Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
Random Guy Oct 2019
paalam
sa mga alaalang nagtagal
paalam
sa pagaakalang walang hanggan
paalam
sa natitirang pagaalangan
paalam
sa tawang aking nakasanayan
paalam
sa lungkot na sayo'y nasilayan
paalam
sa dinulot sayong karamdaman
na kahit kailan
ay hindi na kaya pang takpan
ng kahit ano pang
lunas o ng kahit itong ating paalam
Random Guy Oct 2019
ako
at ikaw
ay parang
araw
at buwan
di kailanman magtatagpo
ng madalas
ngunit sana
malaman ****
kahit ang araw at buwan
ay minsan ding nagtagpo
duyog
at habang buhay kong maaalala
ang minsang pagdampi
ng aking kamay sayo
ng ulo mo sa balikat ko
matakpan man
ng liwanag ang dilim
o ng dilim ang liwanag
hindi kailanman maalis sa aking alaala
ang duyog nating dalawa
Random Guy Oct 2019
kay dami nang salita
letra
pasadya
na ang paksa ay tadhana
kung paanong sinira
binuo ulit
at sinira
ngunit binuo ulit
nito ang aking buhay
parang isang laro
na walang nakakaintindi ng panuntunan
o meron nga ba
parang isang lugar na puro ulan
o puro init
walang katamtaman
dahil hindi nito alam ang salitang katamtaman
ang alam lang nito
ay pagtagpuin ang mga taong hindi naman pala para sa isa't isa
o pagtagpuin sa maling lugar
maling oras
maling pangyayari
maling edad
maling sitwasyon
dahil hindi nito alam ang salitang katamtaman
ang alam nito ay katindihan
tindi sa nagmamahalang magkaiba ng relihiyon
tindi sa nagmamahalang di mabigyan ng pagkakataon
tindi sa nagmamahalang nasayang ang ilang taon
tindi sa nagmamahalang bata pa noon
tindi sa nagmamahalang di pa alam ang ganitong sitwasyon
dahil ang tadhana ay hindi alam ang salitang katamtaman
dahil kung alam nya
edi sana walang nasayang na mga sana
rant lang
Random Guy Oct 2019
online ka
online ako
buong araw ba ulit nating
tititigan ang kulay berdeng bilog
na para bang tayo'y mga sasasakyan
sa harap ng berde ring semaforo
dapat ay umusad
ngunit nakahinto
nagaabang sa pangamba ng banggaan
dahil
online ka
online ako
ngunit wala tayong ginagawa
Brian Sy Oct 2019
mga tao sa kasalukuyan
mga dayukdok sa kapayapaan
pagkat bitbit sa kung saan ang paroroonan
hatid na bigat ng ating kapaligiran

oo, patuloy ang progreso
nating mga tao
taon-taon may mga bagong
mapangusad na mga plano
unti-unting nasasagot
mga sigaw ng pagbabago

...kahit papano
kahit gaano
ito katagal
lahat ng baraha
para dito'y handang isugal
pagkat lahat ng mga
dumadaan na pagsusulit
ang bawat paglagpas at wakas
nama'y lubos ito na sulit

sa ginagalawang mundo na abala
sa munting paglabas,
di na maiwasan ang pagalala
bawat pilak parehong pang-hulma
at resulta para sa mga gyera
marami namang mas makahulugan pa
upang igasta bilyon-bilyon na mga pera

panloob na kapayapaan
sa paghanap nito'y
isang paghahanap sa karagatan
lumulutang lamang ay katanungan
kung ito'y katotohanan
o isang kasinungalingan

makakamit ba hangga't may natatapakan
o madadama lamang ba
pag tanaw mo na tanaw ng kalangitan
o habang sa paglalakbay ba matututunan kung papano hulihin ang nasusulyap panandalian

sumisikip, napupuno mga kulungan
sumasagitsit ang mga bulong-bulungan
kaysa sa tulungan, pinagtutulong-tulungan
humihinga pa aking paniniwala
sating patutunguhan, wala pa tayo sa kalahati
sa nagmamasid sa itaas, aking tiwala
pagkat hindi pa ito ating wakas

patuloy mabubuhay ang pagasa
hangga't may nabubuhay na umaasa
simulan sa sarili, wag sa iba i-asa
pagmamahal sa sarili't sa iba'y ipasa

di kahinaan ang pagtakas
minsa'y kinakailangan
din nating maghilom, kumalas
sa mapangwasak na mundo,
patunayang ika'y mas malakas
hindi upang ipakita'y pagkamanhid
kundi magkaroon ng sapat na lakas
upang kayanin pang hatakin
sarili't ibang tao pataas
Random Guy Oct 2019
isang linggo na
mula noong una
mo akong kausapin ulit
makalipas ang walong taon
kamusta
ano na
tanda mo pa ba
saya
sakit
lungkot
palitan ng alaala
na tila ba nakalimutan na
pero hindi pa pala
dahil sa likod ng mga nakwentong pangyayari
ay kabisado pa ang bawat detalye
at ngayon
isang linggo na
mula noong una
mo akong kausapin ulit
makalipas ang walong taon
at ang mas nakapagtataka
at ang mas nagpapasakit sa puso kong masakit na
ay kung paanong tila mas mabagal ang oras
ng isang linggo
kaysa sa walong taon
Random Guy Oct 2019
ganon siguro talaga
maaring may malimutan kang mga pangyayari
ngunit hindi ang maliliit na detalye

kulay ng bimpo
amoy ng pabango
kung paanong ang kamay mo'y pumulupot sa kamay ko
tulo ng luha mo
takot sa mata mo
mga ngiting minahal ko
boses mo
at matatamis na mga yakap mo

na bumubuo ng isang malaking pangyayari sa buhay ko
ngayon
na kada pikit
may sakit
bawat sambit ng pangalan mo
ay may kakabit na pagkasawi

dahil ang mga maliliit na detalyeng ito
ay nakatago sa isipan
naka ukit sa puso
dumadaloy sa dugo
at hindi kailanman maalis
kahit pa gaano ka liit ang mga detalye
Random Guy Oct 2019
ikaw ang ulan
at ako ang hamak na daanan
kahit gaano katagal
o kahit gaano kabigat ang dala mo'y sa akin ka pa din hihimlay
babagsak
at mahuhulog ka pa din sa akin
pupunan ang mala tagtuyot na panahon
iaahon sa init ng mga sitwasyon
at ngayon
sa muli **** pagbagsak
ay tandaang sasaluhin ka dahil ikaw ay ulan
at ako ang hamak na daanan
na kahit hindi man pareho ang pinagmulan
ay paulit-ulit na sa akin ka hihimlay
babagsak at hihimlay
babagsak at walang hanggan na pagmamahalan.
Random Guy Oct 2019
mas ayos na rin pa lang uminom ng malamig na kape

hindi mag-aalala na mawawala ang init
dahil hindi nga mainit.
magtataka ka lang sa hindi magandang lasa
sa pagkatunaw ng yelo.
nagpapakita na lahat ng bagay na napapabayaan ay hindi maganda ang lasa
parang tayong dalawa
nakalimutan na kailangan pala
habang mainit ay damhin
o wag hayaang matunaw ang damdamin.
Next page