Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2019
Napa-ibig ako sa aking kinakaibigan.
Sa una siguro’y ang pakiramdam ay magaan.
Nagkakilala ng basta-basta, walang dahilan.
Siguro dahil na rin sa  mabuting kapalaran.

Isang araw’y nalaman ko,
Magkapit-bahay lang pala kami.
Lalong nagkalapit ang puso’t damdamin.
Makalipas ang isang taon ng pagkikilala,
Sa dami ng tambay, kain, at gala,
Sa problema ng tropa o kaya’t sa pamilya,
Sa ngiti at ngisi sa bawa’t asaran,
Sa halip na ika’y may pagkasira,
Sa iyong puso na palaging hinihiwa,

Naroon ako sa iyong tabi,
Unti-unting napapangiti,
Napapamahal,
Nahuhulog ang dibdib,
Sa iyong pagkatao’t diwa.

Naaalala ko pa noong ika-siyam ng Mayo,
Bago matapos ang taon ng pag-aaral,
Sa isang buwan magkakahiwalayan na,
Magkokolehiyo na’t iiwan ang mga pinagdaanan.
Umiyak ka sakin habang nakain pa ng pakwan.
Na natatakot lang magsimula ulit,
Na makaranas ng bagong landas,
Na magbago, at maging kung sino man.
Na mahal mo ang iyong mga kaibigan,
Na ayaw mo silang iwanan.

Sinabi ko sayo,
Ika’y minamahal,
Ika’y itinatangi.
Ngunit hindi ko masabi,
Na ako ang magmamahal,
Ako ang magtatangi sa’yo.
Kaya ako’y gumawa ng katwiran,
Na kaming mga kaibigan mo,
Ay naririto lamang.

Ang pag-ibig ay parang nota,
Sa musika ng tadhana,
Sa teatro ng buhay.
Ito’y maligaya,
Upang hikayatin,
Ang ating puso na makinig.
Ngunit hindi kang saya ang ipinaparating.
Kundi’ hirap, lungkot, at paghihinagpis.

Parang emosyonal na gitara,
Na minsan nasisira,
Napuputol ang kwerdas,
Nasasaktan ang kamay,
Nalulumbay sa tono,
Habang humihiyaw,
Kumakanta ng buong puso,
Para sa ating mga sinta.

Dumating ang Agosto,
Miyerkules ng unang linggo,
Sa ika-beintidos ko nalaman,
Na galing pa sa iyong dila,
Na ako’y huli na sa paligsahan,
Na mayroon ng nanalo sa laban.
Ang puso mo’y nasagip na ng iba,
Ika’y nagkwento ng matagal-tagal.
Ang ningning sa iyong mata’y,
Parang ilaw sa entablado,
Nakikita ko ang mga sumasayaw,
Ligaya ang aking nararamdaman,
Habang ang aktor ay ako,
Na iyong tinitigan ng husto.
Pinipilit makinig nang maigi,
Sa kwentong busilak ng pag-ibig.

Ngunit pagkatapos ng kwento,
Naiwan akong mag-isa.
Sumigaw ng wala sa tono,
Sa kanta na puro hiyaw.
Hindi ko inakala,
Na ang kanta ko’y ganito,
Naisulat na ang mga nota,
Ngunit bakit masakit sa tenga?
Sa simula ng ika’y makita,
Nagsimula na ang tugtog.
Ngunit hindi ikaw ang aking kasayaw,
Hindi rin naiwasang mahulog.
Kahit pigilan ko man ang sarili,
Ako’y nahatak ng iyong tunog.
Magaling ka sumagaw,
Kwento mo’y ako’y napaikot.

Napapaisip ako,
Anong nangyari,
Bakit natapos,
Ang ating kanta.
Ng wala man lang paalam.
Ika’y bumula.
Nawala sa aking buhay.
Na para bang multo.
Hindi ko malapitan,
Mahawakan,
Matawag,
Ni mabanggit ang iyong pangalan.
Nawala ang ating teatro,
Nagkahiwalagan ang magkaibigan,
Ang direktor ay lumisan,
Upang maiwasan ang drama.

Napapaisip ako ngayon,
Bakit ikaw pa rin sa ngayon!
Ikaw na multo ng nakaraan,
Ang aking minamahal hanggang ngayon.
A Filipino poem about this girl I became close friends with. Originally a spoken word poetry for other purposes. I decided to post it here because, why not. I’m still in love with her up to this day. Well, it’s only been six months so this will be a long painful process.
Written by
Cedric  24/M/General Trias, Cavite, PH
(24/M/General Trias, Cavite, PH)   
53.2k
 
Please log in to view and add comments on poems