Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2015
110315

Binilang ko ang rosas na akala ko'y
Nagpaalam na buhat sa maagang pagkalanta nito.
Akala ko'y pag namukadkad uli'y limot na ang dati,
Pero tila nagkakamali pala ako
Sa paghimay-himay ng pahiwatig.

Hindi ako manhid
Pagkat ramdam ko pa rin ang tinik
Sa paghawak sa ubod ng rosas.
Pero iniinda ko ang sakit
Pagkat ganoon naman talaga,
Nilikha siyang may tinik bilang proteksyon niya.

Pag pinagmamasdan ko ito,
Alam kong hanggang tingin lang ako.
Pagkat pag pinitas ko'y agaran na naman itong malalanta,
Hindi ko naman maiuuwi ang kariktan nito.
Mas kaakit-akit kasi siyang tingnan
Pag kasama ang mga katulad niya.
Muli, hanggang titig na lang,
Ganoon rin ang paggalang ko sa kanyang Hardinero.

Alam ko ring iba ang tipong klima nito,
Medyo sensitibo kahit na
Di ko naman papalitan ang kinagisnang lupa.
Hindi ko naman siya bubunutin nang basta-basta't
Aangkinin kahit may ibang nag-aari sa kanya.
Sa katunayan, laging nais ko siyang masilayan,
Kahit na alam kong iiwan niya rin ako
Sa dapithapon o kaya kinabukasan o sa makalawa.

Pag kinunan ko siya ng larawan,
Kaya ko siyang titigang muli,
Alaala na lamang sa iisang papel ang aming sandali.
Pagkat pag muling babalikan ang pasong nagkalinga,
Iyan, wala na puros dahon na lamang,
Maghihintay na naman sa tamang panahon
Nang muli ko siyang masilayan.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems