Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Pumikit
Lasapin ang bawat saglit na lumalangitngit ang pawis sa inyong balat na magkadikit.
Huwag niyong ipagkait sa apat na sulok ng silid ang kanilang karapatan masilayan ang inyong pagmamahalang saglit

Igapang mo ang iyong mga nananabik na daliri sa pambalot ng kanyang laman,
Sa bawat segundong inuudyok at kinikililiti ang iyong kasiping
isiping siya ay isang anghel na ipinadala ng diyos ng dilim ng silid

Manampalataya
Manalangin na ang sandaling maglapat ang iyong labi sa kanyang katawan ay pang-matagalan
Na ang pagsamba mo sa kanyang katawan ay magiging makatarungan

Iyong lubusin ang pag-halo ng laway at pawis
Tumingin sa pagkinang ng namumuong asing itinuturing **** bituin
dahil sa bawat paglamas ng inyong dila sa isa't-isa, dahil sa pagdurugo ng labi, dahil sa panggigil at kagutuman at libog ng katawan at isipan
Hangga't siya'y nagugutom at uhaw sa maling pagmamahalan–

Kumapit
Hayaan ang sarili maipit sa kanyang bisig sa tuwing pipilipitin niya ang iyong isip
gamit-gamit ang kanyang mga matang nanlilisik sa pagnanasa at tamis na kay pait

Ang kanyang mga mata na nagpapakita ng kaluluwa na umiiyak dahil hindi kayo para sa isa't-isa
Iyong nahihinuha na pareho lang kayong dalawa, parehong kumakapit sa ideya na ang pakikipagkantutan ay paraan para mahanap ang pag-ibig na bumabalot sa mundo't umaakap

Umakap
Panghawakan ang alapaap at huwag kang kukurap para masilayaan ang pamumuo ng mga ulap sa kanyang mga mata,
Ang pagbaha ng inyong mga kalooban dahil sa pagragasa ng inyong kahayukan

Ngunit wag kang magpahinga.
Hayaan mo siya ang mauna sa pagpapahinga,
Ito ay senyalis ng pagkapagod at pagsuko sa kasiyahan na inyong tinatamasa
Masasabi **** masalimuot ang karanasan na ito kahit nilubos mo ang pagkakataon na kayo ay nag-indakan sa bawat sulok ng silid na madilim
na sa pagtapos wala na kayong ibang magawa kung hindi–

Huminga
Huminga ng malalalim bago umalpas ang inyong kamunduang pangsandalian
At sa pagwaglit ng iyong hanging ibinuga, tanggapin sa sarili na libog lang ang inyong nadama
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Lecius Dec 2020
(Tulang alay kay A k i n g  m a n l a l a y a g  🛶)

Kung may pag-kakataon lamang, na iatras ang kamay ng orasan, at iangkop ito sa aking kagustuhan, nais ko bumalik sa panahon na 'di kalayuan-- dalawang taon bago kasalukuyan.

Babalik lang ako sa araw na kung saan ako pa ang kasabay, sa bawat hakbang ng paa sa pag-lalakbay.
Pipigilin ko ang oras sa bawat segundo nitong pag-patak. Ititigil ko ito upang sariwain ang ala-alang ito, hanggang sa ito'y hindi ko na makalimutan.

Hindi ko na palalampasin ni sasayangin, lulubos-lubusin ko na dahil sa pagkakataong tumakbo muli ang oras, tatahakin na nito ang daan na kung saan, iba ang iyong kasabay sa pamhabangbuhay

Nais lamang sa muling pag-kakataon, makasama siya sa pag-lalakad patungong sakayan habang pinag-kwekwentuhan namin, ang mga kaganapan sa lumipas na mag-hapon.

Hindi ko ito gagawin upang baguhin ang mga bagay gaya ng karamihan. Gagawin ko ito dahil nais kitang muling makasama at masabi sa'yo na sa akin ay naging mahalaga ka. Na kahit kailan ay patuloy ka parin sa'king mahalaga kahit na hindi tayo ang itinadhana

— The End —