Hawak-kamay, sabay na tinahak ang makinang na dalampasigan
Patuloy sa paghakbang at paghila sa animo'y hindi dumarampi sa buhanging mga talampakan
Mga palad na magkayakap, mga daliring magkaniig
Dalawang pares ng matang nakangiti na ayaw bumitiw sa pagtitig
Kasabay ng umaawit at mabining pagaspas ng alon
Sumakay sa bangka patungo sa paraiso'y masayang sumagwan
Subalit sa masayang paglalakbay ay may humulagpos na unos
Paligid ay nilamon ng dilim, dumaan sa langit ang kislap ng talim
Bangkang sabay na sinasagwan, tumaob at tinangay ng agos
Sa gitna ng laot, sabay ding nilamon ng dagat at sa ilalim bumulusok
Patuloy ang delubyong pilit na pinaghihiwalay ang magkahugpong na kamay
Pilit pa ring lumangoy at magkasamang sumampa sa bangkang gutay-gutay
Niyakap nang mahigpit ang kilalang bisig kahit nakapikit
Hindi man mapigil ang higanteng alon at malakas na buhos ng ulan
Nangangatal, nangangalay man ay hindi huminto sa pagsagwan
Muntik mang malunod sa sigalot na mainam na nakaungos
Kumalma ang dagat, natawid ng gabi ang umaga sa gitna ng digma at unos
Mula sa dalampasigan, sa laot at sa dulo ng mga puso
Mamamayani ang pag-ibig sa malawak at mapanghamong mundo
~ I hope to translate this piece to English.