Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Uanne Feb 2019
Gusto kong maglayag
sa lugar na kayang ipahayag
laman ng pusong lagalag.

Gusto kong abutin ang mga ulap,
lumutang sa alalapaap na parang nangangarap
hawakan ang mga butuin na parang mga alitaptap.

Gusto kong damhin patak ng ulan,
magpakabasa hanggang mahimasmasan
upang bumalik sa tamang kamalayan.

Gusto kong gumising isang araw
na may pag-asang tinatanaw
kakapit sa bukang-liwayway at di na bibitaw.
02.13.19
Umaasa na sana balang araw....
Uanne Feb 2019
Ikaw at ako
alam kong wala namang tayo.
Sino ba ang talo?
Hulaan natin kung sino.

Isip ko'y nalilito
ano ba ang gagawin ko?
Mananatili o lalayo?
Alam ko namang malabo.

Di na lang kikibo
Hahayaan na lang siguro
kahit di naman talaga sigurado
Kung magiging tayo.
Ikaw. Ako. Walang ikaw "at" ako.
02.12.19
Uanne Feb 2019
Takot ako sa katahimikan
na dati nama'y kayang sabayan.
Tara samahan akong kumanta at sumayaw,
sundan natin bawat alingawngaw.

Takot akong maiwan
na dati nama'y sanay na may lumilisan.
Tara samahan ako at hawakan aking kamay,
ako'y tanganan at sa aki'y umakbay.
02.11.19 8:11pm
Uanne Feb 2019
Umalis ng walang plano,
walang dala kundi ang puso.
Nagpadala nga ba sa uso?
pero saan ang tungo?

Bawat hakbang ng paa,
bawat kapos ng hininga,
ninanamnam para sa ikasisiya
pero saan ba ang tungo?

Ramdam ang pagod
kinailangan ng tumukod
ngunit hindi tatalikod.
pero saan ba talaga ang tungo?

Kung saan man patungo
yun ang hindi maituro
pero alam ng puso
na bawal ang sumuko.
Mt. Manalmon
Kinatha sa ilalim ng mga tala
02.04.19
Uanne Feb 2019
Minsan ako'y nanalangin,
diwa ko'y nag-aalanganin.
Di alam ang uunahin,
di alam ang sasambitin.

Gusto sanang alamin
ano bang plano sa akin?
Sana naman ako'y dinggin
at wag nang pagisipin.

Ang hirap kasing baybayin,
lalo na kung hihimayin.
Puso ko'y tila nakalambitin,
nakalutang sa hangin.

Pilit kong aalalahanin
mga bilin mo sa akin.
Mabigat man ang damdamin,
alam kong andyan ka para ako'y yapusin.
02.06.19
11:11pm

— The End —