Maganda ka pa rin.
Kahit lagas ang halos lahat ng iyong ngipin
at pilas ang maganda **** pisngi.
Maganda ka pa rin.
Kahit hirap na kitang makilala.
Kahit hindi ko na makita ang ngiting dati ay para sa akin.
Maganda ka pa rin, aking asawa.
Magandang, maganda ka pa rin sa aking paningin,
mahal kong asawa.
Bigla ko tuloy naaalala,
noong hindi pa tayo magkakilala.
Palagi kita tinitignan. Mula sa malayo.
Sa likod ng mga streamer. Sa likod ng mga banner.
Parang stalker. Tinitignan kita.
Kaya naman parang umaakyat sa hagdanan ang aking kaligayahan
nang ikaw ay magpasyang mag-fulltime.
Nang tanggapin mo ang aking laking-bukid na pag-ibig,
At mas lalo, siyempre nang ikasal tayo sa opisina ng KOMPRA.
Pero, mahal na kasama, ngayong gabi,
ibig sana kitang sarilinin.
Tayo lang sana ng mga anak natin.
Pwede bang kahit ngayong gabi ay maipagdamot ka namin?
Pwede bang dito ka muna sa amin?
Oo, alam ko,
di mo iyon nanaisin. Sasabihin mo pihado, sigurado.
Pamilya mo rin sila- manggagawa, magsasaka, mga kasama.
Kaya't kasama nila,
bubuhayin ko ang iyong alaala.
Bubuhayin namin ang iyong mga alaala.
Ang huling araw na ikaw ay nakasama.
Ang huling text message na iyong pinadala.
Ang iyong mga aral at mga hamon.
At batid naming lahat saan ka man naroroon.
Tiyak namin san ka man naroroon.
Tumatawa ka nang malakas,
tinatawanan mo ang mga ungas.
Mga ungas sila. Bigo sila. Epic fail sila.
Nabigo silang ika'y patahimikin.
Nabigo silang pag-aaklas natin ay pahupain.
Akala nila nagwakas,
Pero tumutupok pa rin ang sinindihan **** ningas.
At sa muling pagbalikwas ng malayang bukas.
I-aabot natin sa tarangkahan ng kanilang mga kaluluwa ang wakas.