Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Gerald Saul Aug 2011
Nais kong lumipad tulad ng ibon sa kalawakan
nais kong lumangoy gaya ng isda sa karagatan
nais kong maging leong mabangis na katatakutan ng lahat
nais kong maging serena na kumakanta habang lumalangoy sa dagat

Nais kong maging musikero na tumutugtog na mga instrumento
nais kong maging sikat na singer na hawak hawak ang mikropono
pagkat ako'y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible

Lahat ng iya'y imposible kong makamit - imposibleng magawa
sinong tutulong sa'kin?
sinong gagabay sa'kin?
wala, wala talaga, kung meron sino kaya?
sa pangarap ko lang talaga ito magagawa
1.
Noong unang panahon, doon sa lupain ng Mindanao
Puro katubigan ang nangingibabaw
Binabalot nito mga kapatagan
Kaya mga tao’y nakatira sa kabundukan
(Once upon a time, in the land of Mindanao yonder
Rising almost was water
Covering the plains
So people reside on the mountains)

2.
Sa loob ng mahabang panahon
Mapayapa’t masagana doon
(For a time lengthy
There’s peace & prosperity)

3.
Hanggang sa dumating halimaw na apat
Salot at kasawian ang sumambulat
(Until arrive four monsters
Pestilence & death disperse)

4.
Si Kurita na maraming kamay
Kayrami ring sinaktan at pinatay
(Kurita with many arms
Also many it kills and harms)

5.
Nananatili ito sa bundok na tinutubuan ng rattan
Sa bundok na ang ngalan ay Kabalan
(It stays on the mountain where grew rattan
On the mountain named Kabalan)

6.
Mabangis na higante naman ang pangalawang halimaw
Kung tawagin siya ay Tarabusaw
(The second monster is a giant not tame
He is Tarabusaw by name)

7.
Sa Bundok Matutum ito ay nakatira
Panghampas na kahoy sandata niya
(On Mount Matutum it lives on
A tree club is its weapon)

8.
Ang pangatlo kung turingan ay Pah
O kaylaking ibon ng Bundok Bita
(Pah is the epithet of the third one
Oh bird of Mt. Bita so gargantuan)

9.
Kapag mga pakpak niya’y ibinukadkad
Kadiliman sa lupa’y lumaladlad
(When its wings are opened wide
Darkness on land do not hide)

10.
Sa Bundok Kurayan ang halimaw na panghuli
Isang dambuhalang ibon iri
(The last monster on Mt. Kurayan
Also a bird gigantic one)

11.
May pitong ulong lahat ng direksiyon ay tanaw
Grabeng maminsala ang nasabing halimaw
(With seven heads that can see on all directions
This monster brought so great devastations)

12.
Lubos na mapaminsala itong halimaw na apat
Kaya sa kanila takot ang lahat
(So destructive are these four monsters
That’s why them everyone fears)

13.
Maliban sa isang prinsipeng mula Mantapuli
Si Sulayman itong kaytapang na lalaki
(Except for one prince from Mantapuli
Sulayman is this man of bravery)

14.
Si Haring Indarapatra nagpabaon
Isang singsing sa kapatid niyang yaon
(Given by Indarapatra King
To that his brother a ring)

15.
Isa ring pananaim inilagay niya
Sa tabi ng kanyang bintana
(A plant he placed also
Beside his window)

16.
Kapag daw nalanta ang halaman
Kapatid niya’y inabot ng kasawian
(If that plant withers
Death to his brother enters)

17.
At si Sulayman nagtungo sa Kabalan
Tinalo si Kurita na kalaban
(And Sulayman to Kabalan went ahead
The foe Kurita he defeated)

18.
Pagkatapos ay sa Matutum dumalaw
Pinuksa naman si Tarabusaw
(After which to Matutum visited
Tarabusaw too was exterminated)

19.
Sunod na pinuntahan ay Bita
Napatay niya doon si Pah
(Next destination was Bita
There he was able to **** Pah)

20.
Pero dambuhalang pakpak sa kanya’y dumagan
Inabot si Sulayman ng kamatayan
(But he was crushed by the enormous wing
Death to Sulayman was reaching)

21.
Sa oras na iyon ay nalanta ang pananim
Kasawian ng kapatid batid ng hari’t nanimdim
(At that moment the plant shriveled
Brother’s death perceived by king and lamented)

22.
Labi ni Sulayman tinunton niya
Binuhay ang lalaki gamit ang tubig na mahiwaga
(Traced he the corpse of Sulayman
Using magical water resurrected the man)

23.
Si Sulayman ay nagdesisyong umuwi
Si Indarapatra’y haharapin ang kalabang panghuli
(Sulayman to home decided to go
Indarapatra will face the final foe)

24.
Sa wakas ay napuksa rin ang ibong may pitong ulo
Sa pag-uwi ng hari may nakilalang dilag ito
(At last slain was the bird with heads that are seven
Upon the king’s return he met a maiden)

25.
‘Di nagtagal nag-isang dibdib ang dalawa
At muling nagbalik katiwasayan sa lupa
(Not later the two wedded
And in the land serenity reverted).

-08/25-26/2013
(Dumarao)
*for Epic Day 2013
My Poem No. 223
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
kingjay Dec 2018
Tinik sa dibdib, tali sa puso'y pinaghihigpitan
Sa alambreng bakod di na makawala
yung pulang tubig lang aagos
Napuno ng kabanalan, kasunod ay kasawian

Ibuhos ang isang daang karayom sa nakatiwalwal na mga sugat
Tusok sa balat ay ang kirot na lalong tumitindi nang walang kapahingahan

Mabangis na  mga pangil sa talahiban nakatago
Wasiwas ng damo binabantayan
Mahinahon na inaabangan
Mas masahol pa sa tuklaw ng sundo ni Kamatayan

Ang kaantukan ay sumagi sa ulo
Pangambang nangangahulugan
Habang puyat na bumangon

Sa dulo ng dapithapon nagsisi-awitan ang mga ibon ay may bagong silang na paraiso
Isama na at huwag pabayaan
Lahat ay humayo
reyftamayo Aug 2020
At sumibol ang mga mapagbunying isipan
sa makapal na balat ng lupa.
ang pinagtatakhan ko lang ay bakit
tila tinatangay tayo ng malakas na
daluyong ng karunungan patungo sa dagat
ng kalituhan?
ito ba'y matatawag na kamangmangan
sa sarili o sakit na nagdudulot ng
panghihinang tumayo sa paa,
na taas ang noo, at may pagkukusa?
ano nga kaya ang nagtatago sa likod
nitong makulay na isipan?

nanatili ang karamihan na pikit-mata
sa pagtanggap ng mga kaisipan ng kapwa
habang ang iilan ay abala sa
paghubog ng mga bagong panaginip
na syang lililok o lilipol sa
buong sanlibutan.
hindi man sinasadya, o inaasahan,
nagsilbing mantsa sa puso't puson
ang mga panaginip na ito.
kahit na sa mga pagkakataong
sarado tayo.
walang malay nating sinasagap
ang mga pakalat-kalat na talino
na para bang pagkain kung ito'y
manukso sa nagugutom na kalamnan.
kahit pa ito'y ikamatay,
mapagbigyan lamang
ang uhaw na nararamdaman.
hanggang sa tuluyan na itong
umalipin sa sinumang magtangka
na kumawala.

o sumpa ng galit na apoy
ng nagbabagang impyerno?
tayo lang ang inaasahang sumaksi,
maging alin mang panig
ay tama o mali.
malaya tayong mag-isip
at mawalan ng saysay na parang
alikabok sa higanteng pusod
ng mabangis na lipunan.
o kaya naman, palihim na sumibol
sa gitna ng disyerto
kahit na nag-iisa.

— The End —