang masidhi.

Sa hindi niya inaasahan,
dinamayan siya ng isa.
Isang pamilyar na mukhang
hindi rin naman
naiiba sa kanya.

Magbuhat noon,
natutunan niya
ang isang malaking
leksiyon:
“Mas masarap ang maging duryan,
kaysa maging isang mamon.”
Written
31 August 2013


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
jc Feb 2016
nakasalubong kita kanina
ang layo ng iyong tingin
at di mo man lang napansin
na ako'y nasa harap mo na

baka ito ay iyong sadya
pagkat ayaw mo na akong makita
pero bakit ako natuwa
kahit alam kong ako'y walang halaga

akala ko'y tanggap ko na
pero bakit ako ulit umaasa
naiinis sa aking sarili
kung bakit damdami'y di mapigil

sana di na tayo magkita
ng malimot na kita
baka ako ay sumaya
at balang araw makahanap ng iba
inggo Jan 2016
Hindi ko alam kung kailan
Wala akong maisip kung saan
Pero alam kong ikaw ay matatagpuan
Kahit siguro umabot ako sa buwan

Siguro ay hinahanap mo rin ako
Baka sakaling nagkatabi na tayo sa eroplano
Maaaring nakasalubong na kita doon sa may kanto
O baka naman nakasama na kita sa trabaho

Sa ngayon kailangan kong maglakbay
Patungo sa mga lugar na maaaring ikaw ay naghihintay
Hahawakan ko ng mahigpit ang iyong kamay
Ipapapaniwala ko sa iyo na merong panghabangbuhay
kingjay Jan 2019
Wala patutunguhan sa hiwas na landas
Bawat gawain ay kanyang pinupuna
Tinutuligsa ang mga munting kamalian
Palaging umiinit ang ulo at sumisigaw kahit marami ang nakatingin

Sa ikaapat at huling  taon ay sa umpok ng kumikislap na dyamante
Di naman irisponsable sa klase - maayos ang mga marka
Sa pagtatapos walang anino doon ng itay
kaya agad lumabas ng paaralan nang walang bahid ng pagkagalak

Agrikultura ang kinuhang kurso
Nang ikalawang taon na sa kolehiyo'y naparool ang anluwagi - ama'y nahulog at napilay sa gusaling itinatayo

Hindi natanggap ang kanyang kapalaran
kaya laging tumutungga ng alak
Nagpasya na huminto sa pag-aaral para may kumandili sa kanya
Pinapagalitan man ay di pa rin nagawang magsawa

Sadyang maliit ang lupain ng San Arden
Sapagkat nakasalubong si Dessa
Halata sa mga mata na mayroong kinikimkim
Pagbabalisa sa gabing madilim
Taltoy Jan 2018
Isang araw na napakaganda,
Malamig na klima pagmulat ng mga mata,
Pagpatak ng ulan na tila musika,
Mistulang himig na kay tamis sa tenga.

Ano pa ba ang kukumpleto?
Sa umagang matatawag kong "perpekto",
Ano pa ba ang pupuna?
Kung wala namang pagkukulang na nakita.

Isang dilag na may kasuotang itim,
Ang nasagi sa aking paningin,
Kagandahang hindi ko mawari,
Ang sa utak ko nanatili.

Hindi maalis sa aking isipan,
Ang katauhan sa likod ng kasuotan,
Kulay na itim at iyong kagandahan,
Timplang sakto, tapos ang usapan.

Ako'y nagulantang nang nakasalubong ka,
Nabigla sa aking nakita,
Nakalimutan paano magsalita,
Pag-iisip ay di na maitama,

Ang talang matagal ko nang tinitingala,
Ngayon ay kumikinang, di ko na makita,
Talang nais kong maabot,
Pina-igting na damdamin ang naging dulot.
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —