Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
L S O May 2015
Leron, leron sinta
Kay tagal kong hinanap
Sa lahat ng sulok, sa lahat ng kanto.
Bawat bulong, bawat banggit
Baka sakaling maituro sa akin
Ang pangalan mo.

Buko ng papaya
Natatangi sa 'king paningin
Ikaw ang dahilan
Kung bakit may kaba sa dibdib
May tamis ang ngiti
May kislap ang mga mata.

Dala-dala'y buslo
Nilalaman nito'y puso
Pusong minsan nang nabigo
Ngunit pinatibok **** muli
Tangan ng aking mga kamay
Nanganganib na ibigay
Sa 'yo.

Sisidlan ng bunga
Duyan ng mga pangarap
Mga alaalang ipipinta pa lamang
Sa hinaharap na sana'y
Sasalubungin ko
Na kasama ka.

Pagdating sa dulo
Matapos ang lahat ng dasal
Pananalangin sa Maykapal
Nakabitin sa gilid ng bangin
Handa nang mahulog
O matagal nang nahulog?

Nabali ang sanga
Pumutok ang bula
Natunaw ang tuwa
Nabasag ang pag-asang
Pinanghawakan
At iningat-ingatan.

Kapos kapalaran
Minalas lang ba
O sadyang malas na talaga?
Malupit ang tadhana.
Sa gulong ng palad
Parang laging nasa ibaba.

Humanap ng iba*
Hindi ngayon, hindi bukas
O kahit sa susunod na linggo
Pero balang araw
Magtatapos din
Sa masayang wakas.
Brent Sep 2017
lapis
gamit panulat
sa dulo'y pambura
pantanggal ng sulat

lapis
pinapatulis
gamit ng maliit na pantasa
panlinaw ng sulat

hapis
pilit pinipiga
mula sa pusong sumusuko na
papunta sa dulo ng pansulat

lapis
wala na
tinasahan at pinilit buuin
ngunit nabali na
Eugene Aug 2017
Nakaupo ako sa isang upuang nakalagay sa gitna. Pinilit kong imulat ang aking mga mata. Pero parang binibiyak sa sakit ang aking ulo.

Umiikot na rin ang paningin ko nang mga oras na iyon nang mapansin kong unti-unting lumalapit ang magkabilang dingding na gustong dumikit sa akin.

Isa...

Sinubukan kong tumayo.

Dalawa...

Hindi ko mailakad ang aking mga paa.

Tatlo...

Ilang dipa na lamang ang layo ng mga dingding sa akin.

Apat...

Hindi ako p'wedeng mamatay dito sa maliit at masikip na espasyong ito.

Lima...

Pinigilan ng dalawa kong kamay sa kaliwa at kanan ang dingding.

Anim...

Wala na akong lakas. Maging ang mga paa ko ay kusa na ring nanghina.

Pito...

Tanging mga braso ko na lamang ang pumipigil.

Walo...

Ramdam ko na ang unti-unting pagpisa ng mga buto ko sa katawan.

Siyam...

Nabali na ang mga buto ko. Tumilamsik na ang mga dugo sa aking katawan.

Sampu...

Tuluyan nang sumabog ang bungo ko. Mistulang kulay pulang pinturang dumikit ang mga utak ko sa dingding na iyon.

— The End —