Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Brent Sep 2016
Halina kayong lahat at makinig!
Magdikit-dikit at magkapit-bisig!
At sabay pakiramdaman ang tahimik na unos
ng isang dakilang puting kandilang upos.

Dito sa ating liblib na barrio
Nakatago ang isang kandilang puti
Labis na mahaba;
ang pasensya
na tila kayang hintayin
ang walang hanggan.
Ngunit labis na manipis;
na kaybilis tablan at lapitan ng hinagpis.

Dumating ang araw na kinailangang sindihan
ang dakilang puting kandila
sapagkat nawala at napundi na
ang ilaw ng tahanan.

Nang idinikit ang posporo sa kanyang mitsa
ay hindi sadyang nakapaso ang kandila
subalit ang nagsindi
ay 'di napigilang magalit,
pilit na pinutol ang kandilang puti
sa gitna at ito'y nangalahati.

Walang nagawa ang kandilang mayumi
kundi iiyak ang mainit nitong pagkit
ngunit ang tanglaw nito ay kayliwanag
buong barrio'y mararamdaman ang kanyang sinag.

Ilang araw nangyaring muli
ang pagpasong hindi minimithi
ang kandilang puti'y
patuloy pa ring nangangalahati
ngunit ang liwanag sa barrio'y
sa kanya pa rin nanggagaling.

Dumating ang araw ng kandila
na hindi na maaring kalahatiin.
Unti-unting sumuko na rin
ang mahaba nitong mitsa.

Sa huling sandali,
ay hindi na nakapagpigil
ang mapanghimok na nagsindi.
Buong lakas na nag-ipon nang hangin
Buong pwersang sumigaw sa kandila.
Ang kandila'y 'di na nanlaban
at nagtuloy nang manghina.
At sa huling bulong ng nagsindi,
ang liwanag ng kandilang puti ay napundi.

Halina kayong lahat at makinig
Magdikit-dikit at magkapit-bisig
sabay pakiramdaman sa walang kibong katahimikan
ang umaalulong na hagulgol ng dakilang kandila.
trying out a literary style for a contest. 3rd work that's in Filipino. Kinda deep and shallow at the same time.
corporal Dec 2019
Nakakatawa isipin na sinubukan natin mangahas sa maiksing oras,
tumaya sa natatanaw na dulo,
at maniwala sa pangitain ng bukas.
Pero, Mahal, hahayaan ko na ang mundo
at pagbibigyan itong manalo.

Bulsa ang sagot sa mga tanong na walang katiyakan kung saan aabot.
Kabilang ang mga gusot na sa panaginip na lang maitutuwid.
Sa panaginip, sa tabi mo gigising.
Sa paggising, ibubulong na lang ang hiling.

Dahil kahit ulit-ulit natin ang lahat,
baliktarin man ang aking unan,
sagutin man ang mga natitirang palaisipan,
at kahit manatili man saglit,
hindi magdadalawang-isip na dayain tayo ng langit.

Ngunit, kung sakaling malinlang ko ang taas
magsisimula muli ta'yo sa bagong espasyo na
ta'yong dalawa lamang ang huhulma ng bukas.
Kung saan walang pwersang hihila.
Kung saan, Mahal, katabi ka paggising tuwing umaga.
Ibabaon na lang ang mga natitirang labis

— The End —