Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sinukat ko ang bawat metro't pinagtagpi-tagpi
Sa nakalatay na papel na siyang may lamat
Na minsan kong pagkakamali.

May ilang letrang naging tuntungan
At ang alagang walang buhay --
Ang koneksyon ay tungo sa bukal ng liwanag;
Moderno na kasi kaya't kailangang makisabay
Noong manwal pa lamang, mapagsa-hanggang ngayon..
Teknolohiya'y senyales na ng transisyon.

Matagal nang napaso ang pagal kong mga daliri
Sigaw nila'y tulog sa walang himbing na mga sandali
At sa kursong tinapos, ngayon pa lamang ang simula
Nagising ang pangarap na siyang binigla.

Ang oras daw ay ginto
At minsa'y kailangang habulin ang mga numero
Ngunit sa bente-kwatrong tangan-tangan
Tila hindi sapat.

Muli kong binilang ang nalalabing araw
Tanging ang pangpito ang siyang pahinga
Ganito pala ang katotohanan, wika ko.

Salamat sa huling araw
Na iluluwal muli ang gintong araw
Itataas kong muli ang kapagalan
At ako'y bubuhusan ng lakas at determinasyon.

Sabi Niya nga sa akin,
Wag daw akong mapapagod
Pagkat hindi matatapos ang araw,
May panibago na namang hamon.

Salamat sa Maykapal
Salamat sa saglit na pahinga
At sa tubig mula sa bukal;
At minsan ako'y tinawag Niya
Ako'y tumango sa layon, may armas ng pagkaligtas
Ang pananampalata'y patuloy din.

Bitbit ko ang puso Niya
Na lagi Niyang bahagi sa akin
Sa banal na kasulatan na bumukas ng pag-iisip
At nang ang buhay ay mapahalagahan ko.

Kung ang direksyon na ito'y balakid sa layon Niya
Mabuti pa't maglaho na lamang
Ang bawat oportunidad, kahit ito'y ikatutuwa ko
Tanging ang nota ko'y Siya lamang
Wala nang iba pa, at kung nasaan man Siya,
Doon ako'y tutungo; doon din ang paghimbing.

Salamat Ama, salamat Hesus at sa Banal na Espirito - purihin Ka!

(6/28/14 @xirlleelang)
JOJO C PINCA Nov 2017
“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt

May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.

Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.

Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.

Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.

Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.
Joshua Feb 2019
Naalala ko pa yung araw na napagdesisyunan kong kumain sa McDo.
Kasi wala lang, trip ko lang.
Hindi naman ako gutom, hindi rin pagod.
Pero nag-McDo ako.

Noong panahong yun,
Saka ko lang narealize yung sinasabi nilang "Self Worth."
Pahalagahan ang sarili, mahalin.
Bagay na hindi ko nagawa sa nakaraan.
Kaya ayun, nagwakas, natuldukan.
Paano naman nga ba kasi magpapahalaga sa iba
Kung sarili ko nga di ko mapahalagahan.

Umorder na ko ng fries at Big Mac
Syempre kasama ang paborito kong McFloat.
Nasa kalagitnaan na ko ng pagnguya
Nung nagtanong ka
"May nakaupo na po ba?"
Hindi ko na tiningnan ang kanyang mukha
Umiling nalang ako.
Nagtataka rin kasi ako bat sa harap ko pa naisipan **** umupo.
Yun pala, wala na talagang pwesto sa McDo.

Binasag mo ang katahimikan sa pagpapakilala mo sa akin.
Bigla atang lumamig ng hangin
Lalo na nung nakita kong nakangiti ka sakin.

Nagkakilala tayo. Naging magkaibigan.

Ikaw ang nagsilbi kong Happy Meal
sa araw-araw na paggising ko.
Hindi ko na kailangan ng Happy Meal toy
Kasi makasama ka lang enjoy na ako.
Ikaw yung chicken fillet na
sa sobrang lambot ng pisngi mo nanggigigil ako.
Ikaw yung Hot Fudge na mas matamis pa
sa Dairy Milk kasi sobrang sweet mo.
At para kang gravy ng McDo
na hanggat di ubos yung ulam magrerefill ako.

Hanggang isang araw, inaya mo ko mag-McDo.
Masaya akong sumama kasi minsan lang yun.
Ako naman ililibre ng taong madalas ilibre ko.
Feeling ko tuloy sasagutin mo na ako.
Nagpresenta kang ikaw na o-order
At ako nang bahala sa uupuan.
Hindi ko alam bakit pagkaupo ko palang
Nakaramdam na ko ng kalungkutan.
Natakot ako bigla sa di malamang dahilan.

Buti dumating ka na, at
Buti nakangiti ka.
Ngunit ako ay nagtaka na
Ang pagkaing binili mo ay hindi para sa dalawa.
Agad **** sinabi saken na saglit lang,
May pupuntahan ka lang.

Pagkaalis mo, kinain ko na ang binili mo.
Pero nagulat ako
Matapos kong i-angat ang burger na inorder mo.
"Hindi pa pala ako handa."
Nakasulat sa sticky note na nilagay mo.
Di ko alam ano ibig **** sabihin
Kaya nagdecide akong ikaw ay hintayin.
Mahal, sabi mo saglit.
Pero bakit hindi ka na bumalik?
Iniwan mo na ako.
Iniwan mo gamit ang isang sticky note,
Kasama ang favorite kong McFloat.

— The End —