Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
JOJO C PINCA Nov 2017
Walang eksaktong kahulugan ang buhay, ang buhay ay buhay ganun lang kasimple yun, walang itong drama at lalong hindi kumplikado. Masdan ang galaw ng kalikasan. Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog ito pag hapon na. Ang buwan ganun din sumisinag ito sa pagsapit ng gabi at nagkukubli pagdating ng bukang-liwayway. Ganito rin ang mga bituin, lahat sila kumikilos nang ayon sa kanilang galaw at katalagahan. Kumbaga sa musika rock sila pero simple lang. Kalmante lang ang dagat pero minsan maligalig din s’ya kung kinakailangan. At ang hangin walang humpay sa kanyang pag-ihip.

Walang kahulugan ang buhay sapagkat tayo ang gumagawa ng kahulugan ng sarili nating buhay; tayo ang lumilikha ng sarili nating kasaysayan. Tayo ang pumipili ng sarili nating kahulugan. Doktor ka ba? Manggamot ka nang buong husay, sagipin mo ang maraming buhay. Sundalo ka ba? Makipaglaban ka nang buong giting, ialay mo ang buhay mo para sa bayan. Nagsusulat ka ba? Magsulat ka nang buong puso nang magliwanag ang isipan na malabo. Kung ano man ang napili mo’ng gawin, gawin mo ito nang buong galing. Kung umiibig ka naman, umibig ka nang buong tapat at iaalay mo sa iyong sinta ang lahat. Maging mabuti ka sa kanya, mahalin mo s’ya nang higit sa lahat.  

Walang kahulugan ang buhay, ‘wag mo itong hanapin sa relihiyon dahil wala ito roon. Panay kaulolan lang ang matutuhan mo sa mga nagbabanal-banalan at nag-aaring ganap, na kung umasta at magsalita akala mo ay kahuntahan nila ang Diyos. Wala rin ito sa pamahalaan at mga lingkod bayan kuno, lalong wala ito sa dami ng yaman.

Walang kahulugan ang buhay tulad sa isang tapayan na walang laman kailangan mo itong sidlan. Hindi bukas kundi ngayon ang panahon ng pagsalok ng kaalaman at karanasan kaya ‘wag mo itong sayangin. Walang kahulugan ang buhay ‘pagkat ang buhay ay isang kawalan na kailangan mo’ng punuan. Tulad ito sa blankong papel na kailangan mo’ng sulatan. Isang hiwaga na kailangan ikaw ang tumuklas. Walang kahulugan ang buhay basahin mo man ang lahat ng aklat at kahit pakinggan mo pa ang lahat ng talumpati sa mundo hindi mo ito makikita.

Walang kahulugan ang buhay ‘wag **** pagurin ang sarili mo sa paghahanap nito. Ang kahulugan ng buhay ay nand’yan sa loob ng puso mo. Kung saan ka maligaya naroon din ito. Aanhin mo ang maraming diploma at pagkilala kung hindi ka naman masaya? Ano’ng saysay ng mga palakpak kung huhupa rin pala ang mga ito? Hindi mo makikita ang kahulugan ng buhay sapagkat kailangan na ikaw mismo ang gumawa nito.
Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
solEmn oaSis Jun 2017
Tatlong Bituin at Isang Araw
Isang Bandila, Apat na Kulay
Dilaw Pula't Bughaw, Puting Dalisay
muling nagugunita sa aking balintataw!
Nasaan ka na nga ba?
tanong namin minsan ni kuya
habang sa amin si Bunso
iniaabot ang papel na piraso.
Nakatupi iyon at aking binuklat
nang masilayan ko...katotohana'y sumiwalat.
Damdamin ko'y halos gustong sumambulat
sumandaling napapikit, sa aking pagmulat
agad ko siyang hinagka't niyakap
tumulo ang luha, sarili'y hinagilap
hanggang matanto sa aking hinagap
Bunso kong Anak... Ina'y INAAPUHAP
Ang kanyang mga mata'y nangungusap
huwag malungkot! ibig kong ipakiusap
unti-unti ring matutupad mga pangarap
waring singsing...hinugis ng alapaap

Kahit walang ulan, posibleng magkabahag-hari
Hangga't may pag-asa, lumbay mapapawi
balang-araw mommy ninyo siguradong babawi
makakapiling din na parang buhawi
kasi di tayo gaya dati
dapat Apat tulad nitong  Talumpati
Kaso ang nailapat ay Labis
pagkat panulat ko di Lapis
Limang salita sa Bawat Taludturan
sa mga saknong sana'y matutunan

Kulang man kayo sa Pagmamahal
tayo'y Family Three na Literal
ako man ay naging Hangal
Mga Anak Kayo'y Aking Dangal
MAHAL KO KAYO! inyong tandaan
pagkat ako'y Haligi ng Tahanan
magmula pa sa inyong kamusmosan
hanggang Mahalin ang INANG BAYAN !!!

Philippines Independence Day June 12, 1898 - 2017
Ang Pamilya ang matibay na Pundasyon ng Lipunan.
Lipunan na may Pagkakaisa upang bumuo ng Malayang Gobyerno
Gobyernong magpa-HANGGANG NGAYON hangad at Ipinagbubunyi ang Araw ng Kasarinlan!
Na siya rin namang Araw ng Kalayaan!
" i Love You Daddy " that was what is written on a piece of paper my daughter Mimi gave to me!!!
and i am so touch!

Some people believe that the families generally like a beautiful box full of things they want: love, joy, companionship and other beautiful things;
But other times the word " family "
-can compare more likely into an empty box!!!
we must first put something inside it before we could get anything unto it.
Being a single Parent i realized that if we want love and joy...
we must raise affection, service and encouragement within to fulfill whatever emptiness ! and the release of more than we put in the box can make it  vacant!
solEmn oaSis Nov 2015
muli sa inyong harapan,walang kiyeme.Ako'y may luha ng galak  na sumasainyo
pigil hininga sa mga katotong bantayog na nakakasalamuha ko
halos hikahos kong kinu-kuyumos yaring mga mata ko na wala pang hilamos
pagkat sa tulad kong aba' ,kada rima ay sadya talagang mana nga o para sa tao etong aking paghangos!

isang nilalang na ang kara ay tila ba mapalad na albularyo
na di man lang kapara ng doktor na malawak ang bokabularyo
kaya't halina at ating paigtingin ang naturang tula at talumpati
sa tamang panahon at termino ng huwarang tupa at puting kalapati

ehem,,ayon daw sa isang bokasyon
dapat raw eh mag-bukas 'yon
Oo."ang hawla na seremonya sa KASAL
at tanging tali lamang ang may SAKAL

LAKAS sa paghila,manapa nama'y banayad
AKLAS man ang reaksiyon ng pagaspas sa paglipad
magsisitingala ay LAKSA hanggang ang pares ay magsidapo
mapapahangang gaya sa SAKLA.,tagos agad walang kahapo-hapo

edi wow aww aww...kahol ng bantay-bombang ASKAL
habang nababakas ang kasiyahan ng kapwa magpupulot-gata at ng mga saksing sabik sa sabaw
kapagdaka'y palakpakan naman ang siyang sa paligid ay pumaimbabaw
LASAK man na sa paningin ang pulang alpombra,hinde naman matatawaran mga alaalang duon ay naihalal!
to be continue......
na para bang KALyeSerye--
a Series of Love with KArats
Agatha Prideaux Mar 2020
Pwede ba, na sa bawat pag-gising
At bawat pagtibok ng puso habang pumapasok
Ang sinag ng araw sa aking bintana
Ay makakalimutan ka na?

Dala na ang kamao **** tila nakabalot
Sa aking pinunong dibdib
Na niyurakan at kumikirot dahil sa iyong
Mahigpit na hawak sa akin, pwede ba?

Sana nama'y makaligtaan na ang tono, huni, at nilalahad
Ng mga kantang noo'y sinasabayan pa ng ating
Mga tawa, padyak, hiyaw, galaw
Balang araw, sana nga.

Maaari bang itapon na ang papel na naglalaman
Ng mga nais ko sanang ipahayag sayo noon
Kasabay na ang mga kasinungalingang binulyaw mo sa akin gamit ang mga letrang padala mo
Ako'y pagod na.

Pagod nang magparamdam, makiramdam
Makaramdam ng purong pagdamdam
Na alam kong kailan ma'y hindi mo na mararamdaman
Tama na.

Kung maaaring mawalay na
Sa pagkapit sa mga matatamis na salitang
Ibinulong mo sa akin habang inaambunan tayo
Ng sinag ng buwan sa gabing kay liwanag.

Sana'y matuyo na ang mga nasayang na luha
Noong sinabi ko sayo na ika'y aking minamahal
Na kung saan binalik mo sa akin nang mas malutong, mas mabulaklak
Pero putangina, puro lang pala dada at walang kahulugan!

At noong dinagdagan mo pa ng mga pangakong
Pagmamahalan at pagsusuyuan sa ating unang pagkikita
Ay halos sumalangit ako sa tuwa at galak
Pero sa init at pait ng impyerno mo pala ako binagsak.

Gusto sana kitang tanungin
Kung naaalala mo pa ba lahat ng ating mga talumpati
Kung papaano natin nahanap ang ginhawa at katiwasayan
Sa mata ng isa't isa, oh aking minimithi.

Sinubukan kong uminom ng kung anu-anong likor
Na sa sobrang dami ay halos napuntahan ko na siguro
Lahat ng barikan na aking nalalaman
Para lang maialis ka sa isipang ikaw lang ang nilalaman.

Subalit, imbes na ika'y maglaho sa kuro
Ay mas naalala ka sa mga malulungkot na gabing
Nangangamoy alak at naglalasang halik mo
Tulad noong unang gabing hinagkan mo ang nag-iinit kong noo.

Ngayon, ika'y masaya na at kuntento
Sa piling ng taong sinabi mo sa akin na huwag alalahanin
Hindi mo lang alam kung paano ko pinilit ang aking sarili
Na tanggapin lahat ng iyong isinaksak at binaril sa puso kong siil

Tila tintang nakamansta sa puting palamuti
Na di maalis-alis kahit gaano ko man kuskusin
Ang memoryang nakalaan para sayo sa aking isipan at damdamin
Kay hirap nang hubarin at tanggalin

Siguro ako'y itinuring lamang na isang kagamitang
Pwedeng itapon matapos pagdiskitahan ng mapaglarong tadhana
Na noo'y pinaniwalaan at naging pamanhik ko
Sa sandaling itinahi na ang pangalan mo sa nagdurugo kong puso

Pero, sa huli, kinailangang limutin
At iparaya ang damdaming nakakulong parin
Hanggang ngayon sa yakap ng iyong bisig
At himbing ng mga talang tila patalim sa gitna ng dilim

Sana'y natuto na ang sariling pag-iisip
Na hinding-hindi magpalinlang sa mga matatamis na awit
Na pinuputak ng bibig na ang may ari ay
Walang espasyo sa kanyang isip at puso para sa akin.

Aking nawalay na sinta
Maaari bang ika'y pakawalan na?
Para sa atin—o baka sa aking kalayaan at kasiyahan nalang
Pwede ba, kakalimutan na kita?
Day 1 of #NaPoWriMo2020. As of now, I'm not yet following the prompts. But here's an entry nonetheless.

— The End —