Nauuna pa tayo sa mga alitaptap Sa paggayak patungo sa dilim, At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop Ang ating mga paang napuno na ng alikabok Para lamang mag-“indian sit.”
Ang ating mga halakhaka’y Nagmistulang musikang humihele Sa pandinig ng ating mga magulang At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.
Tunay ngang payak ang ating pamumuhay — Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya, Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”
Nais sana nating hindi kumurap Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy. At ito ang liwanag na aasahan nating Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim At magkukulob sa nasasakupan Ng sinag ng ating mga paningin.
Hindi na natin alintana Ang init na dumarampi sa ating mga balat At tayo’y mapupuno ng pagkamangha Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga — Mahiwaga sa ating mga matang Walang ibang nais kundi magliwanag na.
Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas, Maging ang mga dahong kumukupas Sa paghimlay nito sa ating mga paanan. Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim; At panahon din ang susukli Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.