binuwag ng sariling bigat
uusal ng dasal na ang tanging hiling ay pumanaw.
Hindi ito ang buhay at hindi ito
ang pamumuhay.
Kung dito sa lupa ay aangat, anong wika
ang isasalin sa laman kung pagal na?
Turuan mo akong dumaan nang walang
iniiwanang labi kundi misteryo na inimbak
sa pagtiwalag sa bawat sandali. Sa ilalim ng
bawat tulay na ginagawa ng winiwikang salita
ay isang kontrata: hindi nang luluha pa
at kung pumikit ay panibagong mundo ang
tatambad. Sasalubungin ito sa pamamagitan ng
isang paanyaya at kung makitang muli ay pakakawalan
ang kapit sa sarili. Tatantusan ang bawat kinauupuan
at itatala ang mga natutunan. Paham ang liham ng pagtitipon
at kung hindi sinipot ay sadyang isang malaking kakulangan.
Walang ibang transaksyon kundi ang palitan ng salitang
maghuhugis-kamay, hahaplos sa bawat tigib na parte,
ililikas ang katawang hapo sa paulit-ulit na katanungan
nang pagiging mortal at lalakipan nang panibagong saysay.
Umigkas palayo at bagtasin ang bagong mundo:
ang tao kung ilalaan sa tao at pakikinggan ay bubuong muli
ng katiyakang panandalian sa payak na panahon:
hanggat tayo’y naglalakad pasulong, tayo’y gagawa’t gagawa
ng tulay.