Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
061017

Hindi pa kita kayang harapin
Na sa bawat pagkakataong nariyan ka na'y
Pilit pa rin akong lilihis ng landas
Habang kinakalma ang sarili ng mga salitang:
"Wala kang nakita.
Ayos ka lang."

Sa ilang beses kong pagpapalipas ng oras
Sa paglimot sa pagbungad ng kahapon sa ngayon,
Ginapi ako ng pasa sa buo kong pagkatao.
Namanhid ang puso,
Kakaiba ang hiwaga pagkat nabuhay pa rin ako.

Nang sa kahit isang saglit man lang
Ay nanatili pa rin akong pipi ngunit hindi bingi
Na parang nalimot ko na kung paano bang magsalita
Ngunit ako'y inugatan na
Sa paghihintay sa sagot na sayo lamang hinihingi.

Na para bang noon,
Ang lahat ay may bayad.
Parang lahat ay bawal,
Kaya nagnakaw ako ng tingin sayo.
Oo, hindi lang isang beses
O dalawa, tatlo, apat, lima,
Anim, pito, walo, siyam at sampu.
Naubos na ang pagbilang ko sa bawat sandali,
Na inabot sa iilang taon --
Hindi ka pa rin bumabalik.

Doon ko kusang naintindihang:
Kalakip ng bawat pagnakaw ng panahon
Ay ang bawat bitak sa pusong noo'y wala pang lamat.
Napuno ito ng alikabok sa hindi ko pagsisiyasat
Kung may buhay at pag-asa pa bang mabuo
ang larawan ng tayo.

Na sa bawat pagpunit ko ng bawat larawan sa aking isipa'y
Paulit-ulit lamang akong nakakatikim ng pagkatalo.
At sa huli, ako rin pala ang darampot sa mga ito
At isa-isang ipagtatagpi sa kabila ng matinding pagkapagod.

Nang ilang beses akong dumistansya sayo
Isang dipa, isang kilometro,
Ilang munisipyo at ilang mga isla.
Bagamat nagtangka pa rin akong
Bumusina ng katapatan sa pintong paulit-ulit **** pinagsasarhan.

Nang muling mabahiran ng kakaibang ningning
Ang aking mga mata
Na tila may mahika ang bawat **** ngiti
At muling nagkakulay ang puso kong dating kaydilim.
Nang mapagtanto ko ngang: hindi kita nakalimutan,
Hindi ako nagmahal ng iba,
Naghintay ako --
Kahit may iba ka pa.

Dumungaw ako sa ngayon
At dito ko nasaksihan ang hiwaga ng paghihintay.
Na sa pag-aakala kong paulit-ulit ang nasa kalendaryo'y
Mauubusan din pala ako ng dahilan --
Dahilan para magtanong kung babalik ka nga ba.

Nang mahalin mo na rin ako nang buo
Nang kusa **** ibigay ang tiwala at katapatan mo.
At sa minsang pagyakap mo'y
Gusto ko na munang huminto
At magpasalamat pagkat narito na ang sagot --
Pagkat narito ka na at hindi na ito isang panaginip.

Na hindi ko maipaliwanag na ikaw ang dahilan
Ng bawat butil sa mga mata ko noon.
At ang dahilan
Ng bawat kirot na mas maingay pa sa mga kuliglig pag gabi
At pilit kong pinatatahimik sa aking pagtulog.

Parang kailan lang nga --
Pero ayoko nang magkunwari pa
Ayoko nang magtago sa madilim na mga ulap
Na pilit na kumukubli sa pag-ibig ko sayo.
Tama na, pagkat nahulog ako sa sarili kong patibong
At ngayon --
Ngayon nga'y mas mahal na kita.
Mike Dela Cruz Feb 2017
Tuwing akoy tumutingala sa mga kumikislap na bituin,
Di ko mapigilang maalala ang kislap ng yong mga mata
Puno ng misteryo't mga tanong na di kelangang sagutin

Tinutuwid ang isip na di mapakali
Kinakalma ang pusong may giit sa mundo
At pinapabagal ang oras na basta bastang pinapalipas;
tila bawat segundo ay may tamis na inaalay.
Nagpapalasing sa ligaya habang binubulag ang sarili sa katotohanang 'di na 'yon mauulit
Sa katotohanang ito'y ala ala lamang.

Nagbabago ang aking pagkatao sa harap ng iyong muka
Napapamahal sa lahat ng mga bagay at pangyayaring nagpagtagpo sa atin. Lumalamig ang simoy ng hangin, di mapigilang pumikit at mabuhay sa nakaraang pagkakataon.

Maaabot lang pala ang langit sa gitna ng dalawang impyerno.
Mahal, maari ba muling magtagal sa iyong piling? Kahit isang ulit lang maipadama mo muli ang langit sa mundo. Nakalimutan ko na kasi ang tamis ng kaligayang idinulot ng pagmahal na galing sayo.
Ronna M Tacud Feb 2021
Ang kahapon ay nagdaan, lungkot ko ay lumisan.
Tunog ng huni ang aking nagisnan.
Liwanag ng araw ang aking nakikita.
Sa dapit sulok ako ay nakatanaw.
Simoy nang hangin ang nalanghap, ngiti ang siyang nasilayan.

Oh, kay ganda ng umaga!
Sipsip ng kape ang aking natamasa.
Hindi magsasawang dumungaw sa maliit na bintana.
Buhok ay hinangin pero ito'y nagbibigay buhay.
Mata ko ay pumungay sa ganda ng tanawin.
Kay gandang pagmasdan ang mga ulap na animo'y dinadala ka sa kalawakan.

Kay sarap marinig ang huni ng mga ibon na para bang kinakalma ang iyong damdamin.
Binawi nito lahat ang kapintasan na aking pinagdadaanan.
Lumuha man noon, napalitan naman ngayon nang isang totoong ngiti.
Maari bang ganito nalang palagi at kalimutan ang pait na siyang aking nakamtan?

— The End —