Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Feb 2019
Ito ba'y sa tingin ng miyopia na sandangkal ang layo, gusto na kabigin?
Pananaw na malabo, di malirip?

O himig na kaagaw-agaw pandinig
Musika sa katahimikang pandaigdig
na lumilikha ng espasyo sa katotohanang di ibig?

Paraan ng pagdarama sa mga bagay na umiiba?
Pagkaganyak sa karaniwang obra maestra?

Isang sulyap sa ningning ng maririkit na bituin
na mapangrahuyo sa mga mata?

Panggagaway sa sangkatauhan
na walang makapag-aalis
Payak subalit gumaganap nang paulit-ulit?

Ito ba'y tumatawid sa dakong paglubog tungo sa pagsikat ng araw
hilaga hanggang timog?

Gumagabay sa paglikha ng sining
ng mga pantas at pintor
na inspirasyon ang guhit?

Tumatalunton sa kinabukasan,
lumalakbay sa kawalan hanggan
tila mas matayog pa sa pag-asa?

Ito ba ang matamis na kabiguan
na ninais maranasan?
Ginawang bagay na di alam ang kahihinatnan?

O piling mga salita na nasnaw sa bibig,
bulong sa hangin ng makatang nagtitiis?

Kumukurap na liwanag sa karimlan
na kung pagmasdan parang mamatay datapwat di kailanman naglalaho?

Saglit na galak tulad ng mga nasa yaong pagdiriwang
mapagbunyi ngunit di mapagmataas?
Alaala ang pinakamalapit na tugma
Ng mga tala.
Kapahina ang kakambal nitong
Pinakamapait na salita: Pangungulila.
Nang pagtingala
Sa buwan na ningas ng maamo **** mukha.

Kaya, sa kawalan ay mapapako.
Mapagtatantong
Bituin ka sa apat kong dako.
Hilaga, Kanluran, Timog, at Silangan.
Doon kita matatagpuan.

Ikaw, ang siphayo ng malamig na gabing pinili kong makasanayan.
Ikaw na siyang unan, kumot, at hanap-hanap kong dantayan.

Ikaw, ang pinakamataimtim na bulong sa mga bulalakaw.
Ang nag-iisang hiyaw.
Na kung hahamunin man akong bigyang-kahulugan ang salitang balang-araw,
Ang isusulat kong depinisyon ay ikaw;
Ang pinakainaabangan kong bukas
Matapos sariwain ang kahapon at nakalipas.

Ikaw ang uniberso.
Wari'y ang lawak ng kalawakan
Maging ang mga kislap nitong hindi pa natutuklasan ninuman,
ay hindi sasapat kung ikaw ay aking ilalarawan.
Ikaw na napiling pag-alayan ng pag-ibig na matagal kong inipon at iningatan.

At wala akong ibang maramdaman
Kundi matuling ikot ng mga planeta
At mga nagbabanggaang kometa.
Subalit hanggang kailan?

Mahal, kapos ang haba at katahimikan ng gabi para lamang pakinggan ang dalawang pusong nagsisimulang bumuo ng kanilang istorya.

Araw ay marahang pinasisingkit na ang mga mata.
Umaga na subalit mahal pa rin kita.
Sinta, tinatangi kita.

-wng
I don't have enough words to convince you how real this is; how deep I feel; this is the most I can give you.
kahel Feb 2020
sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya
hindi ko nakakalimutan sabihin ang mga linyang ‘to: “ikaw ang pahinga ko”

pahinga ko pagtapos ng mahabang araw makipagsapalaran sa buhay at para makahabol sa liga
pahinga ko habang naglalakbay mula timog hanggang hilaga
pahinga ko upang mapaalala na ang bawat pagkakataon na makasama siya ay mahalaga
pahinga ko dahil napapakalma niya puso’t isipan ko nang walang bahala

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
ako pala yung unang kakapusin ng hininga,
boses ko’y di na madinig sa sobrang hina,
mag-isa tuwing gabi at ang tanging katabi ay pangamba,
habang nakatitig sa sapot sa kisame na gawa ng gagamba


ngayon,
napagtanto ko na sa mga panahong kinailangan ko siya para maging kalakasan ko,
siya din pala ang magiging dahilan ng kahinaan ko

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
hindi ko namalayan na pa kunti-konti na akong hinihingal,
bumabagal,
na-uutal,
umaangal,
nawawalan ng tamang asal,
nakakalimutan ko na nga din ata mag-dasal.


nakakapagod din pala ‘no?
magpaalala palagi,
kahit na hindi ka maalala,
kaya pahinga muna ako,
kahit ngayon lang,
hihiga muna magpapahinga upang makahinga.
nakakapagod, mapagod.
From A Heart Oct 2015
Ngunit hindi ko maalis sa aking isip
ang katotohanan na ika'y umiiyak ng obra maestra,
At ako'y napupuwing lamang.

Gusto kita.

Ngunit paulit-ulit na pinapaalala sa akin ng utak ko
na ikaw ang malayang kalawakan,
At ako'y karagatan na may hangganan.

Gusto kita.

Ngunit tayo'y magkaiba ng mundo.
Tanawin mo ang mga planeta ng imahinasyon mo,
At akin naman ang bulalakaw dito sa lupa.

Gusto kita.

Ngunit patawad.
Natatakot ang aking puso na walang paraan
para magsama ang Hilaga't Timog.
kingjay Dec 2018
Maginaw ang hamog sa unang ulan ng Disyembre
Naging kristal ang mga alikabok sa Hilaga
Lumaganap ang kahel na tina sa dahon ng Makahiya

Tumataghoy sa kweba ng kapusuan
Ibigay ang sagot sa patlang na kalooban
Himutok ay hindi na lumubay
Nang natagpuan na mayroon ng kasintahan

Napatingala sa langit na lipos ng estrelya
Sa kubo na hinati ng dingding
Sa loob ay ang buhay na ikinatha
Sa kabila naman ay ang mga bagay na dapat ginawa

Ngayon ay nagtagpo ang himakas at dagat
Sa katagalan nang paghintay ng salita upang ibibigkas ay wala rin saysay sa kahuli-hulihan
Sa tugmaang ito'y nasawan

Wiligan ng bendita ang dating sanggol sa kamalayan
Kipkipin at itago ang lampin
Sa ambon, sa bintana ay napaisip
Paano kung hindi natutong magmahal
Mark Coralde Aug 2017
Itong tulang ito ay para sa mga taong hanggang sulyap lang sa kanilang mahal
Na kay raming gustong sabihin
Ngunit di masabi sabi
Pagkat hanggang sulyap nga lang sila
Isa, dalawa, tatlo
Ikaw
Oo ikaw nga
Ohp ohp oho
Wag ka ng lumingon pa at wag ka na sanang lilingon pa
Hayaan mo akong sambitin ang bilis ng pagkakahulog ko sayo
Yung tipong
Parang kahapon magkashare lang tayo ng libro
Tapos ngayon mahal na pala kita
Lungkot sa aking mga puso
Sana'y matapos na
At iyo na sanang marinig sigaw ng aking puso
Para sa ganun ako ng iyong pansinin
Pagkat ngayon hanggang sulyap lang ako sayo
Sulyap lang ayos na
Kasi ang masilayan ka sa araw araw
Buong maghapon ko ay kumpleto na
Pasalamat ako sa Maykapal
Hayaan mo sana akong banggitin ang bawat letra na aking dinugtungan upang makabuo ng mensahe
Mensaheng aking ginawang tula
Tulang aking inaalay para sayo
Tulang aking pinamagatang ABAKADAE IKAW
Simulan ko na ba?

A- ako nga pala ang matagal ng may gusto sayo at pinapangarap sa sana'y
BA- balang araw ika'y makapiling
KA- kaso mukhang wala yatang pag asa
DA- dahil may mahal ka ng iba at kahit nagmumukha na akong tanga
E- ewan ko ba at hanggang ngayo'y mahal pa rin kita
GA- ganito sana tayo ngayon kaso
HA- hanggang dito lang pala ako pero kahit ganon
I- iibigin kita hanggang sa huli
LA- lalambingin ka hanggang sa pati lang langaw, tutubi, aso, pusa, at iba pang hayop ay dumikit na sa sobrang tamis ko
MA- mamahalin kita hanggang sa aking huling hininga dahil ako'y
NA- nangangakong andito lang ako lagi para sayo at sa
NGA- ngalan man ng lahat ng santo ako'y mananalangin na ang
O- oo mo'y akin ng makamtan
PA- para magkaroon na ng tayo at matapos na ang ikaw at ako lang
RA- ramdam mo sana ang lahat ng aking sinasabi
SA- sa hilaga man o sa timog o sa silangan o sa kanluran man
TA- tapat at totoo ang aking pagmamahal sayo
U- umuwi man ako ng luhuan ngayon
WA- wala akong pake at wala akong ibang gugustuhin kundi ang
YA- yakap **** mainit saakin ay sumalubong

Sa dami ng aking sinabi baka di mo matandaan lahat ng yun
Ngunit sana iyo man lang naintindihan
Gayunpaman itong aking huling sasabihin
Sana'y iyong itaga sa puso at isip mo o maging sa bato man
Na ito!
Itong lalaking nasa iyong harapan
Umulan man o umaraw
Kumulog at kumidlat man
Daanan man ako ng matinding unos
Isa lang ang sinisigaw ng puso ko
Yun ay "IKAW"
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)
Oh Pinakamakapangyarihang Dios Ama
Tagapaglikha ng tao, langit at lupa
Panginoon ng Silangan, Kanluran, Timog at Hilaga

Kailan Mo po diringgin
Ang sampung taon ko nang panalangin?
Pag-ahon sa karimlan ay akin nga bang sasapitin?

Kayraming tao sa mundo ang sadya **** pinagpala
Hinandugan ng kapangyarihan at limpak na pera
Subalit kanilang ginamit sa mali at masama!

Ako na itong alam Mo kung saan gagamitin
Negosyong pangtustos sa pagkaparing nais tahakin
Puhunang tutulong sa mga taong may mabuting adhikain

Bakit ipagkakait sa nais pagsilbihan Ka?
Sa may hangaring tumulong sa kapwa at sa bansa?
Dakilang Tagumpay sa Philippine Lotto sa akin po ay itadhana!

-06/27/2015
(Dumarao)
*My Prayer Poems for Ultimate Victory Collection
My Poem No. 370
Louise May 2024
Tinawid ko ang karagatan,
binaybay din ang Kabisayaan.
Mula sa hilaga, sa Katagalugan,
mahanap ko lang ang katotohanan.
At makita ko lamang ang kasagutan,
malasap lang ang angkin nitong tabáng.
'Di lang karagatan ang handa kong tawirin,
mga ilog na may buwaya rin, aking giliw.
Makita ko lang sa'yong mata ang saliw
at dampi ng aking nadaramang sakit.
Babaybayin ang buong bayan at isla,
bibilangin ko ang bawat mga tala.
Lilibutin ko ang kabundukan,
lilituhin ating kapalaran.
"Santa Cruz de Siqujor" trilogy, 1 of 3
kahel Jan 2020
Hindi ko na kilala ang mga sugat na ‘to.
Kung saan ba 'to nanggaling o
paano ba 'to nangyari
Nandito na tayo sa parte ng magulong mundo
na hindi na alam ng mandirigma kung
nasa hilaga ba o nasa timog ang binabaybay.
Kung sino ba ang tunay na kakampi sa hindi
Saan ba gagapang palayo?
Saan itatago ang natitirang pagkatao?

Hindi ko na marinig ang bawat katinig
at patinig ng bawat salita dahil sa ingay.
Kanino ba nanggagaling ang hinaing
Saan nagsimula ang pasaring?
Paano nga ba tayo nakarating dito?

Alam mo, dahil sa’yo.

Gusto kong ipako lahat ang sisi sayo.
Ikaw ‘to. Kasalanan mo. Sinabi ko naman sayo.
Ganyan ka. Mali ka. ‘Di mo maintindihan.
Ikaw; Ikaw lang ang mali.
Alam ko ang bawat kanto
nitong pinasok nating pangako.
Kabisado ko ang bawat pintong nakasarado
Mga pinakatatagong sikreto
Hindi tulad mo.
Hanggang ngayon naliligaw pa din
Kaya tama ako.
Mali ka, tama ako.
Tama ako?
Tama na.

Pero ito ‘yung parte ng laban
na hindi na tayo pwedeng sumuko.
Hindi pwedeng tumakbo
palayo at takasan ang katotohanang
nilakbay natin 'to ng magkasama,
narating natin ‘to sa sarili nating mga paa.
Dahil magkabuhol na
ang mga sintas ng pagkatao natin
at imposibleng ipangalan lang
sa isa ang kasalanan.

Hindi na natin kailangang magpanggap pa
dahil tanggap na
Nadapa tayo. Hindi lang ikaw. Hindi lang ako.
Tayo. Nagkamali tayo.
‘Yun lang ang tamang hinaing
para maitama natin ‘to.
JOJO C PINCA Nov 2017
ano, wala ba d'yan sa silangan?
baka naman kailangan **** galugarin ang kanluran.
kung wala pa rin abay gaygayin mo ang timog tapos pasadahan mo na rin ang hilaga, h'wag kang tumigil tawirin mo ang karagatan at liparin ang kalawakan mas maganda kung lilibutin mo na rin ang kalupaan pati na ang disyerto para lang ito makita. kung hindi pa sapat ang lahat ng ito baka panahon na para ka magpahinga. umupo ka kaya muna sa isang tabi damhin mo ang katahimikan ng gabi. bakit hindi mo buksan ang silid ng iyong puso baka nandun lang sa loob nito ang matagal mo nang hinahanap.

— The End —