Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
XIII Jun 2015
Ehem ehem!
Mic test, mic test
Ayan gumagana ang mikropono
Siguro naman makikinig kayo sa sasabihin ko

'Di ako nandito para makipagtalo
Kung sino mas gwapo, ako o si Piolo
'Di ako naghahanap ng gulo
'Di naman kasi ako palalo

'Di ako nandito para makipag-away
Nais ko lamang mag-aksaya ng laway
Pati na rin bumuhay ng patay
Na sa bawat isa sa atin ay nakaratay

Kasi sinabi nila na naiburol na ang mga salita
Nailibing na kasama ng mga tekstong sa eskwelahan ay ginawa
Hindi na nga daw naaayon ngayon
Sa tinutuntungan nating henerasyon

Pero, saglit, teka!
Pakinggan mo, ang ganda diba?
Kung paano magtugma ang mga salita
Kung paano magtugma ang mga letra

Kasi sabi nila ang korni tumula
Na namatay na lahat ng bayani, kasama ang mga makakata
Na hindi na uso 'to, hindi na tayo bata
Na nauuto ng mga **** na gumawa ng talata

Pero ano ba ang fliptop, ano ba ang rap?
Hindi ba nagmula din ito sa parehong ugat?
Walang kwenta ang melodiya kung walang liriko
Hindi masasabing awitin, kung walang mensahe ito

Kaya ito ang subukan mo
Isulat mo sa papel ang nararamdaman mo
Ang sarap sa pakiramdam na mailabas ang mga ito
At bumuo ng isang kwento

Gamit ang mga salitang akala mo'y walang kwenta
Magiging himig ang bawat pagtutugma
Ang iyong kwento ay magiging tula
Na mananatili kahit ikaw ay wala na
Jun Lit Sep 2017
Ang EDSA ay kumakaway
Ang bayan ay nakaratay
Saklolo ay hinihintay
Marami nang napapatay

Ang EDSA ay tumatawag
Ang baya’y di makapalag
Pambabastos di masalag
Kahit mali’y pumapayag

Sinungaling, hindi tapat
Pati lahat n’yang kasabwat
Naniwala naman lahat
Instant solve daw droga’t kawat

Ngunit ngayo’y malinaw na
Na ginawa tayong tanga
Magnanakaw 'nilibing pa
na bayani, An'yare na?

Ang EDSA’y nagmamadali
Kaliluha’y naghahari
Tama’y ginagawang mali
Ang ganito’y di maari

Bayan noo’y nagkaisa
Diktadura'y itinumba
Karapatan ng balana
Hindi pwedeng ibasura

Diktadura’y hindi dapat
Mapabalik at magkalat
Kapag kapit-bisig lahat
Lakas ay walang katapat

Ang ‘EDSA One’ ay larawan
Nanindigang sambayanan
Aral ay hwag kalimutan
Kalayaa’y IPAGLABAN!
kingjay Dec 2018
Ang haplos ay malamig
di man naninigas
nanatili walang kibo
Sa paghagok ay naninibago
-walang malay parang nag-iidlip

Isigaw ang pangalan ng mga santo, patron at lalo na  ng Diyos
-magbigay pugay
Ang pulso muna ay hanapin mula ulo hanggang binti

Ginto at pilak, walang katumbas
Ang hinirang na anak Niya'y di kinalimutan
Parirala ng buhay ay papintig-pintig
sa ibang dimensyon na ng daigdig

Tuldukan ang kasulatan sa Libro ng mga Buhay
Sapagkat buhat-buhat ang maputlang kamay
Sa kuko matatanto habang nakaratay
Nagiginawan pati ang laman na nasa hukay

Libu-libong ektarya ang pagpapasyalan
Maraming kakaibiganin maging sinuman
Nakikipagkapalagayan ng loob ang lahat-nagpapatawad
Pagbubuklodin ng pagsinta

Nililok ang estatwa sa dibdib ay namalagi
Paalalang ipirmi, di iwaksi
Samut-saring emosyon ng dilim ang ginamit sa pag-ukit
kingjay Mar 2019
Pupungas-pungas pa
Nasisilawan sa munting sinag
Di-makagulapay ang mga binti
Daig pa ang nakaratay na may sakit

Sa bawat umaga ay di pagkagaling
Tumighaw sana kahit na ang lumbay
Kung sa huni ng mga ibon ay naaaliw
makakagising nang may sigla at panibagong ginhawa

Ngunit nang minsan ang kaginhawaan ay nalasap
nanguluntoy ang pangarap
Sa tanghali na matindi ang bugso ng init
naranasan ang pagkapagod sa bukid

Hahayaan para sa kapakanan niya
na ang higad makisama sa mga paruparo na magiging siya
Huwag na dumapo sa dahon
na nagpakain noon
datapwat tumungo sa bulaklak ng palasyo

Pigilan ang tibok
Kahit parang buhos ng tubig sa talon
Ang ikamamatay ay siyang ikalulugod
Sapagkat sa kasaysayan ay napapako,
pinaparusahan ng panghihinayang
Kung pano tayo nahantong dito ay hindi ko alam.
Sa kung paano natuwid ang paa at sa kung pano unti unting nalagot ang yong hininga.
Hindi ko alam kung pano ko nakayang halikan ang iyong kamay habang ikaw ay nakaratay at walang malay.
Hindi ko alam kung pano ko kinayang patigilin ang luhang umaagos sa mga mata habang pinapanood kang hirap na hirap huminga.

Hindi ko alam kung ano ako ngayon habang pinagmamasdan ang pikit **** mga mata.
Hindi ko alam pano ko tatanggaping ang aking nagsilbing ama ay wala na.

Unti unting tumigil ang paggalaw ng paligid ko, sa loob ng apat na sulok ng silid mo,
Unti unti akong nabingi sa mga hagulgol ng pamilyang nagmamahal sayo,
Habang pinagmamasdan ko ang huling pagkumpas ng mga kamay mo, ang paputol putol **** paghinga, at ang unti unting paglabo ng yong mga mata.

Hinahanap hanap nang tainga ko, ang patawag mo sa pangalan ko. Ang mga pagtatampo mo kapag hindi ako dumadaan sa bahay mo. Ang pagtawag mo ng madaling araw kapag kaarawan ko. Ang mga tugtog mo. Ang pagtawa mo sa mga jokes ko. Mamimiss ko ang mga yakap mo.


Ikaw ang umakay sa musmos kong puso at nagpaliwanag kung ano ba ang buhay.
Ikaw ang kakampi sa lahat ng bagay.
Ikaw ang nagturo kung pano magbilang, at sumagot sa assignment kong 1 plus 1.

Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin,
Na sa mga susunod na araw ika'y hindi ko na kapiling.
Kaya kung saan ka man naroroon, ito sana ay baunin,
Itay, mahal kita mula noon at sa habang panahon.
Salanat sa mga alaala, bagamat may poot mas lamang naman ang galak,
Bagamat ang iba ay lumuluha, mas madami pa rin ang tumatawa.
Salamat itay, itay paalam na.

— The End —