Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
012717

Uso raw ang pilahan sa dilaw na hintayan. Aalis ako -- aalis nang panandalian. Hindi ako mamamahinga at oo, babalik at babalik ako sayo.

Ayokong maniwalang ito na ang huling sandali sa pinakasandaling pagkakataon ng una't huling pagpili. Kalilimutan ko muna ang kahapon at kasalukuyan at magsasabit ng bandila patungong kinabukasan -- paaalabin ang puso na may panalanging walang paghinto hanggang sa dulo ng pinakadulo'y pananampalataya'y di mabibigo.

Ikaw ang piyesang paulit-ulit na babasahin, ang tulang kakabisaduhin at kahit pa lumiko patungong Timog ang hanging mula Norte, sana'y sa pagbalik di'y ako'y iyong salubungin -- salubungin pagkat kakaiba ka -- iba ka sa kanila; oo, ibang-iba talaga.

Pansamantala -- ika'y di masisilayan ngunit mananatili sa bawat piyesa -- sa bawat piyesa kung saan tayo'y iisa. Tinig mo'y sapat na; tila nalalangoy na maging himpapawid; tila nalilipad na ang karagatan -- oo, parang hindi angkop, pero ganoon ang pag-ibig, minsa'y di mo wari kanyang pagsakop.

At oo, hindi kita bibitawan pagkat ang tayo'y nakatali -- nakatali sa sinulid ng ating pagmamahalan. Itago natin ang kanya-kanyang gunting pagkat ang ating antaya'y bukas na -- bukas at sa susunod na paggising.

(Agwat lang, antay lang -- hindi pa panahon)
Para sayo, magbabalik ako.
Tumambad sa akin ang rehas
Na may tuklap-tuklap na nakaraan,
Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw.
May mga banderitas ding panlayag
Siyang simbolo ng mainit na pagbati.

Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa
Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari.
Ang pagtatampisaw sa putikang
May sirit ng pagmamadali.
Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan
At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.

Sampung minuto raw
Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala
Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon
Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.

Nilalatag ko nang paulit-ulit
Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento
Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa
Buhat sa matatapang na mga matang
Hindi ko man lamang masuyo.

Nililingon ko sila sa aking paghihintay
Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan.
Malaya ko silang pagbubuksan,
Yayapusin ng buo kong pagkatao.

Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada
Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo.
Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag,
Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.

— The End —