Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“I am not a teacher, but an awakener.”
― Robert Frost

May mga walang alam na nagpapanggap na may alam. Mga nagmamarunong na akala mo ay mga pantas pero ang totoo ay masahol pa sa tunay na mga mangmang. May mga nagsusulat pero hindi marunong magmulat, kahit bulatlatin mo ang kanilang mga aklat na hindi magluluwat wala kang mapupulot, wala itong alamat kundi puro lamat. Ganito sila ‘pag iyong sinalat walang k’wentang bumanat.

Ang mga panaginip ng isang paslit ay laging naghahanap ng katuparan tulad ito sa isang malawak na paliparan na ang mga tapakan ay tila walang hangganan. Ang banggaan ng mga saranggola guryon man o boka-boka ay sumasagisag sa sigla ng kamusmusan. Walang bobo, walang tanga at walang mahina ang totoo para-paraan lang para matuto ‘yan ang hindi alam ng mga ungas na nagtuturo.

Natatandaan ko madalas na pinapatayo ako sa harap ng pisara kasi maingay daw ako at malikot. Madalas din akong mapalo kasi mahina ang ulo ko pagdating sa Matematika. Bakit ano’ng kadakilaan ba ang meron sa pananahimik at kelan pa naging pang-aliw sa puso at kaluluwa ang mga numero? Walang lumiligaya sa pagmememorya at hindi nakaka-ulol ang pagiging malikot at maligaya.

**** ka ba talaga? Parang hindi naman, mas mukha kang tinderang tuliro na abala lagi sa pagbebenta ng yema, kendi at kung ano-anong sitsiriya. **** pangalawang magulang? Kaya pala mas mabagsik kapa sa tatay kong maton at mas masungit kapa sa nanay ko. Nagtuturo ka ba’ng talaga? Hindi naman, mas mahaba pa nga ang oras mo sa pakikipaghuntahan.

Ang **** ay hindi lamang dapat na nagtuturo s’ya ay tagapagmulat din. Isang John Keating (teacher sa pelikulang Dead Poet Society) ang kailangan ng mga bata sa mundo. Nagmumulat hindi nagmamalupit, hindi kailangan na manghagupit at walang dapat na ipilit. Ang eskwelahan ay hindi pugad ng mga pipit. Matalino, magaling at matalas mag-isip ayos lang yan. Subalit punong-puno na ang mundo ng mga matatalinong walang pakinabang.

Ang umibig at maging tunay na kapakipakinabang sa mundo at sa kapwa tao, ito ang dakilang aral na dapat na ipangaral. Walang silbi ang mga pagpapagal sa loob ng paaralan kung ang natutuhan mo lang ay kung paano kumita ng limpak-limpak na salapi. Kung ang alam mo lang sabihin ay Yes Sir at Yes Ma’am walang silbi ang iyong pinag-aralan. Nakakalat na sa lupa ang mga pipi na hindi marunong magsalita at magpahayag nang kanilang tunay na saloobin. **** na nagtuturo maliban sa hintuturo at nguso sana gamitin mo rin ang iyong puso.
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
Marge Redelicia Oct 2013
Hoy Neng,
bilis!
Halika nga dito.

****-abot nga sa akin yung ano,
yung kwan.
Yung ano na medyo pula,
pero may pagkadilaw,
ng kaunti.
Nandoon lang nakapatong sa ano,
malapit lang doon, oo doon.
(Sabay turo,
gamit ng nguso)

Dalian mo!
Bilis!
Ang bagal-bagal mo naman kumilos,
Susmaryosep!
Randell Quitain Sep 2017
kaunting tukso;
ungot agad, sabay nguso.
hirap magpalaki ng bata,
kung sinanay sa ginhawa.
John AD Jun 2020
Lugod kong pinasasalamatan ang haligi ng tahanan
Bagamat magulo ang kaganapan , dito sa tahanan
Nag-iba ang simoy ng hangin , hindi na ko marunong manalangin
Lagi nalang napupunta sa wala , ang dalangin ko noon na tinangay na ng hangin

O kay sigla ng ngiti kung babalikan ang nakaraan
O kay sarap sa pakiramdam ang samahang hindi ko malilimutan
Mabilis magpinta ang pintor , ang imahe ay magulo
Ngiti sa larawan , binaliktad ang mga nguso

Batid ko ang kaligayan kung may tamang pag-iisip
Bagkus konti nalamang ang buhay ng mortal na tulad ko , madalas nadin mainip
titig ko sa punyal , titig ko sa lubid
magulo ang pagiisip , pero ang utak ay hindi makitid.
Ama aking pinagkukuhanan ng karunungan , ikay namumukod tangi dahil ikaw ang nag bigay lakas sa akin upang matuto at matauhan .

— The End —