habang naglalakad ako sa lupain ng mga sirang pangarap, mayroon akong pangitain sa napakaraming bagay. ang mga paghihinagpis tila baga'y tumutulong upang madagdagan ang aking pasan sa mundo. aking napagtanto na ang kaligayahan ay isang kalinlangan lamang. sa aking pagkalumbay at pakiramdam ng disorientasyon, buong buhay ko'y nabuhay sa takot. ang mundo'y pinamumunuan ng mga batas ng poot na matatagpuan sa iba't ibang dako. kaya naman ay ang mga nakararanas ng dalisay na kaligayahan ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari.
sa bawat araw ng aking paghihirap, umaasang makakaahon sa ilang butil ng kasaklaman ngunit sa kaibuturan ko, wala akong ibang makikita kungdi ang kasuklaman ng buhay. patuloy akong naglalakad sa mga anino upang maghanap ng liwanag ngunit aking napagtanto'y malinaw kong nakikita na wala nang ibang paraan upang makalabas pa sa suliraning ito.
sa aking buong pagkabuhay, dala-dala ko ang mga basag na pag-asa't mga tipak na salamin. ang tanging sinag ng araw ang natitirang kislap ng aking mga masidhing lunggati sa rurok ng tagumpay. kung iyong titignan ang marikit na lilim ng gintong apoy na nagngangalit sa kanluran, ito ay ang aking mga minimithi na nakalilim sa puwang ng kalangitang asul. nais kong lumipad nang malaya tulad ng isang ibon sa kalawakan. sa mga kislap ng mga tala'y nakatingin, hinihiling na sana ang panagimpan ko'y dinggin. lahat ng iya'y hindi makakamtan sapagkat ako'y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible. pinapanood malunod ang aking sariling mundo mula sa aking bintana'y natatanto, mga pangarap ko'y dahan-dahang inaanod.
sa araw-araw na aking paglalakbay sa mga repleksyon ng kadiliman, isa lang ang aking katanungan, isang ilusyon lamang ba ang kapayapaang aking matagal nang inaasam?
may mga pangarap talaga tayong mahirap makamit at ito'y hanggang ilusyon na lamang.