Minsan na rin ako’ng nadapa sa landas na mabato.
Nagalusan ang aking mga palad at mga tuhod ay nagdugo.
Nahirapan ako’ng bumangon at maglakad nang muli.
Ngunit akin pa ri’ng pinilit nang may matapang na ngiti.
Minsan ako’ng lumuha dahil sa matinding pagkabigo.
Muntik nang naudyok na tumalikod na lang at sumuko.
Subalit nakakita ng dahilan na patuloy na maniwala
Na mas matamis ang tagumpay kung may kasawian muna.
Minsan ako’ng naligaw sa pagkadilim-dilim na kawalan.
Naubos ang tinig sa pagtawag para sa kaligtasan.
Halos masanay na ang aking mga mata sa nakapopoot na dilim
Pero nakahanap pa rin ng pag-asa upang pawiin ang pininimdim.
Marami na rin ako’ng napagdaana’ng pagsubok,
Nakapaglakbay na sa pinakailalim at sa pinakarurok,
Nalasap ang pait at tamis sa masalimuot na biyahe ng buhay.
Ang akala’y nakita ko na ang lahat sa aking paglalakbay.
Ako ay nabigla dahil ako’y lubos na nagkamali
Nang isang araw na namulat na lang nang ikaw ang katabi.
Dahil dito sa buhay ay mas marami pa pala’ng kulay at hiwaga,
Mas marubdob pala ang hatid mo’ng misteryo’t talinhaga.
Minsan ako’y umibig nang hindi ko namamalayan.
Nagalusan, nakabangon, lumuha, ngumiti, nawala’t natagpuan.
Hindi ko pa mapagtanto kung ang pag-ibig na ito’y biyaya o sumpa,
Ang tanging alam ko lang: ang bawat halik mo’y buhay ang dala.