Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Nov 2019
inaantok ako
sa tunog ng printer
kung paanong ang mga ngipin nito
ay kumikiskis sa papel
na tila ba kinakagat ito
ngunit hindi ganoon kasakit
may halong harot sa pagitan nila
landian ng mga bagay

inaantok ako sa tunog ng maraming papel
bulto bultong pinapantay
at iniuuntog sa mesa
na tila ba'y naghahalinghingan
na dulot ng pagtatalik
may halong harot sa pagitan ng mga ito
landian ng mga bagay

inaantok ako sa paglagapak
ng stapler sa sahig
na tila ba'y unang pagkikita
bugso ng damdamin sa muling pagsasama
may halong harot sa pagitan nila
landian ng mga bagay

inaantok ako sa walang humpay
na pagbukas ng pinto
ang sayaw na nagmumula sa kahoy na ito
tila ba'y sinasayawan ang lahat
at kinukumbinsi na umuwi na tayo
may halong harot sa pagitan nito
landian ng mga bagay

inaantok na ko
office *****
Apatnapu't limang minuto makalipas ang alas-dose. Umaga na naman -- umaga na naman pipikit ang mga mata kong kasingbigat na ng ulap na napuno ng tubig mula sa lupa at dagat. Mapungay at napapaluha dulot ng pasakit na hatid ng walang sawang sulatin, babasahin, at kung anu-ano pang mga dapat tapusin.

Mga labi kong medyo nakabuka na marahil akala nila'y tapos na ang lahat ng gawain kaya namamahinga. At muli silang sasara, kasingbilis ng motorsiklong humaharurot sa labasan na parang nakikipagkarera, kapag naiisip na malayo pa ako sa pagtuldok sa katapusan.

Tumatabingi na ang mundo. Ay, mali, ulo ko lang pala na napapahiga na sa aking kanang balikat tila may sariling isip at ginugusto nang humiga sa kama -- akala niya rin siguro'y matatapos na sa pagsusulat at pagbabasa ngunit sadyang nagkakamali siya.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na ginagawa ng aking mga daliri na kay bagal nang bumaba para pindutin ang mga letra sa aking kompyuter. Suko na raw sila at nasasabik na silang muling mayakap ang malalambot na unan na nag-aantay sa kanila.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na lang ng pagbagsak ng aking mga daliri sa bawat letra ng aking laptop ang pumapasok sa aking utak. Ilang minuto na nakatitig sa iisang pahina...

Sa iisang talata...
Sa iisang pangungusap...
Sa iisang letra...

Blag!
Kasi nga antok na ako.

— The End —