Kay dami nang hindi mo katulad ang sinarahan ko ng pinto Hindi labag sa aking kalooban na mag papasok kung sino-sino Para mag kalat, mang gulo, at bantayan ang mahalagang bagay sa akin Dahil alam ko na ikaw ang tahanan ko At nakalaan to para sayo
Ikaw ang banyo na binabalik balikan ko na parang balisawsaw ako
Ang kusina na nagsilbing lugar, para iluto ko ang putahe na mas matamis pa sa mga ngiti mo
Ang silid kainan, kung saan lahat ng gusto mo ay inihain, dulot ng pagmamahal ko
Ang sala, kung saan ang tinig ng halakhak at tawanan ay maingat na tinatabunan ang pintig ng puso,
Ang aparador, kung saan nakatago lahat ng liham na dapat basahin mo
At ang kwarto, kung saan bumubuhos ang luha, na naging takbuhan ko tuwing nalulungkot ako,
Sabay mahigpit na yakap sa unan nang hindi ako bitawan nito
Ikaw ang susi para mabuo ang tahanan ko, Isang katok lang ang tunog na gusto kong marinig galing sayo Kung pwede lang tanggalin ang pinto na nakaharang dito Ito'y gagawin ko
Isang sulyap lang kahit may harang na matataas na bakuran na nakapaligid sakin ay masaya na ako Ipaalam mo lang na hinahanap ako ng mga mata mo dahil para sayo ito
Gusto ko nang ipaalam sayo, Ang mga lihim, na wala nang espasyo para ipaglagyan pa Gusto ko nang ipaalam sayo, Na ikaw ang gusto ko, sya lang ang kailangan ko Gusto ko nang ipaalam sayo, Na tunay kang mahal nito
At sana'y alam mo ang lihim ko, Na gusto kong ako ang maging tahanan ng puso mo