Ang bawat salitang bibitawa’y Mistulang mga butil ng ulan. Dahan-dahang tutuksuhin ang damdaming Hindi mawari kung saan nga ba lulugar.
At unti-unting magtatago at maglalaho, Gaya ng mga imahe sa panaginip Na minsa’y nagigising na lamang -- Kupas na ang mga alaala.
Naglaho at nagbago, Tulad ng gabing mapanlinlang. Tulad ng pag-aalinlangan Kung bubuhos na ba ang unang patak ng ulan O mananatili’t makapaghihintay Kung sino ang taya; kung sino ang handa na.
Hindi ko lubos maisip Na ang tadhana pala ay may katapusan, At ito’y matagal nang dumaong Sa kawalan ng tiwala.
At gaya ng mapanuksong dahong Sumasalo sa luha ng langit, Siya rin pala'y bibigay at mapapagod -- Mapapagod at lilihis hanggang pangako'y mapako.
Naubusan ang bawat katauhan Ng sandatang mas masakit pa sa ligaw na bala. Hindi na rin nila naggawang humanap ng paraan Para likumin ang minsang mga butil Na ngayo'y karagatan na.
Naubusan na rin ng mga salitang maibibigkas Pero minsan din naman nilang sinambit, Na “ako’y handa na." Nagtuturuan at nagtutulakan, Kung sino ba ang may sala. Ang rosas na alaala, ngayo'y tinik na sinusuka.
Humahampas ang agos ng nakaraan Sa mga pusong nanamlay habang naghihintay. Marahil, napagod nga sila O talagang naubos na ang alas Sa kani-kanilang mga baraha.
Naulit nga lang ba ang nakaraan? O ito ang katapusan ng kanilang sumpaan? Pagkat minsan na ring nalumbay Buhat sa distansyang pumagitan sa kanila Ngunit sa pagitan ng “oo” at “hindi,” Hindi na nila nagawang sumabay.
Ang bigat na kargo ng isa’y Hindi na kinayang pasanin ng isa pa. At sa sabay na pagtalikod Ay namutawi ang poot at tampo.
Hanggang sa dulo ng sinasabi nilang “simula” Ay naging hangganan na. At naputol ang pulang lasong itinali nang sabay. Sabay nga silang nangarap, Ngunit sabay din silang naubos.