Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
Paunawa sa babasa:

Hiniling ng isa kong kaibigan na relihiyoso na gawan ko daw s'ya ng tula tungkol sa ikalimang wika ni Kristo noong nagdaang Mahal na Araw kaya kahit Atheist ako ay ginawa ko ang Free Verse (Malayang Taludturan) na ito.



“Nauuhaw ako”

Malalim ang baon ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa. Mahigpit din ang pagkakatali ng lubid sa kanyang mga braso. Napapalibutan siya ng mga kaaway, nagsusugal at nag-iinuman ang mga sundalong Romano habang nililibak siya ng mga Pariseo. Tiyak na wala s’yang kawala. Naghahalo ang dugo at pawis magkasabay itong umaagos palabas mula sa kanyang katawan; hindi na rin n’ya maalala kung ilan ng sampal, suntok, sipa at palo ang kanyang natanggap. Sa gitna ng kanyang paghihirap binigkas ni Hesus ang kanyang ikalimang wika:

“Nauuhaw ako”

Kagabi lang bago s’ya dakpin ng mga tampalasan ay nagmakaawa s’ya sa hardin ng Getsemane at taimtim na hiniling sa kanyang Ama na kung maaari sana ay huwag na n’yang danasin ang paghihirap na ito. Subalit hindi s’ya dininig nito.

“Nauuhaw ako”

Siya ba ang kailangan na magdusa, obligado ba s’ya na bayaran ang kasalanan ng iba? Bakit s’ya ang inutusan ng kanyang Ama para akuin ang sala ng sangkatauhan? Masyadong mabigat ang pasanin na ito para sa isang hamak na karpintero na gaya n’ya.

“Nauuhaw ako”

Ito ba ang kapalit ng pagiging masunurin at mabuting anak ang masadlak sa laksang dusa at malagim na paghihirap? Nasasabik na s’yang umupo sa tabi ng kanyang ama; hinahanaphanap n’ya na ang papuring awit ng mga Anghel sa langit.

“Nauuhaw ako”

Nilikha ba ang sanlibutan at ang mga tao upang sa bandang huli ay maging mapaghimagsik sila at walang galang sa kanilang lumalang? Bakit punong-puno ng kalupitan at karahasan ang mundo?

“Nauuhaw ako”

Hindi sapat ang tubig o ano mang inumin para mawala ang kanyang uhaw na nagmumula sa puso; ang pag-ibig ng sangkatauhan ang kanyang inaasam.
Jose Remillan May 2017
Marahan niyang pinitas ang
Huling gumamela sa hardin.
Kasama ang liham at lihim
Ng puso, inialay sa paralumang

Matagal-tagal ding itinangi,
Itinangis sa tadhana, ng walang
Hanggang paghilom at pag-asa.
Anuman ang mangyari, patuloy na

Idadako ang paningin sa pagtingin,
Hindi sa hapóng damdamin, hindi
Sa mga lamat ng puso, bagkus
Sa alamat ng bagong pagsuyo,

Paulit-ulit mang danasin ang guho.
Ronna M Tacud Jul 2022
Samo't saring emosyon
Tila bulkan na gustong sumabog.
Pakiwari niya'y lahat nalang ay kanyang kapintasan.

Maririnig ang hibik sa may dapit sulok.
Animo'y nagdadalamhati sa sariling sawi.
Siya'y pinagsapantaha sa kasalanang di ginawa.

Kanyang ipinagbatid nguni't tila sila'y bingi.
Umagos muli ang luha sapagka't pakiramdam niya'y hindi sapat.
Humiling sa itaas dahil ito'y nararapat.

At siya'y hindi binigo at binigyan ng abiso,
Isang salawikain na may naglalamang 'Sa mata ng Diyos'.
Nagbigay man ng kaginhawaan sa kanyang kaibutoran.
Datapuwa't hustisya ang siyang nararapat.

Hindi madaling magpatawad nguni't hindi rin madaling makalimot.
Darating man ang panahon na siya'y maghilom nguni't hiling niya'y kahit ngayon lang ay siya'y pagbigyan.
Sapagka't ang sakit ay nanatiling nakaukit.

Kirot na siyang nagbigay nang traumatiko.
At upang maibsan ang pakiramdam
nilinlang ang sarili at nagbabakasakaling halinhan ang nagbabagang deliberasyon.

Maaring marami ang nakakaalam nguni't tila sila'y bingi sa katarungan.
Sapagka't sila'y naaaliw sa kasinungalingan.
Na siyang nagbibigay sa kanila nang kaluguran.

Tanging hiling lamang,
na kung sinuman ang tumalima ay hindi danasin ang kanyang pinagdadaanan.
Dahil hindi madaling paratangan ng isang kasalanan na hindi naman ginawa.
Bagkus, pakinggan at umunawa para sa ikabubuti ng bawat panig.
MarieDee Dec 2019
KAIBIGAN ang turing sa iyo
dahil sa ikaw'y totoo
na kahit ano pa mang hirap ang danasin
lagi ka nariyan sa aking piling
KAIBIGAN ka sa bawat paghihirap
ang pagbibigay-ngiti sa aking mga labi ay iyong sinikap
KAIBIGAN ka sa tuwa't galak
gabay at tanggulan ko sa aking mga sindak
ngunit sa pagdaan ng panahon
na tila ba ang lahat ay isa na lamang kahapon
ang pagiging kaibigan mo ay nawala
at sa iba ikaw ay sumama
nabalitaan kong ikaw'y napariwara
at ang iyong buhay ay naging masama
ngunit ikaw'y bumalik
upang hingin ang iyong paumanhin
Sa pagkawala mo ako'y nalungkot
tinanong sa sarili kung bakit ikaw'y lumimot
araw at gabi ikaw'y hinihintay
umaasang babalik at bigyang kulay ang aking buhay
Ikaw'y muling niyakap
at dinama ko ang iyong sinapit na paghihirap
may mga luhang pumatak sa gilid ng aking mga mata
na nagsasabing.... KAIBIGAN pa rin kita
Luna Jan 2020
Alam kong gumagabi na
Pero heto tayo at gising pa
Nilalabanan ng antuking mga mata
Ang pagtawag ng diwang “tulog na”

Ramdam ko rin sa bawat paghikab mo
Ang unan at kamang nakatutukso
Hinihila ang iyong pagkatao
Tila ba sinasabing “halika rito”

Ngunit nananatili tayong mulat
Pagka’t tulad mo ang gabi ang kaban ng aking mga pangarap
Doo’y nakatitik ang aking mga ligaya na inuulit-ulit kong muling danasin sa pangarap
Doo’y lagi kong iniingatan na huwag uling mabuklat
Ang dahon ng aking kalungkutan

Kaya ating isinasantabi
Ang antuking matang nagdadalamhati
Pagka’t sa kadiliman ng gabi
Gising ang pusong naglilimi

— The End —