Balanseng pakikibaka,
Ito ang araw araw na ipinamulat sa akin
Ng pang araw araw ko ding pagtira
Sa mundong hindi naman timbang ang hustisya
Magkabilang panig na inaasahan ng lahat
Na sana'y magpantay ang timbangan
Ngunit ang katotohanan?
Likas nang mas mabigat ang kabila
Kaysa sa nasa kabila.
Lahat daw ay pantay pantay
Sabi ng matandang kasabihan
Ngunit para sa akin?
‘Yan ay isang malaking kalokohan
Wala pa namang naging malinaw na paliwanag
Sa uugod-ugod na paniniwalang iyan
Nakakapagod pantayin ang mga bagay-bagay.
Sa kadahilanang hindi naman pantay pantay ang layunin ng bawat nilalang
Sa lipunang,
Kailanma'y hindi na magiging patas
Sa mundong,
Kailanma'y hindi na bababa ang mga nawili na sa itaas,
Sa daigdig,
Na ang nasa ilalim ay lalo pang nadidiin
Paano pang mag-aabot ang langit at lupa
Kung mananatiling bakante ang gitna
Kung ang biktima ay lalong inaakusahan
At ang may sala ay patuloy na hinahangaan
O lupa kong hirang, o Inang kong Bayan
Tayo ba’y ang mga walang kapaguran panaginip?
Hanggang kailan tayo maaaring maidlip?
Tayo ba’y ang mga hindi natutulog na batis?
Hanggang saan tayo padadaluyin ng mga agos ng hinagpis?
Tayo ba'y ang mga sigaw
Sa kwebang walang alingawngaw?
Hanggang kailan tayo magtitiis
Sa 'di makatarungang ''Mga Bulong ng Hapis''.
© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.