Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Para sa’yo ito, Mahal ko.

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Nagising ka sa karagatan ng luha na nanggaling mismo sa iyong mga mata
Mga luha na tila itinakda para sa iyong pagdurusa
Kasama ang mga salitang “Kaya ko pa ba?”

“Kaya ko pa ba?”
Ang mga salitang itinatanong mo sa sarili mo noong ikaw ay umiiyak dahil sa ilang beses ka na niyang nabigo sa mga pangakong napako.
Sa iyong pagbangon ay iniisip mo siya.
Hanggang sa iyong pagtulog ay baon mo siya hanggang sa panaginip
At pinangalanan mo siyang “Pag-ibig”

Pag-ibig na itinuring **** totoo
Na pumuno ng kanyang pangalan sa likod ng iyong kuwaderno
Umaasang nakalimbag ang pangalan niyong dalawa sa palad ng isa’t isa

Pag-ibig na akala mo ay kukumpleto sa’yo
Ngunit siyang naging daan ng pagkawask mo

Pag-ibig na sumira sa paniniwala mo
Ang naging sanhi ng pagsabi mo ng mga salitang “Walang forever.”
At pinaniniwalaang ang pagmahal ay tila isang laro na maaaring may manalo ngunit laging may talo

Ngunit ito nga ba ang tunay na pag-ibig? Kung hindi, ano nga ba ito? Ano nga ba ang hugis ng pag-ibig?

Ang PAG-IBIG ay isang TATSULOK

Magsisimulang tumaas at umakyat sa tuwa
Ngunit pagkatapos ng ilang pagsubok
Ay magsisimula muli sa ibaba

Katulad na lamang ng isang pagbati na laging magtatapos sa paalam
Na tila kayo’y nagtagpo sa tuktok pagkat sa dulo kayo’y tinakda upang mawalay sa piling ng isa’t isa
Na kahit na ipinangako niyo sa isa’t isa ang walang hanggan ay narating niyo parin ang dulo.

Ang pag-ibig ay hindi tatsulok.

Ang PAG-IBIG ay isang PARISUKAT

Naroon ang pagmamahal sa bawat dalisdis
Ngunit sa bawat dulo ay magtatapos at maghahanap muli
At sa dami na ng pag-ibig na lumipas ay maaari mo nang iangkat ang pangalan nila sa isang malaking kahon na hugis parisukat

Ang pag-ibig ay hindi parisukat

Ang PAG-IBIG ay isang BILOG

Patuloy na umiikot sa sariling aksis at tila walang katapusan
Ngunit pag tinignan **** mabuti sa gitna ay ang landuyan nito ang sarili mo.
Na nagsasabing
“Mahal kita dahil maganda ka…”
Paano kapag tumanda ka na’t kumulubot ang iyong muka’t nawala ang kagandahan?
“Mahal kita dahil mabait ka..”
Paano kapag ang bait ay tila nawala sa mga pagsubok na inaasahang dumaan
Laging magkakaroon ng dahilan
Laging magkakaroon ng kondisyon

Ang pag-ibig ay hindi bilog

Ang PAG-IBIG ay isang PUSO

Patuloy na tumitibok para sa binabaybay niyang pagmamahal
Nagsasabi ng mga salitang matatamis at mabubulaklak
Pag-ibig na nakilala mo sa mundo at akala mo ay bibigyan ka na ng lahat ng iyong ninanais

Pero nagkamali ka. Ang puso ay napuno ng kiro’t biglang tumigil sa pagtibok. At tulad ng minsan nang umiinit na kape ay nanlamig. Ang iniwan nito ay mga sugat na hindi mo kayang pagalingin ng mag-isa. Ang pag-ibig ay hindi isang emosyon. Hindi ganito ang pag-ibig!

Ang PAG-IBIG ay isang KRUS

Ang Krus kung saan naganap ang pag-ibig. Pag-ibig kung saan ang pangako’y hindi napako pero ipinako. Pag-ibig na nagpakita ng sakripisyo upang maligtas ka lang sa kamatayan. Sabay ng aking pagkapako ay ang kapatawaran mo. Na kahit na ikaw dapat ang nasa posisyon ko ay ipinagdamot ko ang krus upang hindi ka na magdusa pa. Ito ang tunay na pag-ibig.

Ako ang una **** mangingibig na kahit na habang nililikha ko ang mga tala’t bitwin ay nasa isip kita.

Pag-ibig na lumikha sa’yo
Na kahit na itabi kita sa mga bulalakaw o alingawngaw ng mga nag-iingayan na kuliglig o sa bawat kariktan na madadaanan ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng kariktan

Pag-ibig na talagang totoo
Na kahit na hindi ang pangalan ko ang pumuno sa likod ng iyong kwaderno ay minahal kita
At tuwing gumuguho ka na’y pinilit kong iangat ka sa iyong pagkabagsak

Pag-ibig na kukumpleto sa’yo
Tinanggal ko nga ang kasalanan mo, paano pa kaya ang mga puwang natititra sa loob ng iyong puso?

Ito ang hugis ng pag-ibig

Pagmulat ng iyong mga mata, kaninang umaga, ay nagising ka.
Ginisng kita sa katotohanan na ang mundo ay magsasabi sa’yo ng napakaraming salita
Pero mahal, ang salita ako ang pinakatotoo
Dahil kahit na ilang beses mo akong biguin, ang pangako ko ay kailanma’y hindi mapapako dahil ipinako na ito para sa’yo dalawang libong taon na ang nakalipas.
Ilang beses nang natanggihan ang pagkatok ko sa puso mo
Pero hindi parin ako sumuko, inaraw-araw ko ang pagkatok dito
Umaasang maiisipan **** bumalik sa ating tagpuan
Kaya kumakatok ako muli, Ang tanging katanungan ko lamang ngayon ay; Mahal, handa ka bang tanggapin ako?

Iyong iyo, Ang manlilikha mo
This piece is meant to be spoken.
Palubog na ang araw, mangungusap na naman ang gabi
Hahanapin ang unan at ang ngiti'y isasantabi
Ang bulaklak ay malalanta, ang saya'y magiging pighati
Paano mararating ang panibago kung palaging nakatali sa "dati"

Dati na ang buhay ay walang kabuluhan
Napakaraming nagawang kasalanan na hindi namalayan at nalalaman
Kasalanan na dulot ay kasamaan, kayabangan, kasinungalingan at pagsuway sa magulang na hindi magawang pagsisihan

Palaging kinukutya at sinasabing walang panibago, kung ano ka, sino ka, magsisiwala't ng buo **** pagkatao
Itinanim na ng mundo ang kasinungalingang ito, na hindi ma mababago pa ang "ikaw" na iyong binuo

Sinundan ka ng anino ng nakaraan
Pilit pinapa-alala ang sugat na dati pang iniiyakan
Tila patuloy pa ring nakagapos sa kadiliman
Paulit-ulit na lang na sugatan at luhaan

Hanggang sa nakakulong na sa rehas ng pag-iisa
Iniwan, sinaktan, hinahanap ang tunay na pag-ibig at pag-asa
'Saan ko matatagpuan? Kailan magtatapos ang sigwa?
Madilim...pero magwawakas na

Dahil nang nakilala kita ng lubusan, ang aking dati mga kasalanan ay buong puso kong pinagsisihan
Ang puso at kalooban ay gumaan kung saan ang dating ako na makasalanan ay hindi na babalik kailanman
Ang dating buhay na puno ng kasalanan ay napalitan ng kalinisan, kapayapaan at kaligtasan

Nagpapasalamat ako sa pag gabay mo na kung minsan sa bawat problema na aking naranasan hinding-hindi mo ako iniwan
Nagpapasalamat ako sa pag gabay mo na kung minsan sa aking buhay ay nawalan ng gana, ganang mabuhay pa ngunit nandiyan ka na nagsabi sa'kin na "Bumangon ka sa iyong pagkadapa."

Ikaw ang nagbigay sa'kin ng napakalaking PAG-ASA
Pag-asa na mas malaki pa kesa sa mga naranasan kong pagsubok at problema
Ikaw ang gabay sa oras ng problema na kasing laki ng barko, ngunit nandiyan ang solusyon mo sagot sa problema na kasing laki ng karagatan na natatanggap ko

Ginabayan mo ako at binago ang taong katulad ko na dati hindi nakikinig sa mga salita mo at ayaw basahin ang mga sulat mo
Ngunit noong binago mo ako, ako ay patuloy na nagpagamit sa'yo
Binuksan mo ang aking isip at puso at isinabuhay ang mga kabutihan na ibinibigay mo sa isang katulad ko
Patuloy na maging instrumento, sa pagbabahagi ng mga salita mo

Kaya kapatid kung ramdam mo na buhat mo ang mundo at dala-dala ang bigat na meron dito
Pangako, kaya niyang buhatin yan para sa'yo

Magtiwala ka sa kanya
Siya ang mag silbing lakas at pag-asa
Siya ang magiging dahilan sa iyong muling pagbangon pag-ahon sa nadamo **** pagkadapa
At tila akala mo imposible ka nang mabuo pa

'Wag kang matakot dahil heto Siya
Handa siyang pulutin ang bawat piraso ng puso **** basag at handang buohin ang puso **** wasak mula sa pagkabagsak

Kung nararamdaman mo na nasasaktan ka sa dinadanas mo dito sa mundo
'Wag kang mangamba dahil yang puso **** puno ng sakit, pasakit at hinanakit ay handa niyang hilumin at akuin para sa'yo

Dahil mas masakit pa ang naramdaman niya kesa sa dinanas mo
Mas masakit pa nang suotin niya ang koronang tinik na walang halong pag-sisisi,
Na buhatin ang krus ng kalbaryo sa ilalim ng tindi ng init at pagpako sa krus, para sa'yo lahat ginawa niya maging pag-ako ng kasalanan na ginagawa mo

Lahat ginawa niya tiniis lahat ng sakit ng walang hinihinging kapalit
Kaya kapatid, lahat ng problema at pagsubok na mayroon dito sa mundo asahan mo di siya mawawala sa tabi mo

Kaya kung hindi ka man tinanggap ng mundo dahil sa iyong nakaraan,
May AMA ka na naghihintay sa'yo at hindi ka babalewalain lang

Kaya AMA sa pag gabay mo sa isang katulad ko
Natagpuan ko ang pagmamahal na walang dulo
Maraming salamat Sa'yo.
0118

Hindi Ka lumipas —
Naalala ko noong nakaraang taon
Ilang araw buhat sa ngayong pagbibilang ko
Bago pa sumulyap ang mga pampakulay sa kalangitan
Para magtagisan sa pagbungad sa paunang ngayon.

Hindi Ka lumipas —
Halos itim na lamang ang kulay sa kalangitan
Na para bang ang pag-asa ay kinitil na ng sanlibutan
Na para bang ito’y nobelang pawang paghihintay na lamang
At nang subukang gapangin ng putik ang pangarap ngunit hindi —
Hindi Ka pa rin lumipas
At muli **** binigkas na Ikaw ang dahilan ng lahat
Na ang lahat ay walang kabuluhan
Kung ang Ikaw ay ibabaon sa limot at tatalikuran.

Hindi Ka lumipas —
Gaya ng mga butil ng luha sa aking mga mata
Na ang pagsusumamo ay tila araw-araw na pag-aakyat ng ligaw Sayo
Na maging ang umaga ay tila Simbang Gabi.

Hindi Ka lumipas —
Nang dungisan ng mundo ang mensaheng laan Mo
Ngunit sabi Mo’y tapos na ang lahat
Malambot pa sa bulak ang sumalo sa bawat pagkabagsak
Walang katulad ang Iyong mga yakap,
At heto ako — mas natutong sumandal sa nag-iisang Ikaw.

———

Hindi Ka lumipas —
Ilang beses **** hinayaang masaksihan ko ang pagsagwan nila sa agos
Ang paglipad sa ere na tanging Ikaw lamang  ang sumalo
Na para bang ito na ang huling mga katagang bibitiwan ko —
Ayoko na
Pero hindi —
Pagkat nagkakamali ang dilim sa paghasik ng kanyang sarili
Pagkat ang Liwanag ay panghabambuhay
At hindi tayo kakapusin sa oras
At hindi ito isang “sandali lang.”

Hindi Ka lumipas —
At ayokong palipasin ang kahit isang pintig ng sinasabi nilang “sandali lang naman”
Pagkat sa oras na ito’y hindi Ka lilipas —
At tanging ang pangalan Mo ang mangingibabaw
Sa susunod pang hihiranging mga araw
Kahit pa sabihin nilang nagbago na ang lahat.

Hindi Ka lilipas —
Kahit pa tabunan ng pangungutya ang Iyong kasulatan,
Tanging Ikaw ang magiging bukambibig.
Kahit pa hindi makakita ang mga bulag
Ay ipagdidiinan pa ring Ikaw ang magbubukas ng bawat paningin
At walang dilim na kayang sakupin ang Bayan Mo, Ama.

Hindi Ka lilipas —
At sa bawat pagtaas ng Bandila
Ay Ikaw ang mananatiling may tiyak na katuturan
Na ang mensahe Mo’y ipangangalandakan
Saanmang dako at sulok ng mga Islang hinati ngunit Iyong ipinag-isa.

Hindi Ka lilipas —
Tulad ng mga ulap tuwing ang ulan ay titila
Tulad ng tubig tuwing huhupa ang baha
Tulad ng ilaw at init ng kandilang inapula.

Hindi Ka lumilipas —
Gaya noon, hanggang sa huling hampas ng segundo sa huling pagyukod ng araw.
Maghari Ka —
Hanggang sa huling pagkurap na kasama Ka.
Matias Feb 2018
Lahat tayo ay pantay-pantay sa isang kamay
ngunit sa mundong ginagalawan
tayo ay nag-aaway away para sa isang tagumpay
kahit ang ibang tulad mo ay matapakan
wala ka ng pakialam
makamit lang ang inaasam-asam,
pagtakbo ng matulin
pagsisid ng malalim
paglipad ng mataas
mas mataas pa sa lipad ng mga ungas
nag-uunahan sa isang pwesto
isang pwesto na walang trono,
na kung saan ang mga tao ay wala ng modo,
lahat ng nasa baba ay inaapakan parang tuyong dahon
tuyong dahon na handang ibaon sa lupa,
handang sigaan hanggang maging abo na lang,
kamusta ka? isang malaking tanong
masaya ka pa ba sa karangyaan na mayroon ka ngayon?
nakalimutan mo na atang maging tao?
maging tao o kahit man lang magpakatao?
o tumuring ng isang tao.
sa iyong pagtakbo ika'y madadapa
sa iyong pagsisid ika'y malulunod,
at sa iyong paglipad ika'y babagsak
kung gaano ka katulin mas masakit ang pagkadapa,
kung gaano ka kalalim mas mahirap maka-ahon pa
at kung gaano ka kataas mas masakit ang pagkabagsak
lahat ng bagay ay may kabaligtaran
baligtarin mo na ang mga bagay na dapat baligtarin
dahil mas mahirap ang iyong sasapitin
kapag di mo naagapan ang iyong tatahakin.
bato-bato sa langit ang matamaan ay pangit

— The End —