Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
Katryna Jan 2019
kung sakali man malihis ng landas,
lingunin nawa ako ng pagmamahal.

kung sakali mang mapagod sa kakalakad,
tangayin nawa ako ng hanging payapa
patungo sa bisig na mapagkalinga.

kung sakali mang hapuin at maubusan na ng hininga,
dugtungan nawa ako ng buhay na kung saan ang kamatayan ay hindi kinikilala.

nang matapos lamang ang laban na wala akong laban.

walang salitang naririnig,
walang hikbi,
walang palag.

wala.

dahil walang handang makinig
kapag sarado ang isip.
PairedCastle Sep 2016
Ako ba'y naghihintay sa wala?
Parang kay tagal mo nang nawala
Ganun rin ba ang nadarama mo para sa akin
Ako lang ba ang ganito sa atin?

Sarili ko'y pipigilan
Hindi kita hahayaang malaman ang aking saloobin
Lahat ay gagawin manatiling kaibigan mo
Gagawa ng paraan para makasama mo

Hindi ako aamin
Ayaw mo naman talaga sa akin
Huwag mag-alala, ako'y lalayo na
Pagkatapos ng Linggong ito, ika'y kakalimutan na

Damdamin ay hindi hahayaang lumago
Natatakot na hindi mo naman kayang magseryoso
Ano ang aking magagawa
Hindi naman planado ang aking pagsinta

May mga bago ka bang babaeng kinakausap?
May bago ka bang kinikilala?
May bago ba na maganda, matalino, masayang kausap at kasama?
Anong laban ko eh ayaw mo nga magkwento?
April 13, 2016
21:00
Taltoy Jun 2018
Ang nakatago,
Ang nasa kaloob-looban,
Ang nasa puso,
Ang tunay na kagandahan.

Ugali, pagkatao,
Diskarte, talino,
Malasakit, kalinga,
Pagmamahal, pagpapakumbaba.

Kung sino ka nga ba,
Misteryong di alam ng madla,
Sapagkat pagkatao'y kinikilala,
Dahil minsan di naman ito nakikita ng mata.

Ang bagay na di madaling magbago,
Ang bagay na sana'y di magbago,
Ang dasal namin para sayo,
Ang hiling naming mga kaibigan mo.

Ika'y isang talang nagniningning,
Liwanag, ilang milya man ang aabutin,
Patuloy ang pagkislap kahit sino man ang kapiling,
Kahit mag-isa, patuloy na titingalain.
janel aira Sep 2020
munting salamin sa ‘yong mga mata
sarili ko’y nakikita
salitan sa paghinga
puso mo’y kinikilala

babagsak ang mga luha
isa isa’t dahan-dahan
malayang magtatampisaw
tuwing sasapit ang ulan

panahon ang kalaban
sa bawat kinabukasan
hindi mag-aalinlangan
hindi rin magkukulang

tahimik ang gabi
puso minsa’y humihikbi
sa pagtulog ikaw ang dalangin
nag-iisang hiling sa mga bituin

ikaw ang tanging dahilan
kahapon, ngayon at kailan man
pangarap kong tahanan
ikaw at ako sa iisang larawan

— The End —