Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
solEmn oaSis Nov 2015
IKA-9 NG NOBYEMBRE, 2 MIL QUINCE TAONG KASALUKUYAN
KASALUKUYAN AKO NAGMUMUNI KUNG KAILAN AT ILAN
ilan pa kaya sa inyo ang sa akin ay naniniwala
naniniwalang kaya ko pang magpatuloy
magpatuloy sa aking mga adhikain
adhikain na nagsisilbing inspirasyon
inspirasyong bumubuhay sa aking mga anak
mga anak na gagabay sa ating pagtanda
sa ating pagtanda...tanging hiling ko,tayo ay buo pa rin
buo pa rin ang pananampalataya,pag-ibig at pag-asa
pag-asang maituturing na ginto sa loob ng kahon
loob ng kahon na siyang daanan ng mga mensahe
mensaheng dapat ingatan at gawing pribado
pribado na hindi tulad ng aking buhay
aking buhay na nakasalalay sa mundo ng mga makata
makata ng bawat lahi na minsan nang pinag-apoy ang mitsa at tuloyang*  nagningas
nagningas hanggang sa pumutok  ang araw
ANG ARAW NG KASARINLAN ay KASAYSAYAN ng KALAYAAN!
kalayaang makapagpahayag ng sariling himig at pahiwatig
nitong aking IKA-DALAWAMPU'T ISANG TULA
TULANG PINAMAGATAN KONG
=_ PAANYAYA AT PASINAYA _=
i proudly present to you my 21st presentation
of my emotion beyond the caption...
here in Hello Poetry,,
i found my self unselfishly!
though each one of us,
attending our own world sometimes.
Ace Jhan de Vera May 2016
Maligayang bati,
Sa aking pagsilang,
Walang bakas ng gunita,
Walang alaala ng nasabing araw.

Nagdaan ang mga taon,
Namulat sa katotohanan,
Na hindi marunong magpatawad ang mundo,
At hindi ito titigil na para lang sayo.

Nagdaan ang mga taon,
Ilang kaarawan ang lumipas,
Andiyan ang pancit,
At ang keyk na nakahanda,
Sa hapag kainan para pagsaluhan,
Mga ngiting di mabakas,
Nagpapasalamat sa biyaya.

Ngunit ito ang unang taon,
Kung saan maghahanda ako,
Hindi para sa iba,
Kundi para sa sarili ko.
At aanyayahan ko kayo,
Nawa'y sana'y makadalo,
Habang unti unti kong inilalapag,
Sa ating hapag, upang ating pagsaluhan.

Maghahanda ako,
Ihahanda ko ang sarili ko,
Na ang puso ko'y tatayuan ko ng pader,
Na papalibot dito,
Dahil pagod na kong masaktan,
At nahahapo na ang aking katawan.

Maghahanda ako,
Na ibaon ang bawat alaala.
Ang tamis nang bawat halik,
Ang kuryenteng dumadaloy sa aking katawan,
Mga labing bumubuhay nang aking kamalayan.

Ihahanda ko din,
Ang aking sarili,
Na unti unti nang humakbang,
Papalayo sa nakasanayan,
Kung ano ang aking kinamulatan,
Sa loob nang mga taong pinagsamahan.

Mga umagang iyong mukha ang bumubungad,
Sa aking mga mata,
Habang ika'y pinagmamasdan,
Sa taimtim **** paghihimlay,
Habang ako'y nagninilay nilay,
Eto na ba ang pagibig na hinihintay?

Kaya mahal sa aking kaarawan,
Kasabay ng pagihip ko nang kandila,
Magpapaalam na ako sayo,
Paalam na sa mga gabing kayakap kita,
Sa mga sandaling magkakapit bisig tayo sa ilalim nang mga bitwin,
Na kung saan langit ang saksi sa ating pagmamahalan,
Sa mundong tayo lang ang nagkakaintindihan.

Pipikit ako,
At uulit ulitin ko ang mga salitang;
"Handa na ako"
At hihiling ng lakas ng loob,
At tibay ng sikmura,
Bibilang ako ng tatlo,
Isa,
dalawa,
Tatlo,
At sa aking pagdilat,
Hihipan ko ang kandila,
At magpapaalam na sayo.
wizmorrison Jul 2019
Wika ko ay siya ring wika mo
Tayo ay mga kapwa katutubo,
Pilipino ang ating sinisimbolo
Ano man ang ating kulay at anyo.

Wika ay pagkakaisa ng bawat isa
Pinagbuklod-buklod ang puso’t diwa,
Bukambibig ng maraming dila
Sa pagkakaintindihan siya’y itinakda.

Wika natin ay dapat na mahalin
Hindi natin dapat alipustahin,
Ito ay karapat-dapat na galangin
Ating ipagmalaki at ating tangkilikin.

Wika ay siyang sagisag ng ating bansa
Na binuo ng mga  mamamayang bihasa,
Dilang bihasa sa paggamit ng wika
At mahilig sa mabulaklaking salita.

Wika ko ay siya ring wika mo
Bumubuhay sa ating pagka Pilipino,
Pinapatatag ang ating hukbo
‘Yan ang tibay ng Filipino!
George Andres Oct 2016
Maari ko bang masabing, iniiwasan ko ang pag-ibig?
Para bang sinasabi kong pinipigilan ko na ang huminga?
Lumanghap ng buhay at magtaboy ng karamay?
Sinasabi ko ring araw-araw na ang aking lamay

Hindi ako sumusulat ng tula ng poot
Pawang pag-ibig lamang na sa dugo'y nanunuot
Pagkahalina sa pag-iisa at paglalakbay
Pag-ibig na lamang ang sa tao'y bumubuhay

Iniibig ko ay hindi ang tinubuang lupa
Kundi sa mundong unos na ang sinagupa
Hinati ng porma ng pag-ibig sa sarili at kapwa
Nang bakuran, tinatawag nating ngayong mga bansa

Kung ang ideya ng mga tao'y di magkakapareho
Paanong lahat tayo'y magkakasundo?
Pag-ibig na dalisay sa pagtanggap
Hindi huwad, malinis at di nagpapanggap
10716
Marinela Abarca Jun 2015
Nagdasal at humingi ng isang tao
Na magtutulak sa akin para bitiwan na ang panulat na ito
Isang tonelada at mahigit na ang mga salitang pasan ngunit hindi pa rin ako nabibigatan.

Mali ang akala.
Hindi pa pala.
Lalo lang umitim ang tinta.
Dumiin sa papel ang pluma.

Nanatili pa ding naka-dantay
ang mga salita sa namimitig kong kamay.
Hinihintay nalang mamanhid
para hindi manatiling nakasilid
ang mga naipon na tula't sanaysay na wala nang saysay.

Hindi na ko humihiling
ng isang dahilan na dadating
na aalayan nitong mga salitang
naririnig at binabasa lamang.

Mga letra na binibigyang kulay,
nagkakaiba lamang sa kung sino ang bumubuhay.
Nakakapagod mag pinta
kung ang bawat makakakita ng obra,
babaguhin ang imahe sa kung ano ang nasa harapan nila hindi man lang isipin na magkakaiba tayo ng mata.
Inilarawan **** berde, gagawin nilang kahel.
Tinta mo na asul, hahawakan at magiging pula.

Siguro nga itong mga kamay na biyaya,
hindi na para sa papel at tinta.
Kasabay ng maraming paalam
ang huling isinulat na liham.
Elle Ruiz Nov 2017
Takot ang tanging bumubuhay sa isipa't pusong pagal
Saan man patungo, wala ng matanaw
Tila natapos na ang lahat
Tuluyan nang ginapos ng pasakit ng pag-asa
Saglit na iidlip
Hihintayin ang itim na usok
Mapayapang mundo’y matatanaw
Isipa’t pusong pagal muling titibok
Hangin ay yayakap
Halimuyak ng mga bulaklak dadampi
Tuluyan nang natulog ng mapayapa

— The End —