Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Jan 2014
Hindi ba umaabot sa langit
Ang mga panalangin
Na binubulong ko sa hangin?
Masyado ba Kayong
Malayo
Para makita
Ang mukha kong
Nalulunod sa luha?

Habang Kayo ay
Walang imik, walang kibo
Ako ay napupuno
Ng mga problemang walang solusyon
Ng mga tanong na walang sagot.

Pero sa aking pagsapit
Sa kailaliman, kadiliman
Doon ko lang natanto
Ang dahilan kung bakit
Ako'y tila inyong
Tinaguan, tinalikuran

Dahil sa inyong
Nakakabinging katahimikan
Ako ay nagising
Sa aking napakahabang idlip
Kung saan nilamon ako
Ng aking mga
Makasariling panaginip.
Namulat ang mga
Nagbubulag-bulagang kong
Mga mata sa
Katotohanan, kalayaan
Na nasa harapan
Ko lang pala.

Doon ko rin lang naalala
Na mahal Niyo pala ako
At walang ibang tunay na ligaya
Kundi mahalin din Kita
At tsaka,
Natuto na akong
Maghintay ng may
Karunungan at
Umindak sa sayawan
Sa kabila ng Inyong
**Nakakabinging katahimikan.
It feels great to be back after a long writing hiatus.
Jeremiah Ramos Aug 2016
Ang posporo ay isang entabladong ginawa para masira,
Para magbigay ng panandaliang liwanag,
Para sayawan at indakan ng apoy,
At sa huli,
Lilisanin din ito,
Iiwan ang sunog at durog na entabladong isang beses niya lang sinayawan.

Tayo ay dalawang taong ginawa at itinakda ng tadhana para maintindihan natin ang pag-ibig,
Ginawa tayo para masira at maging buo muli,
Para sumayaw at umindak sa bawat kantang maririnig natin sa radyo,
Pinilas at tinapon natin ang huling yugto sa storya natin.
At lahat ng 'to,
ay isang posporong nasindihan na at nadurog,
nagngangalang sana

Eto ang posporong nagngangalang tayo
Sinindihan ito ng tadhana,
Nagliyab tayong dalawa sa kabila ng gabing malamig
Hindi nawala ang indayog ng apoy na pilit hinihipan ng hangin,
Patuloy na nagliliyab, kinakain ang kabuoan ng posporo
Hanggang sa nawala,
Hanggang sa napagtanto ko na ako pala ang posporong sinayawan mo.

Ako ang posporong hangarin ang masayawan ng apoy **** mapangsindak,
At ayaw maubos ng iyong liyab,
Ako ang entabladong pwede **** sayawan nang walang hanggan,
Sana'y hindi ka umalis nang natapos pa lamang ang isang kanta,
Ngunit
Nawala ka
Umalis,
Iniwan ang sunog at durog kong entablado

Ikaw ang apoy na pumuno at umubos sa akin,
Ako ang posporong nagsisilbing patunay ng ating munting sandali
Pinilit kong hanapin muli ang alab mo,
Ngunit napagtanto
Aanhin mo pa ang nasindihan na posporo?

Hanggang ngayon,
Hindi ko pa rin mawari na sa buong akala ko
Sabay nating pinilas ang huling yugto ng storyang sinulat natin,
Ngunit pagkatapos ng lahat,
Tinago mo pala 'to at idinikit muli sa kwento nating dalawa.
Enero Kinse, Dos mil Kinse
Sa Villamor umindak daan-daang estudyante
Paglapag ng eroplanong Sri Lankan
Mga sasalubong naghiyawan
Pagbukas ng pintuan ng sasakyang lumilipad
Skull cap ng Santo Papa ay nilipad
Pagpanaog sa hagdan ng eroplano
Sinalubong ng mga sundalo at ng Pangulo
Pinatugtog himno ng ating bansa
Ganundin ang himno ng Vatican sa Roma
Dalawang batang ulila sa kanya sumalubong
Matamis na pagbati sa kanya ibinulong
Sa Pope Mobile na walang panangga sumakay
Ang Supremo ng Simbahan todo ngiti at kaway
Kahit gabi na kayraming tao bawat daanan
Hanggang sa Apostolic Nunciature na pagpapahingahan.

-01/16/2015
(Dumarao)
*Pope Francis Fever Collection
My Poem No. 316
Joshua Feb 2019
Nilalamig at nangangatog.
Naghihintay na tila ba maaga pa.
Alas dos na ng umaga,
Pero ito ako,
Nagbabakasaling darating ka pa.

Sabik na makita ang labi ****
binabalot ng ngiti,
At mga mata **** animo'y bituin
sa kalawakan.
Inagahan pumunta sa tagpuan
upang mapaghandaan,
Nakapagdasal na rin ako na
Sana damit ko'y iyong magustuhan.

Isang oras ang lumipas,
Gahol na gahol pa akong kumaripas
Makabili lang ng mapupulang rosas
Na ikakalat sa lamesang aking hahainan.

Handa na rin ang bulaklak
na ipinasadya sa murang halaga.
Nasinghot ko na nga lahat ng amoy,
Pero mahal, wala ka pa.

Naalala ko pa nga kung paanong
Nabigyan ko ng problema si mama
Kakahanap ng magandang tela
Na ilalatag ko para maupuan nating dalawa.
Ito na nga, handa na.
Nahiga, naupo, tumihaya.
Lahat na ata ng posisyon nagawa ko na,
Kaya mahal, nasan ka na ba?

Lumamig na rin ang niluto kong putahe.
Nawalan na rin ng lasa ang tinimpla
kong inumin kakalagay ng yelo
Para mapanatili ang lamig niya.

Handa na rin ang musika.
Handa nang umindak ang parehong kaliwa kong paa.
Nananabik nang maisayaw ka sa unang pagkakataon,
Sa loob ng pagsasama natin ng mahabang panahon.

Tila'y nagsasabi na rin na paparating ka na
Ang mga ilaw na aking palamuting hinanda,
Sa bawat pikit nila'y pag-asa kong
Yapak mo ay papalapit na.

Nilalamig at nangangatog.
Naghihintay na tila ba maaga pa.
Alas dos na ng umaga,
Pero ito ako,
Kakabasa lang ng mga text nilang,
"Wala na sya."

Nakatanga. Nakatulala.
Hawak ang bulaklak na ipinasadya.
Bumuhos ang mga luhang nawalan ng pagasang,
Darating ka pa..
A spoken word poetry.

— The End —