Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
061616 #AM #SirFrancisHouse

Lumang musika sa bagong umaga,
Nangungulit na insekto, kriminal naman akong ituring.
Kinamusta ko ang kapalaran sa'king palad,
Tila ako'y nabubuwal sa landas na walang kasiguraduhan.

Naging sagrado't taimtim ang pagsuyo ko sa Langit,
Sana'y matamnan ng Kanyang brilyante ang pusong humihikbi;
Gaya ng ulap na kampante, gaya ng bantay na tumatahol
At gaya ng pagbulong ng makina ng sasakyan na siyang tambay.

Naglalaro ang isip -
Nakikipagpatintero sa tadhanang nanglilisik.
Minsan, mas mabuti pa ang Diktatoryal kaysa Demokrasya
Pagkat ang kalayaan ay nakakapanting-hininga
At higit sa lahat, ako'y napapatid ng mga hangal na oportunidad.

Paulit-ulit akong nagbabalot ng kagamitan
Nagbabaon ng mga kailangan sa pagbalik sa piniling saltahan.
Pero ako'y paulit-ulit ding nauuhaw -
Nauuhaw sa tubig na siyang kinasanayan
Ang tubig na wika ng aking kasaysayan.

Hindi ako mag-aatubileng iparada ang sarili sa kalsada,
Na harangin ang mga sasakyan kahit ako'y masagasaan pa.
Kung ganito ang pag-ibig na siyang may martir na ideolohiya,
Nais kong maging luwad na siyang hamak na sasalo
sa pagbusina sa nag-aalimpuyong pagsinta.

Ang kariktan ng sandali'y walang maikukumpara,
Kahit pa ang pagdadalamhati ng bawat oras na may kahati.
Hindi ko man mapisil ang tadhanang nasasakdal,
Pag-asa ko'y ipinipihit sa bahagharing nangako
At siyang hindi mapapako -
Ang huling sandali, nailagak na't naipako.
Lance Cecilia Dec 2015
nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala
pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa
bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan

'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang
at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso
ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot

at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit

hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag

at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin
at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag

ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal
ay imposible at walang katuturan
dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala
at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa
ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan
M e l l o Jul 2019
ang buhay
ay parang pagtawid
sa kalsada
tingin sa kanan
tingin sa kabila
nag aantay na maging
berde ang ilaw
na nasa kabila
mabilisang pagtawid
sa kalsadang abala
sumasabay sa mga taong
hindi kilala
wag kang tumawid
pag ang umilaw ay pula
mas mabuting mag-antay
kesa masagasaan ka
Poem of the day.

— The End —