Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ron Padilla Jan 2017
hindi mo yata napansin
dahil ang bilis,
ang bilis ng pagtibok ng puso ko
ang bilis ng mga dumarating na alaala
na nakalimutan na natin kung anong mayroon tayo

ang bilis,
ang bilis lang ng mahabang panahon
na kung saan ibinigay ko na ang sarili ko
sa iyo
na kung saan wala na akong natira
para sa sarili ko

hindi ko inakala na parang kahapon lang
pilit ko sabihin na mahal kita sa kahit anong paraan
pero ngayon ay pinipilit na kitang huwag  ako pakawalan

ang bilis.
pero ang bagal

ang bagal ng sakit na idinulot nang iyong pag lisan
ang bagal ng panahon nang pag hilom ng sugat na
iniwan mo

sobrang bagal na halos nawala na ako sa kakabilang
ng oras dahil alam ko sa sarili ko na hindi ko
kakalimutan ang araw na iyon.

sana sa susunod
magpapaalam ka muna bago
mo bigyan ng ulap
ang takipsilim
na sa iilang oras na lang
ay mag gagabi na.  

sa tingin ko, dapat ko munang pigilan ang
pagiisip sa mga bagay na to,
dahil alam ko naman
ni kahit isang salita ko hindi mo bibigyan ng pansin.
Sobrang daya mo naman
dahil lahat ng sinabi mo binigyan ko ng diin.
lahat ng drama mo,
lahat ng kalokohan mo
lahat ng nagmamahal sayo
lahat ng gusto mo
lahat yun alam ko.
hindi ko naman pwede ipagmayabang yun
wala lang din
dahil ang pwede malaman ng lahat
iniwan mo na ako.


wag na natin patagalin pa
dahil alam na nila
alam mo na
alam ko na rin sa sarili ko.

wag na natin ipilit yung mga bagay na wala na
ang nais ko lang naman ay ang iyong paalam
at sana marinig mo rin ang akin.

paalam na sa munting
pahayag na isinulat natin
noong tayo pa ay masaya,
madami akong natutunan
sa'yo at madami ka rin natutunan sa akin, at biglaan,
biglaan na muli nating
bingyan ng magandang pag
salubong ang pagwawakas na
kung anong mayroon tayo dahil
gusto mo na ako magsulat sa pahina ng iba ngunit
naiwan ko ang lapis na kung
saan nandoon pa sa iyong tabi

paalam na sa mga umaga na sa pag gising
ay halos ngiti agad ang nakadapi sa ating mukha
na inuunahan pa natin ang pagsikat ng araw
bago pa tayo magpaalam sa isat isa.

paalam na rin sa saya
na tayong dalawa lang ang nakaka alam

paalam na.

ang bilis lang diba?
sana kung gaano kabilis rin ang pag paalam ko
ay ganoon rin kabilis sa'yo.
paalam.
cleann98 Mar 2019
Hindi biro ang apat na taong ibinuhos sa iisang paaralan. Lalo na kung sa halos bawat pumapanaw na araw sa apatnapung buwan ay iisa lang ang itinatahanan ko't parang nakakulong pa sa iisang bahay sa tuktok ng iisang bundok.

Hindi birong sa haba pa lang ng apat na taon naging lipunan ko na ang Regional Science High School III. Tahanan. Mundo.

Hindi rin biro na sa pagbukhang liwayway sa akin ng ikalimang taon ay saka pa nagbago ang ikot ng mundo ko.

Sabi ng isang dating sikat na makatang si William Shakespeare noon na ang buong daigdig natin ay tila isang tanghalan at lahat ng lalaki't babae dito ay mistulang mga manananghal lamang. Sila'y umaalis at lumalahok ng walang pasinaya, madalas wala ring paalam...

Totoo nga, pabara-bara lang.

Bago ko pa man namalayan naging dayuhan agad ako sa sarili kong tahanan. Sa unang pagkakataon matapos ng apat na taon na umalis ang mga ilaw at tala na nakasanayan kong tingalain, pagmasdan, nakabibigla.

O baka matagal lang kasi talaga akong malapit sa gitna bago ko naranasang maitulak sa bandang dulo.

Sa tuwing itinatanong sa akin ng mga kaibigan ko sa Junior High School kung ano ang masasabi ko sa nakaraang dalawang taon ko sa RS bilang mag-aaral sa Senior High School; madalas sinasabi ko lang ay nakabibigla. Para akong namalinguyngóy sa wika na halos buong buhay ko nang sinasalita.

Lalong lalo na dahil palagi pang ipinaaalala sa akin ng mga taong nasa paligid ko na matagal na dapat akong umalis sa paaralan na ito. Ang pagpili ko sa STEM education o Science, Technology, Engineering, at Mathematics strand sa Akademikong trak ay isang pagkakamali at aminado ako dito. Kung tutuusin hindi talaga biro na ako ang tunay na 'alien' sa SHS ng RSHS.

Kaya mahirap ang Calculus at Physics at Chemistry para sa akin. Hindi ko ipagkakaila. Mahirap ring makitungo sa mga tipon-tipon ng mga nagsisikap maging bihasa sa larangan ng medisina kung ang gusto ko lang naman ay maging bihasa sa pisara. Higit din sa minsan ay nakahihiya na rin ipaliwanag pa kung bakit hindi ako nagtataas ng kamay tuwing tinatanong kung sino ang nangangarap maging doktor sa kinabukasan. Uulitin ko, nakahihiya.

Nakababalinguyngóy patagal ng patagal, habang lalong nagiging dayuhan ako sa paaralan na ito... Umabot ako ng hanggang ikalabindalawang baitang bago mapansin na masyado nang malaki ang distansya ko sa mga bagong bituin na dapat nasa paligid ko pa rin.

Maging tapat lang din, nakahahanga talaga ang pagniningning nila. Ang mga kaklase ko, bihira ko lang pinupuri pero tunay ang hiwaga nila, kahit sa mata ko lang.

Oo, dati inisip ko rin na habulin ko ang mga sinag ng aking mga kamagaral, pero kung nasaan ako ngayon, siguro nga mas pipiliin ko na ang kinalalagyan ko.

Itinanong na rin sa akin dati ng isa kong kaibigan ito, may advantage ba talaga ang pagpili ko na magaral sa STEM ng RSHS?

Ngayon, sobrang dali ko lang masasabi na kahit wala ako sa gitna ng mga tala napagmasdan ko naman ang mas malaking kalawakan. Kaya sobra rin, may isang napakalaking nagawa sa akin ng SHS ng lipunan ko.

Sabi nga ng mga Astrologo, pinakamalinaw na mapagmamasdan ang kalangitan mula sa pinakamadilim na kapaligiran; at yun ang kinalalagyan ko ngayon. Gaya ng nasa larawan ng isang concert kung saan nasa dulo ako ng coliseum ay nakita ko ang pinakamagandang view na hinding hindi ko makikita kung nasa gitna lamang ako at malapit sa pinakamasinag na hiwaga na meron. Tanging sa gilid lang, kung saan halos wala na akong makita sa inaapakan ko, doon ko lang nakita kung gaano karikit ang dami ng mga ilaw na hindi ko pa naisip lingunin noon.

Saka ko lang napagalaman na mayroon pa palang ningning na malilingon ko sa larangan ng pagsulat ng lathalain. Paniguradong kung hindi ko sinubukan muli na lumaban sa presscon nitong taon hindi ko na ulit mararanasan ang journalism, muntik na akong hindi makalaban sa DSPC at lumaban sa RSPC. Muntik ko nang hindi makilala si Rizzaine at ang ibang mga naging kaibigan ko sa laban na ito. Siguro nga hindi ko rin makakahalubilo ang mga naging kasamahan ko sa the Eagle at ang Sanghaya kung hindi dito.

Hindi ko rin inasahan na mapapalapit ako sa kislap na tanging sa SDRRM at Red Cross Youth ko lamang mararanasan. Nakakapagpabagabag. Matagal na akong lider pero hindi kahit kailan pa man ay nasagi na sa isip ko na mangunguna ako sa isang napakalaking lipunan  na kasing gulo at kasing dehado ng katipunan na iyon. At higit pa rito ay sino ba naman ang magaakala na sasabihin kong naging isang malaki at masayang bahagi ng SHS ko ang ubod ng labong pangkat na ito.

Ang mga kaibigan ko pa. Mga parol sa madalim na sansinukob na hindi ko magawang talikuran at hindi ko rin kayang masyadong malayuan.

Mahirap silang isa-isahin pero silang mga bituin na natulak rin palayo sa gitna ng mundo namin, para silang Polaris, na naging pahayag ng daanan tatahakin ko sa karimlang katakot-takot lakaran. Alam ko na lalayo at lalayo pa sila habang patuloy na lumalaki at lumalaki ang kalawakan ko pero ang hiwaga ng ilaw nila, yun ang hiwaga na hindi mawawala sa mundo ko.

Mahirap maligaw sa tahanang kay tagal-tagal mo nang ginawang mundo. Mahirap madapa sa daanang ilang taon mo nang nilalakad. Nakababahala. Nakababaliw. Nakababalinguyngóy. Pero ang sukdulan lang ng karanasan ko ay gaya lang ng isang simpleng kasabihan 'we do not go there for the hike, we go there for the view.' at tunay nga, sobrang ganda ng tanawin sa gilid ng pagiging estudyante ng SHS.
Mahal kita ngunit pagkakatao'y naiwala
Pagsinta sa iyo lamang ay isasatula
Pag ibig ko sayo'y di na maipadarama
Mainit na yakap mo'y di na     makikilala

Haplos at pagmamahal mo'y di mararanasan
Pagsintang laan sayo'y di nabawasan
Kalinga mo'y siyang hinahanap
"Tayo" na hindi naganap

Sana, Kung sana Lang nagawang makilala ka nang mas maaga
May pagsisdlan ba pantasya Kong pariwala?
Pangarap na sing layo ng mga tala?

Pag asang nilamon ng duda
Pag aming di inakala
Parehong dinarama
Pagsintang walang angkla

Ngunit hanggang saan nga ba
Pagtula't pagtitig sayo mula sa malayo
Mga barumbadong pahayag mo'y totoo sa inakala
Pangarap na kelanma'y di na lalago

Sana nga'y totoo
Sa Diyos ay nagsumamo
Ngunit huli na ang lahat
Pagpasok mo sa seminaryo ba'y dapat?

Ano nga ba't sa huli'y kung tayo rin
Lumuhod man ang mga tala sa munggo't asin
Landas nati'y muli ring magtatagpo
Kapalaran man sa ati'y makipaglaro
Mga paningin nating laging nagkaka-bunggo,
pilit man itong pigilin kusa pa ring nag-tatagpo
ginagala ang mata sa bawat sulok ng kwadro,
upang ito ay itago ngunit sayo pa rin sa huli dumadapo.

Bilanggo ang aking mga salita
gawa ng paralisado kong dila
tuwing ikaw ay malapitan kong nakikita.

Bibig ko ay mga matang malaya
upang mangusap at mag-pahayag ng mga
salitang di ko kayang masambitla
sa tuwing mata nati'y nag-kakabangga,
nag-hihimutok ang damdamin kong nag-babaga.
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
sabi mo ako lang talaga
bakit nagbago bigla?
ano ba talaga?
Sa iyong mga binitiwan na mga salita
ako'y napatulala
Di ko kinaya ang sakit na nadarama
mga pahayag na sa aki'y tumatama
tagos sa puso ang pana

ako'y iiyak nalamang
sapagkat alam kong wala na
sana nga meron pa
Lawl... di ako inlove... sadyang marami lang nakakarelate at marami na akong nabasang ganto... nakakatuwa lang gumawa ng gantong tula... ahihihihi
kingjay Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"

— The End —