Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Vincent Liberato Oct 2018
Iniluwal ka sa sinapupunan,
Ngunit itinali't iginapos ka
Ng taliwas sa iyong mga kagustuhan
Ang iyong mga kaibigan
Ay lumisan na sa dalampasigan,
Ngunit ikaw ay pinagmamasdan mo lamang sila.
Nang isilang ka
Magulang mo lamang ang masaya sa'yo,
Ngunit 'di na nila naisip ang mga hangarin mo.
Ang bansag tuloy sa iyo ay: tao lamang.
'Di ngumingiti, 'di masaya
At higit sa lahat ay walang hangarin
Sa mismong kalooban.
102216 #PortBarton

Bata pa lang ako,
Pinagmamasdan na kita.
Sariwa sa kamusmusan,
Puno ng mga tanong na "bakit?"

Ba't ayaw **** magpakita?
Na kailangan Mo pang magtago sa mga ulap;
Na hindi ko maabang-abangan
Ang eksaktong pagsikat at paglubog Mo.

Ba't Mo ako sinusunog?
Na sa t'wing naglalakad ako,
Sinasaktan mo ang mga balat ko.
Na hindi ka nagsasabing
Magdala ako ng payong o kapote.

At ba't lagi mo akong ginigising?
Na hudyat ng pagbibilang ng panahon,
Na kailangan ko pang bumangon
At buhayin ang sarili't umahon.

---

Di Ko na kailangang magpasikat sayo
Pagkat hindi na lihim ang Liwanag Ko.
Ilang lugar na rin ang pinasuyod Ko sayo --
Sa Norte at Sur, buhay ang presesya Ko.
"Walang kupas at walang katulad,"
Yan ang sambit mo.

Ika'y Aking saksi;
Sa iba't ibang pagbunyag Ko ng Aking Sarili --
Sa iba't ibang katauhang may sari't sari ring kwento:
Silang simpleng manggagawang
Lakas ay Sa'kin ang paghugot.

Isabit Mo ang bawat larawan
Sa dingding **** Aking ipinagtitibay.
Nais Kong mailawan
Ang bawat madilim **** espayo.
Madilim man, nakikita Kita.

---

Ikaw ang Pag-asa;
At Sayo dumadaloy ang lahat.
Kakatok ang Iyong Sinag sa butas-butas kong mga haligi.

Pangako mo'y pasalubong
Kaya't ako'y sabik sa pagdating Mo.
Sasalubungin kita saking pagbangon
At bubuksan ang aking mga bintana,
Bilang pahiwatig
Na nais kong taglayin ang Ilaw Mo.

Bukas ang pintuan ko Sayo;
Ikandado Mo ako, tangan ang di papupunding Liwanag --
Yan ang pagpapasakop ko;
Saklawan Mo sanang ganap ang hain ko.

Gagayak ako sa Iyong saglit na pamamaalam
Na siyang susubok sa Ilaw na pinaiwan Mo sakin.
At may galak akong magsisindi sa bawat poste,
Ng gaserang may purong langis.
Iihipan ko ito sa aking pahinga,
At sadyang ang dilim
Ay tamang pansamantala lamang.

---
Tiyak ang oras mo
At singhaba ng araw ang pasensya mo.
Nagbabalik akong may hubad na sandalyas --
Marumi ako pero saking pag-uwi,
Dito rin pala ang paghuhugas.

Pinagmamasdan ko ang putik sa mga paa ko
Maging ang alikabok sa mga palad ko --
Pawang nakuha ko sa trabahong
Bansag saki'y tagautos.

Pansin ko, ang dumi-dumi ko pala;
Kailangan ko nang pagpagan ang sarili;
At pawang ang lahat pala'y
Di ko makikita nang wala Ka.
Ang pagbabalik ni Juan sa mumunting tahanan; at ang pagmulat ng Araw.
Wagas ang paglilingkod
Sa bayan niyang sinisinta.
Nagsilbing pananggalang
Ng mga sugatang paa.

Walang pag-iimbot
Na hatid ang bawat galaw.
Katapatan niya'y 'di matinag
Sa baluwarte niyang saklaw.

Siya ay anak-dalita
Kaya may puso sa maralita.
Hinirang dahil may bilang
At hindi lang puro salita.

Maaga man ang paglisan
Habambuhay magmamarka
Bansag na "Reyna ng Tsinelas"
Na kanyang naipinta.
Para sa pagkilala at pagalala kay Kagawad Manet Gonzales Buensuceso

#tsinelasqueen
kingjay Dec 2018
Sa kubo na giba-giba ay nagbuntong-hininga
Nakatigil ang tanaw sa museo ng damdamin
Sinasaliwan ang kaganapan
Umuugnay ang mga pangyayari

Mabini dumaan sa bangkete
Dali-dali na binigyan ng upuan
Lahing kayumanggi ay di-palatandaan
Tanyag sa bansag na "Pamilya ng Perlas ng Silangan"

Isalin ang buhay sa ibang anyo ngunit di ang nararamdaman
Diyosa ng kagandahan ang kahawig ng minamahal
Maigsi ang oras ng pag-ibig
Natutuliro nang walang hanggan

Nang una malapitan, pisngi ay naging krimson
Naasiwa tumingin sa mga mata
Kailan nagsimula ang pag-ibig?
Nais sana ito'y sambitlain

Gaya ng mayuming baro't saya,
Ang alindog ay mahirap iwasan
Hinibo ang isip pati kaluluwa
Nang wala na sasagip sa pagkaalipin ng kanyang kamunduhan
Jun Lit Aug 2020
Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?

May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.

Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.

Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.

At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —