Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
George Andres Sep 2018
sumulat ako ng elehiya

ginamit ko lahat ng palasak na salita
ninais ko ang naunsiyaming kapayapaan: yaong hindi bayolente't nababahiran ng dugo't karahasan
mayroon pa naman sigurong mas malinis na paraan, 'yun, 'y-'yun bang legal at dinaraan sa reporma
'yaong tulad ng kay rizal! tama! yaong may diplomasya

tumigil ako pansamantala upang bumuklat ng pahina
napakarami nang rebolusyong hindi tulad ng inihahatag nila, katulad ng, ah! katulad ng EDSA!

nauhaw ako at tumigil pansamantala habang sa lamig ng aking kwarto'y rinig malakas na buhos ng galit ng araw
mabuti't nang buksan ko ang mga kurtina, payapang nagwawalis sa bakuran ang kapitbahay
may nagpapaligo ng aso't magagarang sasakyan
ipinagpasalamat ko ang bubong sa king ulunan. ah, payapa.

hindi rinig sa balita ang pandarahas ng militar sa kanayunan
ngunit batid ng karamihan, at ang solusyon ika nila ay armadong pakikibaka
nanlamig ako at namutla,

binaybay ko ang mga taong nakalipas bago ko marinig ang pangangalampag sa aming pintuan
pilit kaming inaakusahan, walang dokumento o anumang ebidensya

at dumaan ang mga imahe ng militar sa kanayunan:
ang daan-daang pamamaslang habang walang kalaban-laban

sa huli, wala akong armas na nilundayan

sa aking mga huling sandali, para sa sarili ko lamang,
sumulat ako ng elehiya
Mika May 2016
Tanging hiling sa hangin na sana'y tangayin
Ang mainit na bugso ng damdamin
Bawat paghampas at kumpas,
Hindi ko alam kung saan dadalhin

Pinasok natin ang buhay ng isa't-isa
Walang kamalayan sa ating pakakahantungan
Sa mundong hindi perpekto at walang sigurado,
ang tanging pinanghawakan ko lang ay may ikaw at ako.

Nangungulila sa mga mata **** nangungusap
Na sapat ng pagtakpan lahat ng sakit na nararamdaman
Ang mga mata **** sumilaw sa madilim kong isipan
Kailan ko kaya ulit ito matatanaw

Madaming hindi pagkakaintindihan
Nauuwi sa sakitan
Hindi mabilang ang kapintasan
Na bumabalot sating samahan

Tila bagyong walang dala kundi pinsala
Pagmamahalan nating puno ng pangamba
Mga mata mo lang ang tanging naging sandigan
Panangga sa kalamidad, silong sa kadiliman

Isang gabing hindi ko mabura sa ala-ala
Nakatatak sa puso't ispian
Binaybay ng mga kamay mo ang bisig ko
Hinagkan, hinalikan at hindi binitawan

Pinagdasal na sana'y wala ng katapusan
H'wag na sanang sumikat ang araw
Dahil walang ibang nais kundi ang namnamin
Ang bawat minuto sa iyong piling

Marami ang hindi kayang unawain
Ang ating kumplikasyon na dala ng depresyon
Ano bang alam nila?
Bukod sa kutyain tayo

Sabi nila baliw tayong dalawa
Hindi inalintana ang sinasabi ng iba
Malaki ang tiwala ko sa'yo, sa akin,
Sa ating dalawa

Ngunit naging malupit ang mundo,
marupok ka at mahina ako.
Hindi na kita kilala
Hindi mo na ko tinitignan sa mata

Tinalikuran ang sarili kong giyera at
pinaglaban ka
Patuloy kong sinasabi sa'yong,
"Mahal, andito lang ako. Kumapit ka."

Nagbingi-bingihan, pasok sa isang tenga
Labas sa kabila
Pinagtabuyan palayo pero sabi ko sa sarili,
hindi ako susuko.

Tuwing ipipikit ko ang mga mata,
hindi maiwasan ang pagtulo ng luha.
Sinisigaw ng puso, kayanin ko pa.
Pero ang tanong ng utak, para san pa?

Gusto kitang hagkan sa bawat sulok ng katawan,
gustong akuin ang sakit na iyong nararamdaman.
Naging manhid ka saking sakripisyo,
Patuloy akong pinagtabuyan.

Hanggang sa naubos na ang pasensiya at pag-unawa,
halos isuka na natin ang isa't-isa
Pagmamahal nalang ang nakita kong dahilan
kung bakit patuloy parin nating sinubukan

Hindi lilipas ang isang araw na walang bangayan
Ang haplos **** nung una'y malumanay naging
mahigpit at puno na ng galit

Nauntog sa katotohanang hindi sapat ang pagmamahal lang
Naglaho ang kislap ng mata na nung una'y sapat na kahit wala
ang mga salitang, "mahal kita"
Anong ginawa natin sa isa't-isa?

Mag pag-asa ba talaga ang pagmamahalan ng dalawang taong sira?
Louise May 31
Tinawid ko ang karagatan,
binaybay din ang Kabisayaan.
Mula sa hilaga, sa Katagalugan,
mahanap ko lang ang katotohanan.
At makita ko lamang ang kasagutan,
malasap lang ang angkin nitong tabáng.
'Di lang karagatan ang handa kong tawirin,
mga ilog na may buwaya rin, aking giliw.
Makita ko lang sa'yong mata ang saliw
at dampi ng aking nadaramang sakit.
Babaybayin ang buong bayan at isla,
bibilangin ko ang bawat mga tala.
Lilibutin ko ang kabundukan,
lilituhin ating kapalaran.
"Santa Cruz de Siqujor" trilogy, 1 of 3

— The End —