Parang ang lahat ng ilaw ay may kakumpitensya. Habang ang lahat ng nagliliwanag At kumikinang sa gabing mahiwaga’y Nagtatagisan kung sino ba ang pinaka-nakasisilaw – Kung sino ang pinakamaganda.
Ni isa sa kanila'y ayaw matabunan, Ni ayaw nilang sila'y mahigitan Kaya naman maging sa kanilang pagtulog, Ay dinadalaw pa rin sila ng kani-kanilang kagustuhan.
Ni hindi makahimbing ang mga alitaptap Na nagpapalamon sa nanunuksong alab. At tila ba walang katapusan ang paglikha Pagkat sa pagsapit ng panibagong umaga'y Iba na naman ang isasabit At magpapakitang gilas ng kanyang ningning.
Ngunit ang lahat sa kanila’y May mga aninong umaakap patungo sa dilim. Nagtatago sa lilim ng kani-kanilang lihim, Walang mukhang maiguhit Kundi tanging pangalang minsang naiukit Upang panandaliang magbigay-kulay at magbigay-buhay.
At sabay-sabay silang manghihina; Maghihikahos na daig pa ang nanlilimos ng lakas – Ng liwanag, ng kasiguraduhang maari pa silang bumangon. At mahahandugan pa ng pangalawang pagkakataon.
Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, Ay kusang mamamatay ang kanilang mga apoy Na minsang sinindihan ngunit niyurakan Ng sarili nilang mga apoy.