Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
GABRIELLE Feb 2017
Kasabay ng aking paggawa ng tula
ay ang pagbitaw sa pangako mo na
"akin kang babalikan"
Kasabay ng pagiba ng ihip ng hangin
ay ang pagtangay sa puso kong dati'y walang ibang isinisigaw kundi ang iyong pangalan

Isa kang salamangkero
Pinaniwala mo ako sa mahikang kailanma'y 'di totoo
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pag-ibig na nagpalapit sa atin
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig

Pero teka
Pag-ibig nga ba iyon
o isa lang iyon sa mga pelikulang iyong nilikha?
Na sa umpisa palang ay nakalagay na ang mga katagang
"Babala: ang sususnod na programa ay walang halong katotohanan
Huwag seseryosohin"

Una palang kitang nakita,
nakuha mo na agad ang aking atensyon
Katulad ng isang kwintas
Una mo palang makita,
hindi mo mapipigilan
na mapalapit agad iyon sa puso mo

Naaalala mo pa ba ang regalo mo sa akin?
Kwintas na may hugis pusong disenyo
Sabi mo, iyon ang sumisimbolo
na nasa akin na ang iyong puso
Ngayon, alam ko na kung bakit
Dahil tulad ng metal na kwintas na iyon,
Ganon din katigas ang nilalaman ng iyong dibdib
Random Guy Oct 2019
isang salita
na kayang gawing
meron ang wala
bawiin ang nasabi na
gawing biro ang seryoso na pala
ikaw pa rin pala
charot
masakit pa rin kaya
charot
mahal pa rin kita
charot
hindi mo alam
kung seseryosohin
dahil sa dala ng unang kataga
na sinundan ng charot
para hindi masyadong halata
ang sakit
ang hapdi
ang paparating na luha
charot
tila isang malaking pantakip
sa butas na iniwan mo
ng matagal
charot lang
Ayoko na lamang bilangin ang mga oras
Na nasisinagan pa tayo ng araw,
Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw
Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.

Naaalala ko pa noong elementarya'y
Sabay tayong papasok sa eskwela
Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay.
At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga
Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan
At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.

Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater,
Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase?
Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya
At magkakalat ang putik sa ating sahig
Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.

Ilang beses din tayong naligo sa dagat
Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo
Habang siya ay nasa laot pa.
Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong
Kaya muli tayong mapagagalitan
Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.

Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo?
Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako?
Hindi ko kasi makalimutan yun
Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo
Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.

At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog
Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli
Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko.
Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun
Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.

Kaya noong maggising na lamang ako'y
Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay
At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin
Kung ano ang mga nangyari
At kung saan ako pupunta.

Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras,
Pero heto pa rin ako...
At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.

Siguro nga kung hindi ako natulog agad
Ay baka may naggawa pa ako.
Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon,
Ay hindi mo ring magagawang umalis.

At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y
Wala naman talaga tayong pag-aawayan.
Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi
At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.

Siguro nga, pero huli na ang lahat eh
Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa.
Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat,
Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko,
Kasi pagod na ako...
Pagod na pagod na ako.

— The End —